Sa isang ina gaano ba kasakit ang makita mong lalayo ang iyong anak? Gaano kasakit isipin na ang isa mong anak ang mapipilitang lumayo upang iahon kayo sa hirap na dinadanas ng inyong pamilya? Sa isang inang tulad mo napakasakit ang makita mong unting-unting lumalayo at unti-unting nawawala sa iyong paningin ang mahal mong anak na alam mong maaring iyon ang magiging dahilan ng kanyang kalungkutan at kamatayan sa kamay ng ibang lahi. Dahil sa hirap ng pamumuhay napipilitang umalis at magbakasakaling humanap ng kapalaran sa ibayong dagat. Napapalitan nalang ng ngiti ang nadarama mong pag-aalala at kalungkutan kung malaman mo na nakarating ng maayos ang iyong anak sa kanyang pinatunguhan. Lalo kang mapapangiti kung marinig mo ang boses ng iyong anak lalo na sa mga magandang binabalita ng iyong anak sa mga naranasan niya ng mga unang lingo niya sa malayo, nakakataba ng puso. Pero.... Gaano kasakit kung marinig mo ang boses ng iyong anak sa napakalayong lugar na umiiyak? Gaano kasakit ang malaman mo na humihingi ng tulong ang iyong anak sa inyo upang maka-uwi na at nagsusumbong sa hirap na dinadanas niya sa kanyang pagtatrabaho? Napakasakit ang wala ka halos magawa.
GAANO NAMAN KAYA KASAKIT KUNG IKAW MISMO ANG LALAYO?
Lahat tayo maaring iisa ang nararamdaman nating lahat. Pero.... Mas masakit sa isang ina ang lumayo at iwan niya ang kanyang pinakamamahal na anak. Napakahirap labanan ang hirap ng kalooban na mararamdaman lalot nakikita mo sa iyong paglayo ang nag papalahaw ng iyak ang iyong mga anak. Napakahirap makitang pilit na humihiyaw ang iyong anak, pilit na gustong sumama sa isang ina. Masyadong nakakadurog ng pusot kaluluwa ang tagpong huling araw mo ng masisilayan ang iyong mga anak. Halos panawan ka ng lakas, hindi mo halos kayang ihakbang ang iyong mga paang palayo sa iyong mga mahal sa buhay. Hindi mo kayang pigilan ang sandamakmak na luhang tutulo sa iyong mga mata, hangang sa iyong pagdating sa patutunguhan hindi maubos ang luhang tumutulo mula sa iyong puso. Walang katumbas ng anumang sakit sa katawan ang sakit na nararamdaman dulot ng iyong paglayo sa iyong mga anak. Sa bawat hakbang ng iyong mga paa siya rin ang dami ng patak ng iyong mga luha, kahit wala na sila sa iyong mga paningin ngunit nakasalamin sa iyong isipan ang pag palahaw ng iyong mga anak. Lumalakas na lang ang kalooban mo pag naisip mo naman ang iyong ina, ang iyong ina ang nagpapalakas ng iyong loob dahil sila ang alam mong mag-aaruga sa iyong mga anak. Salamat at nandiyan ang iyong ina. Nagising nalang ang iyong ulirat ng iabot mo ang iyong pasalubong pasasalamat sa iyong ina, salamat inay sa pag-aaruga ninyo sa pamilya ko. INAY ETO PO ANG PASALUBONG KO SA INYO AT KAY ITAY AT ETO PO ANG MUNTING HALAGA PARA SA INYO NI ITAY.
SALAMAT ANAK HINDI MO RIN KAMI NAKALIMUTAN
PASYALAN MO RIN MGA KAPATID MO AT IBIGAY MO ANG MGA PASALUBONG MO SA KANILA.
Ang sakit ng naramdaman mo nung iwan mo ang iyong pamilya ay siya namang walang katumbas na kayamanan ang kaligayahang kapiling mo ng muli ang iyong mga mahal sa buhay. Sa muli mong pag-alis bagamat makakaramdam ka muli ng bahagyang sakit ngunit madali mo na itong mapaglabanan dahil sa kaligayahang hatid mo sa kanila ngayon dulot ng iyong pagsusumikap mula sa pagiging ofw. Sa iyong muling pagbabalik may ngiti ka na sa iyong mga labi dahil dala mo sa iyong muling pag balik ang saya at kaligayahan na mas masarap pala ang magtiis kung ang kapalit nito ay ang maayos at matiwasay na pamumuhay ng iyong asawa at mga anak at nabahaginan mo ng kaligayahan ang iyong ama't ina dulot ng iyong pagiging ofw. Kaysa ang magtiis ng walang naghihintay na kaligayahan at pag asa sa piling ng kahirapan sa pilipinas. Lumayo ka man ng lumayo, darating at darating kang muli dala ang sandamakmak na kaligayahan para sa iyong mga mahal sa buhay.
Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may katumbas. Sa bawat kalungkutan may kaligayahang nakalaan at sa bawat patak ng luha ay may mga ngiting katumbas.
Para sa aking paglayo dahil masasabi kong mas matibay ang aming puso at damdamin kung ikukumpara ko sa inyong mga babae. Bagamat may mararamdaman din kaming kalungkutan pero mas nananaig sa amin ang tigas at tibay ng kalooban. Ngunit kahit anong tigas ng aming kalooban nasasaktan din kami at lumuluhang tulad ninyo. Sa aking paglayo lumuha din ako hindi lang dahil iiwan ko ang aking pamilya, lumuha ako dahil iniwan ko sila na wala ni kahit singko sa kanilang bulsa, iyan ang nagpaluha sa akin. Pero ang paglayo ko sa kanila ay masasabi kong mas umiibabaw sa aking isipan ang kaligayahan bagamat maliit pa ang dalawa kong anak. Dahil ito na ang simula at panibago ng aming pamumuhay. Ang aking paglayo ang magbibigay ng kaligayahan sa aking pamilya hindi lang sa aking mga anak kundi para narin sa aking maybahay. Ang isang nagpapasaya sa akin sa aking paglayo ay maibibigay ko narin sa aking maybahay ang kaligayahang hindi niya natikman mula ng siya ay nagpakasal sa akin. Halos wala akong yaman ng kami ay nagpakasal, wala akong yaman na naipagmalaki sa kanya. Sa aking paglayo ibayong kaligayahan ko dahil maari na akong ipagmalaki ng aking maybahay sa kanyang mga magulang. Yan ang madalas kong iniisip kung kaylan ko bibigyan ng kaligayahan ang aking maybahay ayaw kong dumating ang araw na pagsisihan niya ang pagpapakasal sa akin. Ayaw kong dumating ang araw na iwan niya ako dahil hindi ko maibigay ang kanyang kaligayahan. Kaya nung time na naghiwalay kami ng aking maybahay punong-puno kami ng kasiyahan sa isat-isa dahil baon ko ang mga pangakong maghihintay siya sa aking pagbabalik at iniwan ko sa kanya ang pangakong ibibigay ko sa kanya ang kanyang kaligayahan at dala ko sa aking pag-alis ang mga pangarap na nais naming matupad ang magkaroon kami ng sariling tahanan para sa isang masayang pamilya upang lalong maging matibay ang aming pagsasama kahit ano mang bagyong dumating meron kaming masisilungan at masasabing ganap na kaming isang masayang pamilya.