Pagpaparusa sa opisyal na magpapabaya sa OFW suportado ng Migrante
Soliman A. Santos
Suportado ng Migrante Middle East ang isang panukalang batas na naglalayong maparusahan ang mga opisyal ng embahada, paggawa at serbisyong pangkalingan na tumanggi o hindi nakatulong sa mga (overseas Filipino workers).
Ang House Bill No. 5461 ay inihain ni Rep. Cynthia Villar sa Kamara dahil sa patuloy umanong pang-aabuso sa mga OFW dahil na rin sa kapabayaan ng mga opisyal.
Ayon kay John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME, suportado nila ang panukalang batas dahil para ito sa kagalingan ng mga OFW.
“Nanawagan kami sa mga kapwa-OFW na suportahan ang pagsasabatas ng HB-5461,” ani Monterona.
Nagpahayag naman ng tuwa si Monterona dahil kinikilala ni Villar ang lumalalang kalagayan ng mga OFW lalo na ang mga domestic helper at construction worker na patuloy na nagdurusa sa kamay ng mga abusadong employer, di makataong kalagayan sa paggawa at iba’t ibang paglabag sa kanilang karapatang pantao.
Sinabi pa ni Monterona na lalo lamang nakakainsulto sa mga OFW ang mga kapabayaan ng mga opsiyal ng embahada na dapat sanang tumutulong sa mga nagdurusang migrante.
Tinatayang mahigit sa isang libo nang mga kaso ng OFW ang nakarating sa tanggapan ng migrante sa taong ito.
Ayon pa kay Monterona, hihikayatin nila ang kanilang mga miyembro na sumulat sa mga kongresista para sa agarang pagpasa ng HB No. 5461.
CREDIT: PINOY WEEKLY ONLINE
No comments:
Post a Comment