Go To  Home Page

ANG TALINO NG ISANG TAO
AYON SA DAMI NG KAALAMAN
HINDI SA TAAS NG PINAG-ARALAN
^_^
KUNG NAIS MONG BALIKAN ANG NAKARAAN
TINGNAN MO SARILI MO NGAYON YAN ANG EPEKTO NG IYONG NAKARAAN
KUNG NAIS MO MALAMAN KUNG ANO ANG IYONG MAGIGING BUKAS
TINGNAN MO SARILI MO NGAYON
NAKIKINITA MO NA KUNG ANO ANG IYONG MAGIGING BUKAS
^_^
HUWAG MO HUSGAHAN ANG KAPWA NG DAHIL LANG SA
KUNG ANO ANG NARINIG MO SA IBA
^_^
MABABASA MO ANG ISIPAN NG ISANG TAO
SA PAMAMAGITAN NG KILOS AT PAGSASALITA
^_^
DI BALENG WALANG TULOG
WAG LANG WALANG GISING
^_^
ALAM MO BA... ANG TAONG AYAW TUMANGAP NG PAGKATALO
AY ANG TAONG LAGING SUMISILIP NG KAMALIAN MO
^_^
ANG ATTITUDE KO NAKADEPENDE SA KUNG PAANO
MO AKO TRATUHIN
^_^
MINSAN.. ANG SIMPLENG PAYO MO SA IBA
IYON NAMAN ANG HINDI MO MAGAWA SA SARILI
^_^
HUWAG KANG MAKIKIPAGTALO KUNG SA REYALIDAD
HINDI MO MAGAWA SA SARILI ANG
IPINAGLALABAN MO

Monday, 31 October 2011

DIVORCE

Nais kong ibahagi ang kakarampot kong nalalaman ukol dito sa matagal ng pinag uusapan nating mga pilipino ang diborsyo. Kung ako ang tatanungin.. Ayokong isabatas ang diborsyo dito sa pilipinas? Hindi ako pabor dito.

Bakit?

Dahil ang unang - unang maaapektuhan nito ay mga kababaihan, mga kababa ihan dahil mahihirapan na silang buhayin ang kanyang anak. Ang pangalawang maapektuhan nito ay ang mga bata dahil mapipilitan na silang iwanan ng kanilang ina dahil obligado na ang mga kababaihan na humanap ng hanapbuhay upang meron siyang ibubuhay at ipapaaral sa kaniyang mga anak. Kahit sabihin pa nating magbibigay ng sustento ang kanilang ama gasino na lang ang kayang isustento ng isang ama. Baka pagdating pa ng araw matigil narin ang binibigay na sustento lalo't kung wala narin siyang trabaho. May mga nagsasabi bakit sa ibang bansa pinatutupad ito.. kung ihahalimbawa ko sa bansang korea hindi problema sa korea ang humanap ng mapapasukan dahil dito sa korea ay gobyerno ang nagbibigay ng trabaho sa tao. Kahit wala kang pinag aralan bibigyan ka ng trabaho, kahit nasa edad 35 or 60 ka bibigyan ka pa rin ng trabaho hanggat kaya mong mag trabaho. Paano kung sa pinas ito ipatupad ang diborsyo.. Paano na ang mga babaeng nasa edad 35 pataas? Sino pa ang kompanyang tatangap sa kanila? Ang katwiran ng ibang pabor sa diborsyo pwede naman daw mag abroad ang babae.. Paano kung walang yaman ang pamilya ng babae paano siya makapag abroad? Paano kung nasa edad 40 na iyong babae? sino pa tatangap sa kanila eh samantalang ultimong POEA halos ayaw mag paalis ng nasa edad 35 pataas. Kung halimbawang pinalad na makaalis ang babae papuntang abroad para mag trabaho.. saan niya iiwan ang kanyang mga anak? Sa mga magulang ba niya? Paano kung matatanda na ang mga magulang ng babae? Makakaya pa kaya nilang alagaan or subaybayan ang mga bata? Mapipilitan dahil kailangan ng ina ng mga bata na maghanapbuhay kahit mapariwara ang mga bata wala na siyang magagawa.

