Monday, 25 April 2016

RESUME NG PAGKATAO KO

WHO  AM  I

Naniniwala  ba  kayo  na  may  mga  taong  hindi  nila  kilala  ang  kanilang  sarili?

Ang  totoo  ay  wala,  walang  taong  hindi  nakakakilala  sa  kanilang  sarili,  ang  kailangan  lang  talaga  natin  ay  matuto  tayong  tumangap  ng  katotohanan.  Likas  lang  talaga  sa  tao  ang  hindi  tumatangap  ng  katotohanan.  Kahit  alam  nilang  sinungaling  sila  pero  ayaw  nilang  tangapin  na  sinungaling  silang  tao.

Eto  ang  resume  ng  aking  pagkatao.

Bilang  anak  sa  aking  ama..
Malapit  ako  sa  aking  ama,  lagi  kong  ka-kwentuhan  ang  aking  ama,  lagi  kong  kabiruan  ang  aking  ama,  hindi  ko  inaaway  ang  aking  ama  at  hinding - hindi  ko  pinagsa-salitaan  ng  masasakit  na  salita  ang  aking  ama,  mahal  ko  ang  aking  ama.

Bilang  anak  sa  aking  ina..
Madalas  ko  kabiruan  ang  aking  ina,  hindi ako  sumasagot  ng  pabalang  sa  aking  ina,  hindi  ko  rin  pinagsasalitaan  ng  masasakit  na  salita  ang  aking  ina,  inaamo  ko  ang  aking  ina  kung  siya'y  nagagalit  o  nagtatampo  sa  akin,  mahal  ko  ang  aking  ina.

Bilang  kapatid  sa  aking  mga  kapatid..
Bunso  akong  kapatid,  lima  ang  mga  kapatid  kong  babae,  apat  naman  kaming  mga  lalaki.  Kasundo  ko  ang  lahat  ng  kapatid  kong  babae,  ako  ang  madalas  na  nagpapatawa  sa  kanila,  kung  ako  ang  nakakaluwag  hindi  ko  sila  kayang  tiisin  at  hinding - hindi  ko  sila  kayang  pagdamutan,  hanggat  kaya  ko  magbigay,  nagbibigay  ako  sa  kanila  dahil  hindi  ko  rin  sila  kayang  nakikitang  umiiyak.  Lahat  ng  naibibigay  ko  sa  iba  kong  mga  kapatid  na  babae  hindi  ko  na  sinisingil  sa  kanila,  dumadating  man  ang  pagkakataon  na  hindi  naiiwasan  medyo  nagigipit  din  ako  minsan  at  nakakaramdam  ako  ng  pagtatampo  sa  kanila  pero  hindi  ko  nagagawang  magsalita  at  isumbat  sa  kanila  ang  ano  mang  mga  bagay  na  naibigay  ko  sa  kanila  noon.  Hindi  ko  ugali  ang  humingi  ng  tulong  sa  aking  mga  kapatid,  kahit  hanggang  ngayon  kapag  bumibisita  ako  sa  kanila  gipit  man  ako  hindi  ko  nagagawang  humingi  sa  kanila  kung  bigyan  ako  salamat,  kung  hindi  ok  naman,  hindi  nalang  ako  umiimik  o  magsasalita  magpapaalam  nalang  akong  uuwi,  pero  ang  hindi  nila  alam  habang  ako'y  naglalakad  papalayo  umiiyak  ako,  tumutulo  ang  aking  mga  luha  habang  akoy  naglalakad  dahil  hindi  ko  rin  maiwasan  kaawaan  ang  aking  sarili,  inaagapan  ko  nalang  agad  na  punasan  ang  aking  mga  luha  upang  walang  ibang  makakita.  Kung  minsan  hindi  rin  naiiwasan  kung  nakakaramdam  ako  ng  konting  galit  sa  aking  mga  kapatid  na  babae  sa  hindi  rin  naiiwasang  mga  dahilan  kahit  minsan  hindi  ko  nagagawang  sila'y  komprontahin,  sigawan  o  awayin,  dahil  ayokong  nagkakaroon  kami  ng  tampuhan.  Kahit  nasa  kanila  man  ang  kasalanan  hindi  ko  parin  sila  kayang  pagalitan  o  awayin  dahil  hindi  ako  ang  taong  mahilig  mang-away  ng  kapatid.  Hanggat  kaya  kong  tumahimik  tatahimik  ako  wag  lang  kaming  magkaroon  ng  samaan  ng  loob.  Hanggang  ngayon  ako  lang  sa  mga  lalaki  ang  hindi  nagpapakita  ng  galit  sa  mga  kapatid  kong  babae.  Kahit  alam  kong  may  kakayahan  at  may  karapatan  din  naman  akong  gawin  sa  kanila  lalo't  may  kanya-kanya  at  sarili  na  kaming  buhay,  lalo  pa't  hindi  naman  sa  kanila  nangagaling  ang  aming  kinabubuhay  kaya  kong  gawin  ang  lahat  sa  kanila  pero  hindi  naman  ako  katulad  ng  iba  kong  kapatid  na  lalaki.

