Sunday, 25 May 2014
AGOS NG BUHAY
Sabi nga ng nakakarami "Enjoy The Ride".
Sa buhay ng tao marami tayong dapat na gawin mga bagay na dapat at hindi dapat, mga mali at tama pero doon tayo syempre sa tama. Alam naman nating lahat na ang buhay nating lahat ay iisa, isang beses lang tayong mabubuhay at sa maniwala kayo o sa hindi ang kaligayahn ng tao ay nandito sa lupa. Alam ko na marami paring naniniwala sa atin na ang kaligayahan ay mararamdaman natin sa kabilang buhay yung tinatawag nilang kaligayahang walang hanggan. Pero para sa akin ang kaligayahan ay nandito sa lupa at dito lang natin mararamdaman ngayon nabubuhay pa tayo.
Sabi nga "enjoy the ride" mag enjoy ka habang ikaw ay nabubuhay pa gawin mo ang lahat ng magpapaligaya sa sarili mo kaligayahang hindi ka makakagawa ng kasalanan sa kapwa. Huwag kang magkulong sa kalungkutan na ikaw mismo ang makakagawa para makawala ka sa rehas ng kalungkutan, huwag mong itali ang sarili mo sa iisang bagay lamang, huwag mong itali ang sarili mo sa iisang lugar lamang. Nasa iyo ang lahat ng kalayaan at desisyon upang magawa mo ang lahat ng magpapaligaya sa sarili mo lumilipas ang mga araw, lumilipas ang panahon at lumiliit ang mga pagkakataong maari mong magawa ngayon na hindi mo na magagawa pagdating ng araw. Huwag mong sayangin ang mga araw na lumilipas huwag mong sayangin ang ganda ng mabuhay, makisalamuha ka sa tao upang masumpungan mo may mga tao pala sa paligid na sagot minsan sa mga kalungkutang tinataglay mo ngayon. Hindi sa lahat ng oras sa pag ibig lang tayo nakakaramdam ng kaligayahan minsan kaya rin naman nating mag pasaya ng tao kahit walang halong pag ibig tulad ng mga ibon sa himpapawid malaya silang nakikisalamuha sa ibat - ibang uri ng ibon ang kaibahan lang ng mga ibon sa atin kahit magka-edad na sila o kahit tumanda sila at kumulubot na ang kanilang balat ay magagawa parin nila ang mga bagay na nagagawa nila noong bata pa sila, tumanda man sila ay magagawa pa rin nilang umibig sa kahit sino di tulad ng tao ang kagandahan ng isang tao ay lumilipas at kumukupas, nagkakaroon na tayo ng hangganan kung malipasan ka ng panahon.. sayang ang ating kagandahan kung ibuburo lang natin sa iisang lugar.
May mga bagay na hindi mo pa gaanong nararanasan, huwag mong ibilango ang sarili mo sa walang rehas.
Enjoy the ride kung saan ka nakasakay ngayon magpakasaya ka ikaw lang naman ang unang - unang makakatangap ng resulta sa mga ginagawa mo. Tulad ng nauna ko ng naisulat dito sa blog ko may pamagat na "Kulang ang nakaraan ko" dito nyo mababasa ang lahat ng mga bagay na hindi niya ginawa noong siya ay bata pa at magawa ang lahat ng pagkakataong maari niyang gawin. Kung kailan tumanda na siya ay doon niya naisip ang mga bagay na dapat ginawa niya, ngayon siya nakaramdam ng pagsisisi ngayong huli na ang lahat gustuhin man niyang gawin pero hindi na niya magawa ngayon, gustuhin man niyang umibig muli hindi na niya magawa ngayon di tulad noon nasa kanya ang kagandahang hinahangaan ng karamihan nasayang lang ang lahat ng kanyang kagandahan naikulong lang ng iisang tao.
Paano niya babalikang muli ang mga panahong nasayang, paano niya magagawang umibig muli upang makaramdam muli ng kaligayahang dulot ng pagmamahal, paano niya magawa muli ang magpakaligaya ngayon hindi na niya makuhang tumayo dulot ng katandaan.
