WHO AM I
Naniniwala ba kayo na may mga taong hindi nila kilala ang kanilang sarili?
Ang totoo ay wala, walang taong hindi nakakakilala sa kanilang sarili, ang kailangan lang talaga natin ay matuto tayong tumangap ng katotohanan. Likas lang talaga sa tao ang hindi tumatangap ng katotohanan. Kahit alam nilang sinungaling sila pero ayaw nilang tangapin na sinungaling silang tao.
Eto ang resume ng aking pagkatao.
Bilang anak sa aking ama..
Malapit ako sa aking ama, lagi kong ka-kwentuhan ang aking ama, lagi kong kabiruan ang aking ama, hindi ko inaaway ang aking ama at hinding - hindi ko pinagsa-salitaan ng masasakit na salita ang aking ama, mahal ko ang aking ama.
Bilang anak sa aking ina..
Madalas ko kabiruan ang aking ina, hindi ako sumasagot ng pabalang sa aking ina, hindi ko rin pinagsasalitaan ng masasakit na salita ang aking ina, inaamo ko ang aking ina kung siya'y nagagalit o nagtatampo sa akin, mahal ko ang aking ina.
Bilang kapatid sa aking mga kapatid..
Bunso akong kapatid, lima ang mga kapatid kong babae, apat naman kaming mga lalaki. Kasundo ko ang lahat ng kapatid kong babae, ako ang madalas na nagpapatawa sa kanila, kung ako ang nakakaluwag hindi ko sila kayang tiisin at hinding - hindi ko sila kayang pagdamutan, hanggat kaya ko magbigay, nagbibigay ako sa kanila dahil hindi ko rin sila kayang nakikitang umiiyak. Lahat ng naibibigay ko sa iba kong mga kapatid na babae hindi ko na sinisingil sa kanila, dumadating man ang pagkakataon na hindi naiiwasan medyo nagigipit din ako minsan at nakakaramdam ako ng pagtatampo sa kanila pero hindi ko nagagawang magsalita at isumbat sa kanila ang ano mang mga bagay na naibigay ko sa kanila noon. Hindi ko ugali ang humingi ng tulong sa aking mga kapatid, kahit hanggang ngayon kapag bumibisita ako sa kanila gipit man ako hindi ko nagagawang humingi sa kanila kung bigyan ako salamat, kung hindi ok naman, hindi nalang ako umiimik o magsasalita magpapaalam nalang akong uuwi, pero ang hindi nila alam habang ako'y naglalakad papalayo umiiyak ako, tumutulo ang aking mga luha habang akoy naglalakad dahil hindi ko rin maiwasan kaawaan ang aking sarili, inaagapan ko nalang agad na punasan ang aking mga luha upang walang ibang makakita. Kung minsan hindi rin naiiwasan kung nakakaramdam ako ng konting galit sa aking mga kapatid na babae sa hindi rin naiiwasang mga dahilan kahit minsan hindi ko nagagawang sila'y komprontahin, sigawan o awayin, dahil ayokong nagkakaroon kami ng tampuhan. Kahit nasa kanila man ang kasalanan hindi ko parin sila kayang pagalitan o awayin dahil hindi ako ang taong mahilig mang-away ng kapatid. Hanggat kaya kong tumahimik tatahimik ako wag lang kaming magkaroon ng samaan ng loob. Hanggang ngayon ako lang sa mga lalaki ang hindi nagpapakita ng galit sa mga kapatid kong babae. Kahit alam kong may kakayahan at may karapatan din naman akong gawin sa kanila lalo't may kanya-kanya at sarili na kaming buhay, lalo pa't hindi naman sa kanila nangagaling ang aming kinabubuhay kaya kong gawin ang lahat sa kanila pero hindi naman ako katulad ng iba kong kapatid na lalaki.
