Monday, 14 December 2015
NOVEMBER ONE "UNDAS"
UNDAS O PIYESTA NG MGA PATAY
Kapag dumarating ang araw na ito, alam na nating lahat na nakakaramdam tayo ng kasiyahan. Unang - una kasiyahan sa mga taong mahilig sa happenings, kasiyahan dahil nakakapasyal lalo na't magkakasama kayong magkakaibigan at syempre nagkakaroon ng pagtitipon at nagkakaroon ng bonding sa isa't - isa. Kadalasan sa sementeryo nagkikita-kita ang mga magkakakilala at marami pang iba na idinudulot sa ating buhay. Hindi ko na iisa-isahin pa kung ano ang mga nagaganap sa loob at labas ng sementeryo dahil alam ko pare-parehas lang tayo ng mga nararamdam at nakikita kapag sumasapit ang piyesta ng mga patay.. Sa bagay na yan wala akong masasabing mali.
Ang punto ng isusulat ko ngayon ay ang tungkol sa ating paniniwala at alam ko lahat tayo ay may kanya-kanyang paniniwala at wala ako sa lugar para sabihin ko na mali ang inyong paniniwala. Bilang author ng blog na ito nasa akin ang lahat ng kalayaan upang ipahayag ko o isulat ko dito ano man ang naisin kong isulat.
Bilang isang katoliko at hanggang ngayon naman ay isa parin akong katoliko. Noon, isa din ako sa naniniwala na kapag piyesta ng mga patay kailangan na bumisita sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay, kailangan linisan ko din ang paligid ng puntod ng mga namayapa, magpintura ng puntod, mag alay ng bulaklak at kandila upang maipaalala sa kanila na kahit wala na sila ay maipadama parin sa kanila na naalala ko parin sila. Sa madaling salita kung ano paniniwala ninyo ganon din ako na kapag hindi mo pinapasyalan ang puntod nila ay parang nangangahulugan na kinakalimutan na natin sila at kaya tayo bumibisita sa kanilang mga puntod ay para ipakita o ipadama sa kanila na inaalala parin natin sila ganyan din ako, pero.. noon yon.
Tulad ng namayapa kong ama at ina, mahal ko silang dalawa at alam nila iyan noong sila ay nabubuhay pa lalo na ang aking ama siya ang kaututan ko ng dila noong nabubuhay pa. Alam ko at taas noo akong maipagmamalaki sa lahat at sa aking mga kapatid na ni minsan hindi ko pinasakit ang kanilang kalooban noong silay nabubuhay pa. Para sa akin sapat na iyan at naipadama ko na sa kanila na mahal ko sila.
Tulad ng mga naunang sinusulat ko dito, hindi masama para sa akin ang magbago ng paniniwala dahil likas sa akin ang maghanap ng katotohanan at likas sa akin ang mag analisa ng mga bagay - bagay dito sa mundo. Ang katwiran ko may sarili akong pag iisip at kalayaang mag isip para alamin ang katotohanan dahil naniniwala ako na walang masama kung hindi ako sumunod sa paniniwala ng iba.
Halimbawa... Kung hindi ko ba napasyalan ang puntod ng mga mahal ko sa buhay kapag piyesta ng mga patay nangangahulugan ba na kinakalimutan ko na sila?
Ikaw, subukan mo kaya sa sarili mo.. kapag hindi mo ba napasyalan ang puntod ng mga mahal mo sa buhay kapag piyesta ng mga patay aminado ka ba na kinalimutan mo na sila? Di ba hindi? Kung ganon, ano ang dahilan kung bakit kailangan mo pang pumunta ng sementeryo? Ano ang dahilan kung bakit kailangan mo pang linisin ang paligid ng puntod at pagkatapos ay pinturahan at alayan mo ng bulaklak?
Minsan sinabihan ako ng isang tao "Dalawin mo naman ang mga puntod nila sa sementeryo, kinakalimutan mo na yata sila". Napapa-iling ako, bakit niya ako hinuhusgahan ng ganong salita? Hindi lang ako dumalaw nangangahulugang nakakalimot na. Parang gusto kong sabihin sa kanya na baka siya ang nakakalimot, nakakalimutan niya na meron siyang utak at nakakalimutan niyang gamitin ang kalayaang niyang mag - isip kung tama o mali ang kanyang paniniwala.
Parang ibig niya palabasin na sumunod ako sa kanyang paniniwala.