Hanggat may panahon ka pa para lumigaya at may panahon pa para magawa ang iba pang bagay na magpapaligaya sa sarili mo mag enjoy ka sa buhay huwag kang matakot na gawin ang mga bagay na magpapasaya sa iyo sa pag ibig man o sa paanong paraan ang mahalaga napaligaya mo ang sarili mo ngayon. Lumipas man ang panahon mo tanging mga nakaraan mo ang siyang magpapangiti sa sarili mo kung nakaupo ka na sa katandaan.
IDEA SA PAGSUSULAT
Kung minsan tinatanong natin ang sarili kung paano at ano ba ang aking isusulat dito sa aking blog? Lalo na kung marami ka naring naisusulat pero gusto mo paring magsulat para ma-update mo kahit papaano ang iyong blog.
Nararamdaman ko rin kung ano ang inyong nararamdaman lalo na kung may sarili kang paraan sa pagsusulat at may sarili kang tema sa pagsusulat. Tulad ko inaamin ko dahil may sarili akong tema at batas na sinusunod kung paanong paraan ako magsulat kadalasan ako yung tipo ng nagsusulat na mas gusto kong magsulat ng hindi ako namumulot ng talino ng ibang tao at hindi rin ako mahilig manggaya ng mga sinusulat ng iba dahil ayokong dayain ang sarili kong kaligayahan. Ang lahat ng ito ay ayon lang sa aking paraan at paniniwala, ang isipin natin lahat tayo ay may kanya - kanyang paraan, tema at istilo sa pagsusulat.
Hindi importante kung saan ka pwedeng mag concentrate lang, halimbawa pagluluto lang.
Kahit ano pwede mong isulat, kung ano ang pwede mong ibahagi sa nagbabasa sumasarap ang halo - halo hindi lang sa lamig na taglay nito kungdi sa ibat - ibang halo ng sangkap nito.
Sa post kong ito nais kong ibahagi sa inyo kung saan ba ako kumukuha ng idea, iba naman yung "paraan ng pag susulat" tulad ng naunang sinulat ko na pinamagatan kong PAANO BA ANG MAGSULAT.
Humuhugot ako ng idea sa aking pagsusulat kadalasan ay naa-ayon lang sa kung ano ang mga nagiging obserbasyon ko sa aking mga nakikita o nababasa, mga bagay na minsan nagkakaroon ako ng interesadong isulat kung ano ang aking nakita sa iba na maari kung ibahagi sa inyo o sa mga nagbabasa kung ano ang aking paniniwala kung tama o mali bahala na ang taong humusga at least minsan napapatunayan ko sa sarili ko na.. malikot din pala minsan ang imahinasyon ko at tama rin pala minsan ang mga sinusulat ko.
Kadalasan humuhugot ako ng mga isinusulat ko dito sa pamamagitan ng aking sariling opinion tungkol sa mga usaping napapanahon o sa mga bagay na madalas na pinagtatalunan ng mga tao.
Halimbawa..
1.) Sa mga usaping pang relihiyon. Isinusulat ko kung ano ang nakikita ko sa mga taong nagtatalo-talo dito.
2.) Mga usaping naayon sa kung ano ang tama at mali sa mga paniniwala. Halimbawa isulat mo sa blog mo.. "bakit ang tao madaling maniwala sa mga bagay na totoo kahit hindi napapatunayan".
3.) Mga usaping nauukol sa pulitika.
4.) Mga usaping tungkol sa pag uugali ng tao.
5.) Mga usaping nauukol sa kung ano ang nalalaman mo sa mga bagay na nais mong ibahagi sa iba upang madagdagan ang kanilang kaalaman.
At marami pang iba na nauukol lahat iyan sa iyong pansariling opinion kung ano ang iyong mga masasabi sa mga katauhan nila. Ito ang temang kadalasang isinusulat ko sa aking blog. Dito kasi ako minsan mahilig sa pagbibigayan ng opinion sa iba.