Sa  aking  mga  kapatid  na  lalaki,  minsan  hindi  naiiwasang  nagkakagalit,  nagkakatampuhan  at  nagkakasagutan  din.  Pero  nararamdaman  ko  akong  bunso  ang  mas  malaki  at  may  malawak  na  pang uunawa  sa  kanila,  ako  ang  may  malawak  na  pananaw  sa  kanila,  ako  ang  mas  malalim  magsalita  sa  kanila.  Kahit  sumasama  ang  loob  ko  sa  kanila  ako  ang  laging  lumalapit  para  mawala  ang  aming  samaan  ng  loob,  kahit  kaya  ko  rin  namang  makipagtigasan  sa  kanila  pero  nangingibabaw  lagi  sa  akin  ang  pakikipagkaibigan.  Lahat  sila  malalakas  uminom  ng  alak  ako  lang  ang  mahinang  uminom.

Bilang  ama  sa  aking  mga  anak..
Matapang  ako  sa  aking  mga  anak,  mahigpit  ako  minsan  sa  aking  mga  anak,  nakakatikim  sa  akin  ang  aking  mga  anak  lalo  na  kung  nawawalan sila  ng disiplina  at  pag-galang  sa  kapatid  at  sa  kanilang  ina,  sa  bawat  maling  ginagawa  binibigyan  ko  sila  ng  parusa  depende  sa  kasalanang  ginagawa,  ngayong  malalaki  na  sila  konting  salita  ko  lang  takot  na  sila,  tuwing  kumakain  kami  ng  agahan,  tanghalian  o  hapunan  doon  ko  isinasabay  na  pangaralan  sila  dahil  sa  aking  paniniwala  sumasabay  ang  aking  mga  pangaral  sa  mga  pagkaing  pumapasok  sa  kanilang  katawan  at  nasisiguro  ko  na  ang  mga  pangaral  ko  lang  ang  tanging  naririnig  sa  oras  ng  kainan, malayo  sa  TV  o  sa  alin  mang  ingay  na  maaring  umagaw  sa  kanilang  attensyon.  Madalas  kong  sinasabi  sa  kanila  ang  tama  at  mali,  madalas  ko  silang  pangaralan  na  may  kasamang  pakonsyensya  pipilitin  kong  patuluin  ang  kanilang  luha  habang  nangangaral  ako  sa  kanila.  Pilit  kong  ipakita  sa  kanila  kung  anong  ugali  meron  ako  upang  ako  ang  magsilbing  halimbawa  sa  kanila.

Awa  ng  diyos  yung  bunso  ko  binata  na  rin  ngayon  hindi  mapigil  sa  pagpu - pusoy  aba  humihingi  pa  sa  akin  ng  pang  taya.  (wala  narin  ako  magawa) nakikita  kasi  sa  akin.