Kapag dumalaw ba tapos naglinis ng paligid ng puntod at nagpintura at nag alay ng bulaklak at pagkatapos ay bumulong - bulong sa harap ng puntod sigurado kaya tayo na malalaman pa nila ang mga ginawa mo? Kung sigurado ka na nalalaman at nakikita ka nila sa ginawa mo sa kanilang puntod.. sa paanong paraan mo kaya patutunayan? Masakit man sabihin karamihan sa tao kahit hindi napapatunayan naniniwala ng totoo.. Sabagay hindi ko rin masisi ang iba dahil kahit nga ang mga naging presidente na naturingang matatalino at nakapag aral pa sa amerika patuloy na naniniwalang totoo kahit hindi napapatunayan.
Paano ba malalaman o sa paanong paraan ba mararamdaman ng isang matagal ng patay ang nangyayari dito sa mundo?
Malalaman pa ba ng isang matagal ng patay ang mga nangyayari dito sa mundo? Kung ang sagot mo ay "OO" sige ipaliwanag mo at patunayan mo.
May maisasagot ka ba? Palagay ko wala, kung meron man tayong maisasagot palagay ko alam ko ang isasagot ninyo.. "kahit patay na sila nakamatyag pa sila sa atin" yan kasi ang pinanghahawakan lang naman natin ay ang "paniniwala" na kahit wala tayong pinanghahawakang sapat na katibayan pero patuloy parin tayong naniniwala at nakasunod sa paniniwala ng iba.
Bakit kaya hindi nating subukang buksan at tingnan ang loob ng puntod o loob ng nitso para malaman natin kung sino at ano pa ang laman ng nitso, andon pa nga ba sila sa loob? Alam ko nanaman ang isasagot natin.. nasa paligid lamang sila hehehe ganon uli kahit hindi napapatunayan.
Kadalasan ang dahilan ng karamihan.. "wala namang mawawala kung maniwala sa paniniwala ng undas". Wala nga ba? Pera (bulaklak, kandila, pintura, pagkain), pagod, oras ang dami kaya. Kapag minalas - malas pa dahil nasa sementeryo kayong lahat walang naiwan sa bahay mas marami pang mawawala.
Sabi ko nga sa misis ko noon at sa aking mga anak dahil magkasalungat kami ng paniniwala.. sige subukan nyong mag gapas ng damo, mag linis ng nitso, magsabon at pagkatapos bumili kayo ng kandila at mga bulaklak at magbantay kayo ng maghapon o ng ilang oras sa nitso at pag uwi nyo sabihin nyo sa akin kung ano ang maririnig nyong salita mula sa loob ng nitso o mula sa mga namayapa ninyong mga mahal sa buhay at sabihin nyo sa akin kung sa paanong paraan nyo malalaman na natutuwa ang mga kaluluwa sa mga ginawa nyo sa sementeryo.
Kung ikaw ang nakakabasa nito kaibigan at bago mo ako kutyain at sabihan na mali ako sa aking paniniwala, maari bang subukan mo munang sagutin ang mga katanungan naitanong ko sa aking asawa at anak kung ano ang mga bagay na maaring matangap natin mula sa mga namayapa. Maaring alam ko ang isasagot natin.. "kahit hindi natin sila nakikita, sigurado masaya sila sa ginawa natin. He he he may "sigurado" pa eh noh. Paano naman kaya nasiguro?
Kasalanan ba kung may sarili akong paniniwala?
May mali ba sa hindi ko pagsunod sa lumang paniniwala? Ako ba ang mali o ikaw?
Parang ang nangyayari takot ang tao na baguhin ang mga maling paniniwala o kaya takot ang tao na tangapin ang katotohanang mali ang kanilang paniniwala.
Matagal - tagal narin na hindi ako pumupunta ng sementeryo ni minsan kahit sa panaginip wala akong naririnig na sumbat mula sa aking mga magulang at kahit sino walang makakapagsabi at magpapatunay kung nasaan sila ngayon.
Ano man ang naisulat ko dito na maaring salungat sa inyong paniniwala hindi ko na po sinasadya. Tulad ng sabi ko isusulat ko dito ay yung naayon lang sa aking paniniwala at hindi ko hinikayat sino man sa inyo na maniwala o sumunod sa aking paniniwala.
Alam nating lahat na may kakayahan at kalayaan tayong mag - isip ang kailangan lang natin ay gamitin, gamitin ang kalayaang mag isip.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment