ANG MAHIRAP SA PAGSUSULAT
Depende po iyan sa kung anong tema ang ating isusulat, merong nagsusulat ng tungkol sa mga bali - balitang kanyang nasasagap sa loob at labas ng bansa, merong nagsusulat na ang tema ay tungkol sa kanyang mga nakaraan o karanasan, meron naman ang tungkol sa negosyo at marami pang iba.
Pero kung ang ating isusulat ay ang katulad ng tema ng mga isinusulat ko ang tungkol sa ugali o pagkatao ng isang tao kasama na ang mga alam kong mga maling paniniwala ng tao ay sadya pong mahirap magsulat.
Kadalasan ang mga sinusulat ko ay ang tungkol sa isang tao, sadyang mahirap kahit iniisip ko na may kalayaan naman tayo na gawin ang lahat ng nais nating gawin o sabihin at may kalayaan tayong ipahayag ang ating mga saloobin. Hindi naman talaga mai-iwasan na merong mga nasasagasaan sa mga isinusulat ko dahil ugali naman talaga ang kadalasang isinusulat ko meron at meron naman talagang matatamaan.
Alam ko noong una palang ng aking pagsusulat ay alam ko na talagang may mga tao akong masasagasaan dahil sa totoo lang may mga tao talagang ganyan. Ang iniisip ko nalang parte lang naman ito ng aking kalayaan, kalayaan sa pagsisiwalat ng aking damdamin. Totoo.. kadalasan sa mga sinusulat ko ay meron naman talaga akong pinatutungkulan kungdi yung mga taong gumagawa o nakakagawa ng hindi tama sa kapwa, mga taong mapanglamang, mga taong abusado, mga taong nagbubulag - bulagan kahit alam naman nila na mali ang kanilang ginagawa. Pero kung hindi ka naman gumagawa ng hindi tama sa kapwa hindi para sa iyo ang aking mga sinusulat. Pero kung nagagalit ka dahil natamaan ka sa aking mga sinusulat.. bakit nila alam na para sa kanila ang aking mga sinusulat?
Kung nalalaman ba natin na may mali tayong nagagawa sa kapwa kailangan ba talaga nating magalit sa mga taong tulad ko na nagsusulat? Hindi ba dapat ang kailangan ay tangapin ang ating mga pagkakamali at ituwid ang ano mang nagagawang mali.
Ito ang isang mahirap sa pagsusulat.. Madalas kahit sa pagsusulat nagkakaroon tayo ng kagalit, nagkakaroon ng kaaway, minsan ang mga tulad ko na nagsusulat ang madalas nagiging masama pa sa mga taong natatamaan.
Hindi naman ako nagmamalinis at hindi ako nagmamagaling o nagmamarunong, may lakas lang talaga ako ng loob na magsulat ng ganito at pumuna ng mga maling ginagawa ng tao dahil alam ko at maipagmalaki na ang mga napupuna ko na maling ginagawa ng iba ay hindi mo mapupuna na ginagawa ko sa iba. Malakas ang loob kong magsulat ng ganito dahil alam ko na hindi para sa akin ang mga sinusulat ko at hindi ako ang unang - unang tinatamaan sa mga sinusulat ko.
Kung ako ay magsusulat para lang magmalinis o magmagaling ang unang - unang magre-react sa mga isinusulat ko ay ang aking asawa at mga anak dahil sila naman talaga ang talagang nakakakilala sa ugalit pagkatao ko. Andyan din sa aking paligid ang aking mga kapitbahay at kamag-anak. Sila ang unang magsasalita ng ganito sa akin...
"Wala kang karapatang magsalita o pumuna ng mga maling ginagawa ng iba, kung ikaw mismo ay gumagawa din ng hindi tama sa kapwa".
"Bago mo punahin ang iba, punahin mo muna ang sarili mo".
"Humarap ka muna sa salamin".
Totoo naman talaga ang kasabihang iyan at masakit para sa akin kung pagsasabihan ako ng ganyan ng aking asawa at mga anak, wala akong mukhang ihaharap sa kanila sa umpisa pa lang titigil na ako sa pagsusulat ng tungkol sa tao.
Kaya.. mahirap man magsulat patuloy at patuloy pa rin akong magsusulat hanggat may lapis at papel akong nahahawakan, hanggat may mali akong nakikita sa aking paligid patuloy akong magsusulat, dito ako nakakadama ng kasiyahan.
Hindi mahalaga sa akin kung may mga taong nagagalit sa akin dahil sa aking mga isinisulat, ang mahalaga sa akin sa pamamagitan ng aking mga isinusulat maaring makikilala din ako ng mga tao na nasa aking paligid, dito masasalamin ang aking pagkatao, dito makikita ang lalim ng aking pag-iisip. Ito rin kasi ang aking paraan para ipaalam sa aking mga anak kung ano ang mga tama at mali sa kanilang mga ginagawa, kung paano mag - isip ang kanilang ama, kung malalim o mababaw ba isipan ng kanilang ama. Para sa akin walang masama kung ipahayag ko ang aking mga saloobin.
Ang unang - unang layunin lang naman talaga ng aking pagsusulat ay para maglibang at para mabigyan ko lang din ng kasiyahan ang aking sarili. Walang akong ibang hangad kungdi ang isulat ang lahat ng nais sabihin, ipaalam ang mga nais ipaalam at iparating ang lahat ng mga nais iparating. Isipin lang sana natin na tulad din ninyo ako ng naghahanap ng mapaglilibangan at itong pagsusulat ang napili kong mapaglilibangan.
No comments:
Post a Comment