Bilang  isang  asawa..
Mahal  ko  ang  aking  asawa,  lahat  ng  parte  ng  pagmamahal  ibinibigay  ko  sa  kanya.  Hindi  ako  nakikipagtaasan  ng  pride  sa  kanya,  mapagmahal  akong  asawa,  kapag  akoy  nasa  impluwensya  ng  alak  lalo  akong  nagiging  sweet  sa  kanya,  nagpapatugtug  ako  ng  mga  mellow  music  at  pilit  ko  siyang  isinasayaw  ng  sweet.  Minsan  nagkakagalit  man  kami  pero  ako  ang  laging  umuunawa  sa  kanya  may  kasalanan  man  siya  o  wala  ako  ang  laging  sumusuyo  sa  kanya,  hindi - hindi  ko  siya  kayang  saktan,  sigawan  o  pagbuhatan  ng  kamay  dahil  hindi  ko  siya  kayang  nakikitang  umiiyak  at  lalong  hindi-hindi  ko  siya  kayang  iwan  o  hiwalayan  para  lamang  sumama  sa  iba.  Minsan  hindi  man  maiwasan  dahil  lalaki  din  ako  nagkakagusto  din  ako  sa  iba  pero  hanggang  doon  lang  dahil  hindi  ko  siya  kayang  ipagpalit  sa  iba.  Lahat  ng  perang  kinikita  ko  sa  aking  pagtatrabaho  iniintriga  ko  sa  kanya  (noon  iyon),  minsan  kasi  mahigpit  humawak  ng  pera  ang  aking  asawa  kaya  natuto  narin  ako  magtago  ng  pang  tong - it,  isang  daan  lang  naman  kung  medyo  malaki - laki  ang  naiintriga  ko  sa  kanya  malaki  na  yung  dalawang  daan  iba  pa  yung  legal  na  pag - hingi  ko  sa  kanya  pang  laro.  he he he

Bilang  ako  sa  mga  taong  aking  nasa  paligid..

Pala-kaibigan  ako,  minsan  masaya  din  akong  kausap  dahil  yan  ang  alam  kong  kailangan  para  mapalapit  akong  lalo  sa  aking  mga  kaibigan.  Hindi  ako  mahilig  makipag-away  dahil  ang  laging  nasa  isipan  ko  "dapat  kaibigan  ang  hanapin  hindi  kaaway".  Mahalaga  sa  akin  yan  dahil  walang  taong  magpa-plano  sa  iyo  ng  masama.  Mahilig  akong  magkomento  minsan  sa  mga  taong  nakikita  kong  nakakagawa  ng  mali  sa  kapwa.  Kadalasan  may  mga  nagsasabi  sa  akin  na  masakit  daw  ako  magsalita  pero  sa  totoo  lang  hindi  naman  talaga  ako  masakit  magsalita  ang  katotohanan  lang  ang  masakit.  Prangka  kasi  akong  tao  alam  naman  natin  na  minsan  masakit  tangapin  ang  katotohanan  at  masakit  makarinig  ng  katotohanan.  Prangka  akong  magsalita  in  a  nice  way,  hindi  ako  mahilig  magsalita  ng  paligoy-ligoy  kung  nakita  kong  may  nagawa  kang  mali  magsasalita  ako  ng  deretsahan  sa  tao  kung  kinakailangan  akong  magsalita  pero  kung  wala  hindi  ako  nagsasalita  dahil  alam  ko  rin  naman  manahimik,  alam  ko  kung  kaylan  ako  pwedeng  magsalita,  alam  ko  rin  naman  kung  saan  ako  lulugar.

Hindi  ako  mahilig  humingi  ng  tulong  lalo  na  sa  ibang  tao,  madali  akong  masaktan  kung  hindi  ako  natutulungan  kahit  alam  kong  kaya  naman  akong  tulungan  pero  ni  minsan  hindi  ako  marunong  magtanim  ng  sama  ng  loob  sa  mga  taong  hindi  ako  natutulungan  dahil  alam  ko  naman  na  "HINDI  NILA  OBLIGASYON  NA  TULUNGAN  AKO".  Hindi  ako  katulad  ng  iba  na  kung  hindi  mo  natutulungan  ay  sila  pa  ang  may  ganang  magalit.

Hindi  ako  basta-basta  nagtitiwala  sa  tao,  binabasa  ko  munang  mabuti  ang  pagkatao  bago  ako  tuluyang  magtiwala.  Mahirap  ang  madaling  magtiwala  kahit  matagal  na  natin  silang  nakakasama  dahil  darating  ang  araw  sa  hindi  naiiwasang  pagkakataon  oras  na  magkaroon  kayo  ng  hindi  magandang  pagkakaunawaan  "MAGKAKAROON  SILA  NG  SANDATA  NA  IPANGLALABAN  SA  SA  AKIN".