Kung sa mga mayayaman.. ok lang kahit magkaroon ng diborsyo dahil meron silang yaman para ibuhay sa kanyang mga anak, kahit hindi mag trabaho yung babae kaya niyang buhayin ang kanyang anak. Paano yung wala?

Kung ngayon na libo - libo ang mga kababayan nating mga lalaki ang walang trabaho at halos walang mahanap na trabaho.. kung maisasabatas pa iyang diborsyo magiging doble na ang mga pilipinong walang trabaho. Kung iyong isang libo nga na hindi kayang bigyan ng trabaho ng gobyerno paano kung doble pa sa isang libo. lalong dadami ang mga batang hindi makakapag aral ng maayos, hindi maalagaan ng maayos, dadami ang mga kabataang mapapariwara dahil wala ang kanilang ina na magsusubaybay sa kanilang paglaki.

Kung yung iba ay hindi na magkasundo sa kanilang pagsasama at wala ng ibang paraan kundi ang maghiwalay.. kayo nalang ang maghiwalay kung hindi kayo magkasundo huwag na ninyong idamay ang ibang maapektuhan ng diborsyo. Sa aking pananaw.. iba na kasi kung legal ang diborsyo mas madaling magdesisyon na hiwalay lalo na ang mga kalalakihan na sa konting diperensya hiwalay agad ang solusyon. Hindi katulad ng wala ang batas na diborsyo hindi agad - agad na makakapag isip na hiwalayan agad.

Kung sa akin bilang lalaki.. mas pabor sa akin dahil may paraan na para mag iba - iba ako ng asawa.. Pero hindi ako sumasang ayon dahil iniisip ko rin ang kahihinatnan ng kapwa ko lalo na mga kababaihan.

Doon sa mga pumapabor sa diborsyo huwag sana dumating sa buhay mo na balang araw na magkaroon ka ng 4 na anak na babae at hiwalayan silang lahat ng kani - kanilang mga asawa sa iba't - ibang dahilan upang maramdaman mo kung paano mag alaga ng lahat ng apo mo lalo na kung matanda ka na. Wala kang ibang sisisihin kundi sarili mo dahil isa ka sa pumirma para maisabatas ang diborsyo sa pilipinas.

Sunday, 30 October 2011

BIBLE OR BIBLIYA


Simula ng akoy nag kaisip hanggang sa mga sumasandaling ito wala pa akong naka - usap na tao lalo na mga pilipino na magtatanong sa akin kung may ''katotohanan'' ba talaga ang bibliya na salita ng diyos?

Ang bibliya nga ba ay tunay na salita ng diyos?
Ang bibliya nga ba ay siyang tunay na pag papatotoo?
Ang lahat ba ng nakasulat sa bibliya ay tunay nga bang mga salitang binitiwan ng diyos?

Kung ating tititigang mabuti at ating babasahin ang isang bibliya.. ano ang mapapansin mo? ''Makapal'' di ba? Makapal dahil sa dami ng nakasulat. Kung ating iisipin.. ganyan ba karami ang salitang binitiwan ng diyos? Ganyan ba siya karami magsalita? Ano ang kadalasang mababasa mong nakasulat sa bibliya? Karamihan ay history ng mga nakaraang tao ang nilalaman ng mga nakasulat sa bibliya. kung ganon.. ang diyos ba ay nag kuwento ng ganon kahaba?

Kung ang bibliya ay pinaniniwalaan mong salita nga ng diyos.. Paano mo ito patutunayan at naniwala ka na ang bibliya ay tunay ngang salita ng diyos? Halos ninety nine porsiyento na mga pilipino ay naniniwala na ang bibliya ay salita ng diyos at isang porsiyento lang siguro ang hindi naniniwala at ako na iyon hehehe. Bakit ako maniniwala na ang bibliya ay salita ng diyos gayong hindi ko naman tuwirang natunghayan at napatunayan na nagsalita or nagsasalita ang diyos. Kung maniniwala ako sa sinasabi ng mga pari at sinasabi ng mga pilipino na ang bibliya ay totoong salita nga ng diyos para ko ng inamin sa sarili ko na mahilig akong maniwala sa sabi - sabi, Para ko ng inamin na wala akong sariling pag iisip, para ko ng inamin na hindi ako marunong mag obserba ng mga bagay - bagay dito sa mundo, para ko ng inamin na mahilig akong sumunod sa paniniwala ng ibang tao, para ko ng inaming mahilig akong maniwala kahit hindi ko napapatunayan, para ko ng inaming hindi ako marunong tumangap ng pagkakamali, para ko ng sinabing habang buhay nalang akong nakakulong sa paniniwala ng iba, para ko ng inaming nakakulong ako sa maling paniniwala, para ko ng inaming hindi ako marunong magbago ng pananaw at para ko ng inaming hindi ako marunong mag isip ng tama at mali. Tama at mali dahil tama ba maniwala ka na totoo kahit hindi mo napapatunayan.

Ang katotohanan.. Ang mga nakasulat po sa bibliya ay hindi totoong salita ng diyos ito ay gawa - gawa lang ng grupong gumagamit sa pangalan ng salita ng diyos para sa pagpapayaman at ang mga pari ang siyang instrumento nila upang magpalaganap ng magpalaganap ng maling paniniwala sa libo - libong madaling maniwala sa sabi - sabi. Kahit ang mga mismong mga pari ay walang maapuhap ng pagpapatotoo na ang bibliya nga ay tunay na salita ng diyos. Nakakalungkot lang at napakaraming mga pilipino ang madali nilang mapaniwala, mga pilipinong nakatali na sa maling paniniwala.

Ikaw ganyan ka ba?
Patuloy ka parin bang maniniwala kahit hindi mo napapatunayan?
Patuloy ka parin bang magbubulag - bulagan sa katotohan?
At
Patuloy ka parin bang magpapatali sa paniniwala ng iba?

Gumising ka kaibigan!

Bukas po ang aking comment box sa mga mambabasa na nais mag share ng inyong nalalaman ukol sa inyong paniniwala pero.. hindi po ako tumatangap ng gumagamit ng ''anonymous''.




Thursday, 20 October 2011

ANONYMOUS AVATAR

Ano ang pagkakaintindi natin sa mga avatar? or sa tinatawag nating profile picture?
Lalo dito sa mga kani - kanilang page or website or blogsite?

Meron akong sariling pananaw or sariling pagkakaintindi dito.. Kadalasan may mga author ng blog or website na nakatago ang mga picture sa pamamagitan ng annonimous or sa mga avatar na nakatago sa mga larawang hindi ang tunay na mukha nila ang nakalagay. Karamihan ang nakalagay sa kanilang mga profile picture lalo na dito sa bloggosphere ay mga annime or mga iba't - ibang imahe at hindi ang tunay nilang larawan ang nakalagay. Bakit nga ba?

Ito ay sarili kong pananaw, sariling oberbasyon kung ano ang nakikita kong dahilan kung bakit may mga taong ayaw nilang ilantad ang tunay nilang mukha.

Una - una ayaw nilang ilantad ang sarili nila sa mga taong nakakakilala sa kanila upang malaya nilang maisulat ang lahat ng nais nilang isulat kahit taliwas sa tunay nilang ugali or pagkatao. Maaring totoo.. dahil kung ilalantad nila ang mukha nila at magsusulat sila ng puro kasinungalingan maaring may pagkakataon na prangkahin sila sa comment box ng mga taong nakakakilala sa tunay nilang pagkatao. Dahil sa annonimous na avatar maari silang magpakitang mabuti sa tao sa kanilang pagsusulat pero sa realidad hindi iyon ang kanilang ugali. Ayaw ng mga taong ito na maaring sabihan sila sa comment box nila na ''Magaling ka lang sa salita''.

Sa annonimous na avatar malaya silang ilabas ang tunay na ugali nila, maari at malaya silang magsalita ng hindi magagandang mga salita at malaya silang makipag away kahit kangino hanggat gusto nila dahil katwiran nila nakatago naman ang mukha nila.

Sa annonimous na avatar itinatago nila ang mga mukha nila sa mga taong kagalit nila or kaaway nila. Alam nila sa sarili nila na maraming mga tao silang nakakaaway ayaw nilang lilitaw ang mga taong kagalit nila sa comment box nila. Ito rin ang isa sa pangunahing dahilan.

Ilan lang iyan sa nakikita kong dahilan kung bakit nagtatago ang ilan sa mga annonimous, maaring sabihin ninyo na hindi totoo itong mga sinulat ko.. hindi totoo dahil wala naman talagang aamin sa katotohanan lalo't makasisira sa pagkatao. Kung maaring mali nga ako sa mga obserbasyon ko.. Ano ang maibibigay nating magandang dahilan kung bakit ka nagtatago sa annonimous? Dahil.. gusto nyo lang ba?

Minsan.. may mga taong nakalitaw ang tunay na mukha nila pero.. bilang na ang kanilang hakbang, minsan.. nagkakaroon na sila ng limitasyon sa kanilang pagsusulat kaya minsan yung iba napipilitang magtago sa annonimous.



KUYA

PAANO MAGING "KUYA"?

Itong pag uusapan natin ngayon ay nauukol ito sa mga nakakatandang kapatid. Kay "KUYA".
Kadalasan nakikita ko sa kaugalian nating mga pilipino at karamihan sa mga pilipino ito ang kadalasang nakikita ko sa pamilyang pilipino.

Kadalasan karamihan sa mga kuya.. inaabuso ang kanilang pagiging matanda sa kanyang mga kapatid. Kadalasan lagi niyang pinanghahawakan ang pagiging matanda niya sa kanyang mga kapatid. Kadalasan ang laging inaakala ng mga kuya nasa kanya na ang lahat ng tama, nasa kanya na lahat ang kapangyarihan kahit minsan nasa kanya ang pagkukulang at kasalanan kaya may mga magkakapatid na hindi nagkakaunawaan. Kahit ako ang pinaka-bunso sa aming magkakapatid kitang - kita ko ang mga pagkukulang at kasalanan ng mga nakakatanda kong kapatid. Kadalasan.. maraming mga kuya ang umaabuso sa kanilang kapangyarihan bilang nakakatandang kapatid na nagiging sanhi ng pag aaway at paglaho ng pag galang sa isa't - isa.

Tatlo ang mga nakakatanda kong kapatid na lalaki at ang isa sa kanila ay iba ang ugali sa dalawa kong kuya. Ang dalawa kong kuya ang hindi ko maka sundo at kahit kaylan hinding hindi na mapapalapit ang kalooban ko sa dalawa dahil sa pagiging abusado nila sa kanilang kapangyarihan sa akin. Kahit ngayong may kanya - kanya na kaming buhay at may kanya - kanya na kaming pamilya pero hanggang ngayon pina iiral parin nila ang kanilang kapangyarihan bilang nakakatandang kapatid kahit hindi naman sila ang bumubuhay sa akin at sa aking pamilya ito ang mga kuyang abusado. Mga kuyang walang galang at hindi rin marunong gumalang sa nakababatang kapatid.

Ang isa kong kuya ang abot - abot ang pag galang ko sa kanya dahil marunong din siyang gumalang sa akin bilang nakababata niyang kapatid. Mas marami ang pinagsamahan namin ng isa kong kuya dahil malapit ang kalooban namin sa isat - isa. Ang kuya kong ito ay marunong gumalang sa akin at tinutumbasan ko rin naman ng pag galang. Kung minsan ako pa ang nagagalit sa kanya kung siya ang nakakagawa ng mali sa ibang tao. Alam ninyo kahit kaylan hindi nawawala ang pag galang ng mga nakababatang kapatid na dapat tinutumbasan din ng pag galang ng mga nakakatanda upang mabuo ang respeto sa isat - isa at mabuo ng maganda ang pagsasamahan. Hindi komo nakakatanda kang kapatid habang buhay mo ng mamanduhan ang nakababata mong kapatid, habang buhay mo nalang pagagalitan ang nakababata mong kapatid , habang buhay mo nalang na pagsasabihan ng hindi magagandang salita ang nakababata mong kapatid , habang buhay mo nalang pasusunurin sa utos ang nakababata mong kapatid hindi na uubra iyan lalo't hindi naman ikaw ang bumubuhay at nagpapakain sa nakababata mong kapatid. Kung pare - parehas na kayong may pamilya at hindi naman ikaw ang bumubuhay sa nakababata mong kapatid hindi na dapat na pangibabawin mo parin ang pagiging matanda mo or pagiging kuya mo lalo't hindi ikaw ang bumubuhay sa kanya. Kung may kanya - kanya na kayong buhay ituring mo nalang na matalik mong kaibigan ang nakababata mong kapatid at hayaan mong ang nakababata mong kapatid ang magturing sa iyo bilang kuya at irespeto mo nalang siya bilang kapatid hindi bilang nakatatanda ka sa kanya upang suklian ka rin niya ng kung ano ang pagtrato mo rin sa kanya. Itatak mo sa iyong isipan na ang bisa ng iyong pagiging kuya ay kung nasa panahong nasa iisa pa kayong bubong at nasa poder pa kayo ng inyong mga magulang. Pero kung dumating ang araw na may kanya - kanya na kayong buhay at pamilya huwag mo ng pairalin ang pagiging kuya mo kundi ang pairalin mo nalang ay pagiging magkapatid at pantay na katauhan ninyong dalawa, walang bata walang matanda, ituring mo nalang siya bilang matalik mong kaibigan upang ituring ka niya na matalik rin niyang kaibigan na may respeto sa isa't - isa.