Sa aking mga kapatid na lalaki, minsan hindi naiiwasang nagkakagalit, nagkakatampuhan at nagkakasagutan din. Pero nararamdaman ko akong bunso ang mas malaki at may malawak na pang uunawa sa kanila, ako ang may malawak na pananaw sa kanila, ako ang mas malalim magsalita sa kanila. Kahit sumasama ang loob ko sa kanila ako ang laging lumalapit para mawala ang aming samaan ng loob, kahit kaya ko rin namang makipagtigasan sa kanila pero nangingibabaw lagi sa akin ang pakikipagkaibigan. Lahat sila malalakas uminom ng alak ako lang ang mahinang uminom.
Bilang ama sa aking mga anak..
Matapang ako sa aking mga anak, mahigpit ako minsan sa aking mga anak, nakakatikim sa akin ang aking mga anak lalo na kung nawawalan sila ng disiplina at pag-galang sa kapatid at sa kanilang ina, sa bawat maling ginagawa binibigyan ko sila ng parusa depende sa kasalanang ginagawa, ngayong malalaki na sila konting salita ko lang takot na sila, tuwing kumakain kami ng agahan, tanghalian o hapunan doon ko isinasabay na pangaralan sila dahil sa aking paniniwala sumasabay ang aking mga pangaral sa mga pagkaing pumapasok sa kanilang katawan at nasisiguro ko na ang mga pangaral ko lang ang tanging naririnig sa oras ng kainan, malayo sa TV o sa alin mang ingay na maaring umagaw sa kanilang attensyon. Madalas kong sinasabi sa kanila ang tama at mali, madalas ko silang pangaralan na may kasamang pakonsyensya pipilitin kong patuluin ang kanilang luha habang nangangaral ako sa kanila. Pilit kong ipakita sa kanila kung anong ugali meron ako upang ako ang magsilbing halimbawa sa kanila.
Awa ng diyos yung bunso ko binata na rin ngayon hindi mapigil sa pagpu - pusoy aba humihingi pa sa akin ng pang taya. (wala narin ako magawa) nakikita kasi sa akin.
Bilang isang asawa..
Mahal ko ang aking asawa, lahat ng parte ng pagmamahal ibinibigay ko sa kanya. Hindi ako nakikipagtaasan ng pride sa kanya, mapagmahal akong asawa, kapag akoy nasa impluwensya ng alak lalo akong nagiging sweet sa kanya, nagpapatugtug ako ng mga mellow music at pilit ko siyang isinasayaw ng sweet. Minsan nagkakagalit man kami pero ako ang laging umuunawa sa kanya may kasalanan man siya o wala ako ang laging sumusuyo sa kanya, hindi - hindi ko siya kayang saktan, sigawan o pagbuhatan ng kamay dahil hindi ko siya kayang nakikitang umiiyak at lalong hindi-hindi ko siya kayang iwan o hiwalayan para lamang sumama sa iba. Minsan hindi man maiwasan dahil lalaki din ako nagkakagusto din ako sa iba pero hanggang doon lang dahil hindi ko siya kayang ipagpalit sa iba. Lahat ng perang kinikita ko sa aking pagtatrabaho iniintriga ko sa kanya (noon iyon), minsan kasi mahigpit humawak ng pera ang aking asawa kaya natuto narin ako magtago ng pang tong - it, isang daan lang naman kung medyo malaki - laki ang naiintriga ko sa kanya malaki na yung dalawang daan iba pa yung legal na pag - hingi ko sa kanya pang laro. he he he
Bilang ako sa mga taong aking nasa paligid..