Sa  paniniwala..
Hindi  ako  ang  taong  madaling  maniwala  sa  sabi-sabi  lang,  naniniwalang  totoo  kahit  hindi  napapatunayan.  Kahit  sa  religion  hindi  ako  naniniwala,  nakasulat  lang  at  sinabi  sa  bibliya  naniniwala  ng  totoo.
Karamihan  sa  mga  kasabihan  hindi  ko  pinapaniwalaan.  Madalas  kong  binabasag  ang  paniniwala  ng  aking  mga  nakakausap  pero  hindi  ko  sinasabihan  na  mali  ang  kanilang  mga  pahayag  o  paniniwala  upang  hindi  sila  makaramdam  ng  pagkapahiya.  Kung  malaman  ko  naman  na  ako  ang  may  mali  sa  mga  paniniwala  o  pahayag  hindi  ko  ugali  na  ipagpilitan  ang  alam  kong  mali.

Marunong  akong  tumangap  ng  pagkakamali,  kapag  nalaman  kong  may  mali  sa  aking  mga  paliwanag  o  paniniwala  tumatahimik  na  ako,  hindi  ko  hilig  ipagpilitan  ang  alam  kong  mali.  Kapag  nakagawa  ako  ng  hindi  maganda  sa  iba  humihingi  agad  ako  ng  sorry.

Mahilig  akong  mapag-isa,  likas  sa  akin  ang  mag-isip,  mababaw  lang  ang  aking  kaligayahan,  mas  nakakaramdam  ako  ng  kasiyahan  kung  umiinom  ng  red  horse  kahit  nag  iisa  kaysa  makipag  inuman  sa  labas  na  puro  kayabangan  lang  ang  aking  nakikita  at  naririnig.

Mahilig  akong  mamasyal  lalo  na  kung  nakamotor  pagala-gala  kahit  saan  makarating.

Sa  pakikipag-usap  sa  tao..
Mahilig  akong  makipagbigayan  ng  mga  kuro - kuro  o  opinion  sa  mga  bagay  na  pinag-uusapan,  mahilig  akong  makipag-debate.  Pero  maayos  akong  magsalita,  maayos  akong  makipag-usap.  Alam  ko  kung  paano  makipag-usap  sa  tao  na  hindi  sila  makakaramdam  ng  galit  sa  aking  mga  sinasabi.  Kaya  kong  kontrolin  ang  aking  sarili  para  maka-iwas  sa  umiinit  na  diskusyon.  Meron  akong  sistema  sa  pakikipag-diskusyon,  hindi  ko  pinipilit  na  maniwala  ang  aking  mga  nakakausap  sa  aking  mga  sinasabi  ang  mahalaga  naipahayag  ko  ang  aking  mga  nalalaman,  pagkatapos  titigil  na  ako  bahala  na  sila  kung  maniniwala  o  hindi.

Kapag  naramdaman  ko  na  mababaw  magbigay  ng  opinion  ang  aking  mga  nakaka-usap  hindi  ko  na  kinakailangan  pang  magpaliwanag  ng  lubusan  dahil  alam  ko  naman  na  hindi  rin  ako  mauunawaan.
Marunong  akong  makinig  sa  mga  sinasabi  o  kinukuwento  ng  aking  mga  nakakausap  pero  hindi  ako  madaling  maniwala.

Madali  kong  maramdaman  kung  malalim  o  mababaw  ang  isip  o  pananaw  ng  aking  nakakausap  hindi  ako  tumatagal  makipag-usap.  Hindi  rin  ako  tumatagal  makipag-usap  kapag  naramdaman  ko  na  ang  kausap  ko  ay  hindi  marunong  tumangap  ng  pagkakamali,  yun  bang  ipagpipilitan  parin  kahit  mali  mga  taong  ayaw  magpatalo,  lalo  na  yung  mga  taong  hindi  marunong  makinig  sa  kausap  ang  gusto  sila  nalang  lagi  ang  pinakikingan.