Kung habang buhay mo siyang ilalagay sa ilalim ng iyong kapangyarihan bilang kuya na nakakatandang kapatid.. Hindi malayong lalayo ang loob niya sa iyo at tuluyang mawawala ang respeto niya sa iyo na magiging dahilan pa ng pag hantong sa hindi magandang pagkakaunawaan. Iisa ang magiging dahilan ng nakababata.. hindi ikaw ang bumubuhay sa kanya kaya wala ka naring karapatang manduhan siya.

Kung gusto mong tumibay ang samahan ninyong magkapatid.. ikaw muna ang magbigay ng respeto at ituring mo siyang matalik mong kaibigan.. asahan mo susuklian ka rin niya ng respeto at ituturing ka rin niyang matalik na kaibigan.



Sunday, 16 October 2011

KILALANIN MO MUNA SARILI MO

Kadalasan madali nating makilala ang buong pagkatao ng ibang tao... pero ang mismong sarili 65% hindi mo kilala. Di ba totoo yan?
Kaya kadalasan ang tao mahirap magbago. Bakit?

Dahil ayaw mong kilalanin mismo ang sarili mong pagkatao pero.. ang ibang tao pinipilit mong kilalanin ang kanilang pagkatao. Kadalasan may mga taong ubod ng sinungaling pero ayaw mong tangaping sinungaling. Bakit?
Dahil ang alam mo sa sarili mo hindi ka sinungaling kaya ayaw mong matatawag na sinungaling. Minsan hindi morin alam na pangit ang ugali mo kung ikukumpara sa ibang tao pero ikaw mismo sa sarili mo hindi mo matangap na pangit ang iyong ugali kaya walang puwang upang ikaw ay magbago. Minsan pinipilit mong magbago ng ugali ang ibang tao dahil iyon ang nakikita mo sa kanilang pagkatao pero.. ang mismong sarili mo o pagkatao hindi mo kayang baguhin dahil ayaw mong kilalanin mismo ang iyong sarili. Napakaraming mga pilipinong ganyan, kaya kadalasan nagkakaroon tayo ng iba't - ibang kasabihan. Andiyan yung.. "Bago mo punahin ang uling ng ibang tao.. punahin mo muna ang sarili mong uling". Nakikita mo ang uling ng ibang tao, pero sarili mong uling hindi mo nakikita. Andiyan yung.. "Nakikita mo kapintasan ng ibang tao pero.. ang sarili mong kapintasan hindi mo nakikita". Andiyan yung.. "Bago mo baguhin ang ibang tao.. sarili mo muna ang unahin mong baguhin", "Nakikita mo ang mali ng iba pero ang sarili mong kamalian hindi mo nakikita" at marami pang iba.

Bakit nga ba?
Bakit kadalasan mas madali nating nakikilala ang pagkatao ng ibang tao pero.. ang sariling pagkatao hindi mo makilala? Hanggang ngayon ba sa edad mong iyan hindi mo kayang kilalanin ang sarili mo?