Pala-kaibigan ako, minsan masaya din akong kausap dahil yan ang alam kong kailangan para mapalapit akong lalo sa aking mga kaibigan. Hindi ako mahilig makipag-away dahil ang laging nasa isipan ko "dapat kaibigan ang hanapin hindi kaaway". Mahalaga sa akin yan dahil walang taong magpa-plano sa iyo ng masama. Mahilig akong magkomento minsan sa mga taong nakikita kong nakakagawa ng mali sa kapwa. Kadalasan may mga nagsasabi sa akin na masakit daw ako magsalita pero sa totoo lang hindi naman talaga ako masakit magsalita ang katotohanan lang ang masakit. Prangka kasi akong tao alam naman natin na minsan masakit tangapin ang katotohanan at masakit makarinig ng katotohanan. Prangka akong magsalita in a nice way, hindi ako mahilig magsalita ng paligoy-ligoy kung nakita kong may nagawa kang mali magsasalita ako ng deretsahan sa tao kung kinakailangan akong magsalita pero kung wala hindi ako nagsasalita dahil alam ko rin naman manahimik, alam ko kung kaylan ako pwedeng magsalita, alam ko rin naman kung saan ako lulugar.
Hindi ako mahilig humingi ng tulong lalo na sa ibang tao, madali akong masaktan kung hindi ako natutulungan kahit alam kong kaya naman akong tulungan pero ni minsan hindi ako marunong magtanim ng sama ng loob sa mga taong hindi ako natutulungan dahil alam ko naman na "HINDI NILA OBLIGASYON NA TULUNGAN AKO". Hindi ako katulad ng iba na kung hindi mo natutulungan ay sila pa ang may ganang magalit.
Hindi ako basta-basta nagtitiwala sa tao, binabasa ko munang mabuti ang pagkatao bago ako tuluyang magtiwala. Mahirap ang madaling magtiwala kahit matagal na natin silang nakakasama dahil darating ang araw sa hindi naiiwasang pagkakataon oras na magkaroon kayo ng hindi magandang pagkakaunawaan "MAGKAKAROON SILA NG SANDATA NA IPANGLALABAN SA SA AKIN".
Sa paniniwala..
Hindi ako ang taong madaling maniwala sa sabi-sabi lang, naniniwalang totoo kahit hindi napapatunayan. Kahit sa religion hindi ako naniniwala, nakasulat lang at sinabi sa bibliya naniniwala ng totoo.
Karamihan sa mga kasabihan hindi ko pinapaniwalaan. Madalas kong binabasag ang paniniwala ng aking mga nakakausap pero hindi ko sinasabihan na mali ang kanilang mga pahayag o paniniwala upang hindi sila makaramdam ng pagkapahiya. Kung malaman ko naman na ako ang may mali sa mga paniniwala o pahayag hindi ko ugali na ipagpilitan ang alam kong mali.
Marunong akong tumangap ng pagkakamali, kapag nalaman kong may mali sa aking mga paliwanag o paniniwala tumatahimik na ako, hindi ko hilig ipagpilitan ang alam kong mali. Kapag nakagawa ako ng hindi maganda sa iba humihingi agad ako ng sorry.
Mahilig akong mapag-isa, likas sa akin ang mag-isip, mababaw lang ang aking kaligayahan, mas nakakaramdam ako ng kasiyahan kung umiinom ng red horse kahit nag iisa kaysa makipag inuman sa labas na puro kayabangan lang ang aking nakikita at naririnig.
Mahilig akong mamasyal lalo na kung nakamotor pagala-gala kahit saan makarating.
Sa pakikipag-usap sa tao..
Mahilig akong makipagbigayan ng mga kuro - kuro o opinion sa mga bagay na pinag-uusapan, mahilig akong makipag-debate. Pero maayos akong magsalita, maayos akong makipag-usap. Alam ko kung paano makipag-usap sa tao na hindi sila makakaramdam ng galit sa aking mga sinasabi. Kaya kong kontrolin ang aking sarili para maka-iwas sa umiinit na diskusyon. Meron akong sistema sa pakikipag-diskusyon, hindi ko pinipilit na maniwala ang aking mga nakakausap sa aking mga sinasabi ang mahalaga naipahayag ko ang aking mga nalalaman, pagkatapos titigil na ako bahala na sila kung maniniwala o hindi.
Kapag naramdaman ko na mababaw magbigay ng opinion ang aking mga nakaka-usap hindi ko na kinakailangan pang magpaliwanag ng lubusan dahil alam ko naman na hindi rin ako mauunawaan.