Sa  trabaho...
Hindi  ako  mahilig  makipag-paligsahan  sa  trabaho  man  o  sa  personal,  gumawa  ka  at  gagawa  din  ako   pero  ang  tatakbo  sa  isipan  ko  ay  hihigitan  ko  ang  ginagawa  mo.  Hindi  ako  mahilig  makialam  sa  trabaho  ng  iba,  hindi  rin  ako  mahilig  magsalita  ng  mali  ang  trabaho  ng  kasama  at  manisi  ng  pagkakamali  ng  iba  dahil  alam  ko  naman  na  hindi  siya  perpekto  at  alam  ko  rin  na  kahit  ako  ay  nagkakamali  din.  Ayokong  ibabato  rin  sa  akin  ang  mga  salitang  ibinabato  ko  sa  kanila.  Hahayaan  lang  kita  sa  pagtatrabaho  mo,  kung  gusto  niyang  diskarte  niya  ang  masunod  hahayaan  lang  kita  at  hindi  ko  ipagpipilitan  ang  diskarte  ko  dahil  oras  na  pumalpak  nasa  kanila  naman  ang  kredito.

Hindi  ako  mapagtanim  ng  sama  ng  loob,  kung  may  nagawa  sila  na  hindi  maganda  sa  akin  hindi  ako  nagsasalita  hahanapin  ko  kung  saan  ang  kiliti  nila  dahil  yan  lang  naman  ang  tanging  daan  para  mapangiti  ko  sila  at  mapalagay  ang  loob  nila  sa  akin.  Yan  ang  kahulugan  ng..  "KAPAG  BINATO  KA  NG  BATO,  BATUHIN  MO  NG  TINAPAY".  Hindi  naman  mahirap  gawin  yan.

Creative  din  ako..  mahilig  ako  mag  isip  ng  mga  bagay  na  maari  kong  gawin  na  ikakasiya  ng  iba.
Mahilig  akong  magsulat,  ginagawa  kong  libangan  ang  pagsusulat.

Mababa  akong  tao,  mababa  ang  kalooban  ko,  madali  akong  maawa  sa  isang  tao,  dahil  naniniwala  ako  na  ang  awa  ay  pagmamahal,  kung  hindi  ka  marunong  maawa  walang  puwang  para  ikaw  ay  magmahal.  Madalas  kung  may  nadadaanan  akong  pulubi  magbibigay  at  magbibigay  ako,  ibinabahagi  ko  rin  sa  kanila  ang  sobra  kong  kaligayahan.  Naniniwala  ako  na  ang  kabutihang  ibinibigay  natin  sa  tao  ay  ginagawaran  ng  kaligayahan  at  ang  ginagawa  nating  kasalanan  ay  ginagawaran  din  ng  kaparusahan  ng  ating  dakilang  lumikha.

Hanggang  ngayon  patuloy  parin  akong  nag-a-aral,  kadalasan  pinag-a-ralan  ko  ang  mga  taong  nakakaharap  ko,  pinag-a-aralan  ko  kung  saan  ang  kanilang  mga  kiliti  upang  mapalapit  akong  lalo  sa  kanila.  Pinag-a-aralan  ko  kung  ano  ang  kanilang  pagkatao  upang  malaman  ko  kung  dapat  ba  silang  pagkatiwalaan.  Pinag-a-aralan  ko  ang  mga  salitang  may  mga  magagandang  kahulugan  na  magagamit  ko  sa  pakikisalamuha  sa  iba.

Ang  lahat  ng  bagay  na  ginagawa  ko  ngayon  ay  bunga  ito  ng  mga  natutunan  ko  sa  aking  pag-a-aral  at  ang  mga  bagay  na  nakakamit  ko  ngayon  ay  resulta  ng  aking  mga  ginagawa.