Minsan naman humuhugot ako ng idea sa mga panonood ko sa TV tulad ng "the bothered wife", or "the legal wife". Kadalasan dito nakaka-relate ang mga tao dahil nagiging bahagi na nang ating buhay ang mga ganitong situation sa isang pamilya. Isulat mo kung ano ang nararamdaman mo sa mga nakikita mo at kung ikaw ang nasa ganyang situation. Gawin mo ring bida ang sarili mo sa isusulat mo. Ikaw lahat, kontrabida at bida ikaw lahat para may pagkakataong tanungin mo ang sarili mo para ikaw rin ang makakapagbigay ng siguradong 100% na tamang sagot.
Kung mahilig kang magbasa ng mga magazine, libro o kahit na anong babasahin sigurado makakapulot ka ng mga temang naayon sa iyong panlasa na alam mong makaka-relate din ang ibang tao. Isulat mo kung saan tatakbo ang sarili mong istorya na kasalukuyang kumakalikot sa mapaglaro mong imahinasyon. Isulat mo kung sa paanong paraan ka nagalit o natuwa dahil isang paraan din na gagamitin mo ang sarili mong pakiramdam para magkaroon ng buhay ang iyong mga sinusulat. Ibig sabihin kung paano ka makakarelate iyon din ang isulat mo dahil mas importante minsan sa nagsusulat na gawin mong bida ang sarili sa iyong sinusulat.
Iba - iba din ang hilig ng mga nagsusulat, merong mahilig sa pagluluto, mahilig mag kuwento tungkol sa mga pag travel nila sa ibat - ibang lugar, pag kuwento ng tungkol sa mga magagandang tanawin, pag post ng mga larawan depende lahat yan sa hilig ng manunulat. Pwede mo namang gawin lahat iyan isang idea din yan kung gusto mo lang i-update ang iyong blog.
Isang idea din yung mga bagay na kung ano ang mga nakaraan mo tugkol sa pag-ibig, tungkol sa mga kabiguang naranasan mo, mga kaligayahang naranasan mo noon tungkol sa pag-ibig, mga taong naging first love mo diyan mo paikutin ang iyong isusulat kung saan ikaw ang naging bida. Kung ano ang naidudulot sa pakiramdam ng isang tao tungkol sa pag ibig masaya man o malungkot.
Mga idea na nauukol sa paaralan noong mula elementary hanggang sa nakatapos ka ng pag aaral, hanggang sa kung ano ang naging resulta ng paghihirap sa iyo ng mga magulang mo, kung paano ka pangaralan sa hinihingi mong laptop na kailangan bilhin mo para meron kang project na ipapakita. Mga tablet na kakailanganin mong bilhin para ipangregalo sa kasintahan mo na magtataka ang iyong mga magulang na ganito na pala kamahal ang mga tablet sa mercury drugs ngayon.
Marami ka pang maiisip na maari mong isulat malawak ang mundo napakaraming bagay na maaring mong sakupin at puntahan kahit gaano man ito kalayo o kalalim, ang lahat ay kayang marating ng iyong mapaglarong imahinasyon na maari mong kapulutan ng idea. Panatilihin mo lang maging malikot ang iyong imahinasyon at panatilihing maging madaldal sa sarili kahit walang kinakausap dahil ang bawat letra ng mga salita na bibitiwan mo sa iyong isipan.. katumbas iyan ng isang patak ng daliri mo sa keyboard ng computer at presto naipasa mo na sa blog ang lahat ng kasaysayang tumatakbo sa iyong isipan.
Sana makatulong ako sa inyo na tulad ko rin noong nag uumpisa palang akong magsulat. Huwag kang makipag-kompitensya sa ibang manunulat dahil mawawalan ka ng ganang magsulat kung may mas magaling sa iyong mag sulat ang isipin mo tulad ka rin nila na nangangailangan ng kasiyahan ng kung ano ang magandang magagawa sa sarili.
Subscribe to:
Posts (Atom)