Marunong akong makinig sa mga sinasabi o kinukuwento ng aking mga nakakausap pero hindi ako madaling maniwala.
Madali kong maramdaman kung malalim o mababaw ang isip o pananaw ng aking nakakausap hindi ako tumatagal makipag-usap. Hindi rin ako tumatagal makipag-usap kapag naramdaman ko na ang kausap ko ay hindi marunong tumangap ng pagkakamali, yun bang ipagpipilitan parin kahit mali mga taong ayaw magpatalo, lalo na yung mga taong hindi marunong makinig sa kausap ang gusto sila nalang lagi ang pinakikingan.
Sa trabaho...
Hindi ako mahilig makipag-paligsahan sa trabaho man o sa personal, gumawa ka at gagawa din ako pero ang tatakbo sa isipan ko ay hihigitan ko ang ginagawa mo. Hindi ako mahilig makialam sa trabaho ng iba, hindi rin ako mahilig magsalita ng mali ang trabaho ng kasama at manisi ng pagkakamali ng iba dahil alam ko naman na hindi siya perpekto at alam ko rin na kahit ako ay nagkakamali din. Ayokong ibabato rin sa akin ang mga salitang ibinabato ko sa kanila. Hahayaan lang kita sa pagtatrabaho mo, kung gusto niyang diskarte niya ang masunod hahayaan lang kita at hindi ko ipagpipilitan ang diskarte ko dahil oras na pumalpak nasa kanila naman ang kredito.
Hindi ako mapagtanim ng sama ng loob, kung may nagawa sila na hindi maganda sa akin hindi ako nagsasalita hahanapin ko kung saan ang kiliti nila dahil yan lang naman ang tanging daan para mapangiti ko sila at mapalagay ang loob nila sa akin. Yan ang kahulugan ng.. "KAPAG BINATO KA NG BATO, BATUHIN MO NG TINAPAY". Hindi naman mahirap gawin yan.
Creative din ako.. mahilig ako mag isip ng mga bagay na maari kong gawin na ikakasiya ng iba.
Mahilig akong magsulat, ginagawa kong libangan ang pagsusulat.
Mababa akong tao, mababa ang kalooban ko, madali akong maawa sa isang tao, dahil naniniwala ako na ang awa ay pagmamahal, kung hindi ka marunong maawa walang puwang para ikaw ay magmahal. Madalas kung may nadadaanan akong pulubi magbibigay at magbibigay ako, ibinabahagi ko rin sa kanila ang sobra kong kaligayahan. Naniniwala ako na ang kabutihang ibinibigay natin sa tao ay ginagawaran ng kaligayahan at ang ginagawa nating kasalanan ay ginagawaran din ng kaparusahan ng ating dakilang lumikha.
Hanggang ngayon patuloy parin akong nag-a-aral, kadalasan pinag-a-ralan ko ang mga taong nakakaharap ko, pinag-a-aralan ko kung saan ang kanilang mga kiliti upang mapalapit akong lalo sa kanila. Pinag-a-aralan ko kung ano ang kanilang pagkatao upang malaman ko kung dapat ba silang pagkatiwalaan. Pinag-a-aralan ko ang mga salitang may mga magagandang kahulugan na magagamit ko sa pakikisalamuha sa iba.
Ang lahat ng bagay na ginagawa ko ngayon ay bunga ito ng mga natutunan ko sa aking pag-a-aral at ang mga bagay na nakakamit ko ngayon ay resulta ng aking mga ginagawa.
3 comments:
Ipagpaumanhin po ninyo miss anonymous nailipat ko lang po dito yung comment ninyo sa OPEN ARMS..