3 comments:

  1. Ipagpaumanhin po ninyo miss anonymous nailipat ko lang po dito yung comment ninyo sa OPEN ARMS..

    FROM MISS ANONYMOUS.. ""Kuya, mawalang galang na po. Sana po ay nasa mabuting kalagayan kayo at ang inyong pamilya. Happy belated Father's Day! I came across your blog by searching "paano tuparin ang mga magagandang hangad sa sarili at sa mga mahal sa buhay" via Google. Medyo nakakarelate po ako sa inyo lalo na sa pagtrato nyo sa mga kapatid nyong babae. Lima din kaming magkakapatid at ako ang bunso sa babae. Ako din parati ang nagpapahiram ng pera at minsan nagigipit din pero walang makatulong pagdating sa akin. Gaya ngayon. 37 years old na ako, wala pang pamilya pero may boyfriend. Meron akong bahay na nabili at kasama kong katira ang sinundan kong kapatid na babae.

    Naghahanap ako ng mga sagot sa tanong ko sa buhay dahil nasa point ako ng "embracing change" dahil gusto ko nang magumpisang magkapamilya. Nahihirapan ako dahil yung katira kong kapatid eh may mga issues...medyo burara sya sa mga gamit, very emotional dahil hindi sya ready sa pagdodonate ng mga gamit ng mama namin na sumakabilang buhay nung 12/26/2013. At isa sa mga malalaking issues nya din eh nagsusugal sya. Dahil wala syang partner sa buhay, para sa kanya, ang break nya from stress eh magsugal. Meron po ba kayong maipapayo?

    I'm so glad to have found your website, Kuya Rom. Please don't publish this comment. I'll create another one so you can publish it and I'll share your blog link on my Facebook account :) Hanggang sa muli.

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat miss anonymous sa pagbisita at pagbabasa dito.. malaking karangalan din sa akin na may mga tulad ninyo na humihingi ng payo sa akin.. bagamat hindi naman din po 100% na nasa tama ang mga payo ko isi-share ko narin ang konti kong nalalaman ayon sa sarili kong paniniwala at ayon din sa realidad kung saan ginagawa kong sandigan ko para sa sarili kong pamumuhay...

    ayon sa tanong ninyo.. " "paano tuparin ang mga magagandang hangad sa sarili at sa mga mahal sa buhay" at sa "problema sa kapatid mo na nakapisan sa iyo".

    uunahin ko yung sa sarili ninyo..
    Alam mo meron tayong sariling buhay kung saan ikaw lang talaga ang unang-unang makakatulong sa sarili mo bukod sa mga magulang mo at wala ng iba pa.. pero kung walat-wala din ang iyong mga magulang wala ng ibang makakatulong sa iyo kungdi ikaw na lang.. masakit mang sabihin dapat po ang inuuna nating tulungan ay ang sarili bago ang iba kapatid man o hindi. tandaan mo isa lang ang obligasyon nating tulungan ang ating mga magulang. Hindi natin obligasyong tulungan ang ating mga kapatid dahil may sarili rin silang buhay dapat nilang asikasuhin. Kung may konti tayong pera ilaan mo lahat sa sarili mo o sa buhay mo huwag mong isapalarang ibigay ng ibigay sa mga kapatid mo dahil hindi natin sila obligasyon.. alam ng diyos gusto mo silang tulungan pero hindi kasalanan ang hindi tumulong sa iba dahil ikaw mismo ay nangangailangan din ng tulong kung paano mo aayusin at pagiginhawain ang buhay mo.

    Huwag mong intindihin kung magalit sila dahil hindi mo sila natutulungan karapatan nila iyon desisiyon nila kung magagalit sila o hindi ang mahalaga wala kang ginagawang masama sa kanila.. hindi mo kasalanan ang hindi sila matulungan kasalanan nila iyon dahil hindi nila tinutulungan ang sarili nila..

    Kung may nakikita kang hindi maganda sa ginagawa ng kapatid mo karapatan mo siyang pagsabihan dahil nasa poder mo siya kung magalit siya at hindi sumusunod sa patakaran mo lumayas siya sa poder mo kung hindi siya makatiis.. siya ang dapat makisama at hindi ikaw, siya ang makibagay sa iyo at hindi ikaw, may sarili siyang buhay na dapat siya ang mag asikaso sa sarili niya at hindi ikaw.

    ReplyDelete
  3. Miss anonymous meron po akong sinulat dito na may title na "OBLIGASYON" sana po mabasa rin ninyo.. salamat po

    ReplyDelete