Pare - parehas naman tayong may isip, pare - parehas naman tayong may mata. Kadalasan iyan ang nakikita ko sa napakaraming mga pilipino. Kung ating iisiping mabuti kung talagang nakikita ng tao ang sarili niyang kamalian sigurado hindi ka makakagawa ng isang bagay na makakasama sa iyong kapwa, kung talagang kilala mo ang iyong sarili sigurado madali kang magbago. Minsan.. napakaraming bagay sa ating sarili ang dapat nating baguhin na hindi natin nakikita mismo sa ating sarili, hindi nakikita dahil hindi mo kilala ang sarili pero.. kadalasan nakikita natin sa ibang tao.

Hindi mo ba talaga kayang kilalanin ang sarili mo? or Ayaw mo lang talagang kilalanin?
Hindi mo ba talaga kayang magbago? or talagang ayaw mo lang magbago? or talagang hindi mo lang kayang baguhin?

Hindi mo kayang kilalanin ang sarili mo or talagang makitid lang talaga ang utak mo? Dahilan para hindi mo makilala ang sarili mo. Kung kilala mo sarili mo.. may dahilan ka para ikaw ay magbago.

Saturday, 15 October 2011

SOBRANG KALAYAAN

ALAM NYO BA ANG SOBRANG KALAYAAN?

Sa tagal kong pagtatrabaho dito sa abroad iisa ang nakikita kong dahilan kung bakit karamihan sa mga pilipino lalo na ang mga OFW na umuuwing bigo. Ito ay ayon sa pansarili kong obserbasyon. Dito sa abroad ang pangunahing nagpapahirap sa mga pilipino bukod sa mga ugali at kayabangan ay ang "SOBRANG KALAYAAN".

Hindi ko na babangitin dito kung anong ugali meron tayo, lahat ng ginagawa natin ay nakabatay talaga sa ugali ng tao. Andyan yung kayabangan, yun bang mahilig tayong magyabang bibili ka ng mga mamahaling gamit kahit meron ka ng mumurahing gamit pilit mo paring bibilhin ang mamahaling gamit para lang maipakita mo or maipagmalaki mo na meron kang ganong gamit. May CPU kana bibili ka pa ng laptop para maipakita mo sa iba na meron kang laptop na gamit parte yan ng kayabangan. Meron ka ng cellphone bibili ka pa ng mas hightech sa sellphone na gamit mo para maipakita mo na meron karing mamahaling cellphone, parte din yan ng kayabangan. Sa madaling salita.. sayang ang mga pera.

Bukod diyan ang pinaka dahilan kung bakit nagiging bigo ang isang ofw ay ang sobrang kalayaan.

Dito sa abroad.. nandito na ang lahat ng kalayaan nating mga pilipino. Malaya tayo sa lahat ng bagay kung ikukumpara natin nang nasa pinas tayo at katabi natin ang ating mga asawa't mga anak. Sa pilipinas kahit papaano merong magbabawal sa iyo. Kadalasan.. marami tayong hindi natin nagagawa kung nasa pinas tayo na malayang nagagawa natin dito sa abroad. Malaya tayong gumasta ng gumasta, malaya tayong uminom ng uminom, malaya tayong makipag jamming at makipag inuman kahit kangino ng magdamagan at makipagpartihan kung saan - saan ng walang nagbabawal or walang pumipigil at malaya tayong mamasyal ng mamasyal kung saan saan at malaya tayong makipagligawan kahit kangino. Sa madaling salita malaya nating gamitin kung saan - saan ang perang hinahawakan natin na sa bandang huli wala na palang nangyayari sa pagiging ofw natin, wala na palang natitira sa perang pinaghirapan natin, wala na pala tayong naiipon.

Sa huli saka natin maiisip na ang laki pala ng nalustay mong pera, sa huli saka mo idadahilan sa misis mo or sa mga magulang mo.. ang baba kasi ng sahod namin, idadahilan mo pa.. hindi nasunod ang talagang suweldo ko. pero.. nakatago sa isipan mo na hindi mo kayang isiwalat sa misis mo na ang dami mong nilulustay na pera kaysa pinapadala mo sa pamilya mo.