FROM MISS ANONYMOUS.. ""Kuya, mawalang galang na po. Sana po ay nasa mabuting kalagayan kayo at ang inyong pamilya. Happy belated Father's Day! I came across your blog by searching "paano tuparin ang mga magagandang hangad sa sarili at sa mga mahal sa buhay" via Google. Medyo nakakarelate po ako sa inyo lalo na sa pagtrato nyo sa mga kapatid nyong babae. Lima din kaming magkakapatid at ako ang bunso sa babae. Ako din parati ang nagpapahiram ng pera at minsan nagigipit din pero walang makatulong pagdating sa akin. Gaya ngayon. 37 years old na ako, wala pang pamilya pero may boyfriend. Meron akong bahay na nabili at kasama kong katira ang sinundan kong kapatid na babae.
Naghahanap ako ng mga sagot sa tanong ko sa buhay dahil nasa point ako ng "embracing change" dahil gusto ko nang magumpisang magkapamilya. Nahihirapan ako dahil yung katira kong kapatid eh may mga issues...medyo burara sya sa mga gamit, very emotional dahil hindi sya ready sa pagdodonate ng mga gamit ng mama namin na sumakabilang buhay nung 12/26/2013. At isa sa mga malalaking issues nya din eh nagsusugal sya. Dahil wala syang partner sa buhay, para sa kanya, ang break nya from stress eh magsugal. Meron po ba kayong maipapayo?
I'm so glad to have found your website, Kuya Rom. Please don't publish this comment. I'll create another one so you can publish it and I'll share your blog link on my Facebook account :) Hanggang sa muli.
Maraming salamat miss anonymous sa pagbisita at pagbabasa dito.. malaking karangalan din sa akin na may mga tulad ninyo na humihingi ng payo sa akin.. bagamat hindi naman din po 100% na nasa tama ang mga payo ko isi-share ko narin ang konti kong nalalaman ayon sa sarili kong paniniwala at ayon din sa realidad kung saan ginagawa kong sandigan ko para sa sarili kong pamumuhay...
ayon sa tanong ninyo.. " "paano tuparin ang mga magagandang hangad sa sarili at sa mga mahal sa buhay" at sa "problema sa kapatid mo na nakapisan sa iyo".
uunahin ko yung sa sarili ninyo..
Alam mo meron tayong sariling buhay kung saan ikaw lang talaga ang unang-unang makakatulong sa sarili mo bukod sa mga magulang mo at wala ng iba pa.. pero kung walat-wala din ang iyong mga magulang wala ng ibang makakatulong sa iyo kungdi ikaw na lang.. masakit mang sabihin dapat po ang inuuna nating tulungan ay ang sarili bago ang iba kapatid man o hindi. tandaan mo isa lang ang obligasyon nating tulungan ang ating mga magulang. Hindi natin obligasyong tulungan ang ating mga kapatid dahil may sarili rin silang buhay dapat nilang asikasuhin. Kung may konti tayong pera ilaan mo lahat sa sarili mo o sa buhay mo huwag mong isapalarang ibigay ng ibigay sa mga kapatid mo dahil hindi natin sila obligasyon.. alam ng diyos gusto mo silang tulungan pero hindi kasalanan ang hindi tumulong sa iba dahil ikaw mismo ay nangangailangan din ng tulong kung paano mo aayusin at pagiginhawain ang buhay mo.
Huwag mong intindihin kung magalit sila dahil hindi mo sila natutulungan karapatan nila iyon desisiyon nila kung magagalit sila o hindi ang mahalaga wala kang ginagawang masama sa kanila.. hindi mo kasalanan ang hindi sila matulungan kasalanan nila iyon dahil hindi nila tinutulungan ang sarili nila..
Kung may nakikita kang hindi maganda sa ginagawa ng kapatid mo karapatan mo siyang pagsabihan dahil nasa poder mo siya kung magalit siya at hindi sumusunod sa patakaran mo lumayas siya sa poder mo kung hindi siya makatiis.. siya ang dapat makisama at hindi ikaw, siya ang makibagay sa iyo at hindi ikaw, may sarili siyang buhay na dapat siya ang mag asikaso sa sarili niya at hindi ikaw.
Miss anonymous meron po akong sinulat dito na may title na "OBLIGASYON" sana po mabasa rin ninyo.. salamat po
Post a Comment