Yan kadalasang dahilan kaya maraming mga ofw ang umuuwing bigo.. ''ANG SOBRANG KALAYAAN".


Friday, 14 October 2011

OFW -- PAANO KA NAGING BAYANI?

PAANO KA BA NAGING BAYANI?

Mula pa noon hanggang ngayon madalas nating naririnig sa mga kababayan natin na tayong mga nagtatrabaho dito sa ibayong dagat ay mga bayani ng bansang pilipinas. Eto ang paniniwalang tumatak sa ating mga pilipino. Halos lahat na mga pilipino ito ang kanilang paniniwala, kahit siguro ikaw na nagbabasa ngayon kung OFW ka maaring iyan ang iyong paniniwala na bayani ka ng bansang pilipinas dahil sa perang ibinabahagi mo sa kaban ng bayan.

Bilang OFW.. Paano ka nga ba naging bayani ng pilipinas?
Dahil ba sa perang ibinahagi mo sa kaban ng bayan bilang manggagawa dito sa ibang bansa?
Paano? Dahil ba kundi dahil sa perang nakukuha sa atin kaya tumitibay ang ekonomiya ng bansang pilipinas? Maaring isasagot mo "OO".

Malaking "OO". Taas noo ka pa ngang ipagsisigawan na dahil isa kang OFW na malaking naiaambag sa ekonomiya ng pilipinas.

Tatanungin kita..
Ang pera bang napupunta sa gobyerno mula sa iyo bilang OFW ay kusa at buong puso mo bang ibinibigay sa gobyerno? (sagutin mo ito) "IMPOSIBLE!"

Kung halimbawang dumaan sa palad mo ang salaping napupunta sa gobyerno at pagkatapos mong mahawakan ang perang napupunta sa gobyerno.. Ibibigay mo kaya ng kusa ang perang pinaghirapan mo sa gobyerno?

Palagay ko.. "HINDI" Imposibleng ibibigay mo ang perang pinaghirapan mo sa gobyerno.
Tapos... Aakuin mo na ikaw na isang OFW ay bayani ng bansang pilipinas.

Isang halimbawa ko.. Ang mga pilipinong manggawa dito sa bansang south korea ay nag rally noon dahil tinangkang kunin ng gobyernong arroyo ang pera ng mga pilipino dito sa korea at ang makukuhang pera ng gobyernong arroyo sa bawat pilipinong manggagawa dito sa korea ay mahigit sa 200,000 pesos ang bawat isang ulo. Napakalaking halaga na pinaghirapan ng mga pilipino kukunin lang ng gobyerno. Isang halimbawa ito na ayaw nating ang gobyerno ang makinabang sa perang pinaghirapan natin. Dapat lang! Dapat lang na ang pamilya natin ang makinabang sa perang pinaghirapan natin hindi gobyerno.

Tapos aakuin natin na bayani ka ng bansang pilipinas.

Minsan kasi may mga pilipino na narinig lang nila sa ibang tao na bayani tayo.. iyon narin ang kanyang paniniwala. Hindi na nag iisip.. hindi muna inaalam kung bakit nga ba tayo naging bayani ng bansang pilipinas. Minsan.. ipinagsisigawan pa "OFW ako.. bayani ako ng bansang pilipinas!".

Aminin mo man o hindi ikaw na ofw nagpunta ka dito sa abroad para mabigyan mo ng kinabukasan ang pamilya mo.. hindi kinabukasan ng gobyerno, nagpunta ka dito para bigyan mo ng kaligayahan ang pamilya mo.. hindi para bigyan mo ng kaligayahan ang gobyerno, nagpunta ka dito sa abroad para magtrabaho alang - alang sa pamilya mo.. hindi alang - alang sa gobyerno at sa panahon ng pamamalagi mo rito sa abroad wala kang iniisip kundi pamilya mo ang dahilan ng pagtitiis mo dito sa abroad. Pero.. ni minsan hindi sumagi sa isip mo na kaya ka nagpunta dito sa abroad ay dahil sa gobyerno.

Tapos.. Ipagsisigawan mo.. ofw ka bayani ka ng bansang pilipinas.

Gumising ka kaibigan sa katotohanan.