Go To  Home Page

ANG TALINO NG ISANG TAO
AYON SA DAMI NG KAALAMAN
HINDI SA TAAS NG PINAG-ARALAN
^_^
KUNG NAIS MONG BALIKAN ANG NAKARAAN
TINGNAN MO SARILI MO NGAYON YAN ANG EPEKTO NG IYONG NAKARAAN
KUNG NAIS MO MALAMAN KUNG ANO ANG IYONG MAGIGING BUKAS
TINGNAN MO SARILI MO NGAYON
NAKIKINITA MO NA KUNG ANO ANG IYONG MAGIGING BUKAS
^_^
HUWAG MO HUSGAHAN ANG KAPWA NG DAHIL LANG SA
KUNG ANO ANG NARINIG MO SA IBA
^_^
MABABASA MO ANG ISIPAN NG ISANG TAO
SA PAMAMAGITAN NG KILOS AT PAGSASALITA
^_^
DI BALENG WALANG TULOG
WAG LANG WALANG GISING
^_^
ALAM MO BA... ANG TAONG AYAW TUMANGAP NG PAGKATALO
AY ANG TAONG LAGING SUMISILIP NG KAMALIAN MO
^_^
ANG ATTITUDE KO NAKADEPENDE SA KUNG PAANO
MO AKO TRATUHIN
^_^
MINSAN.. ANG SIMPLENG PAYO MO SA IBA
IYON NAMAN ANG HINDI MO MAGAWA SA SARILI
^_^
HUWAG KANG MAKIKIPAGTALO KUNG SA REYALIDAD
HINDI MO MAGAWA SA SARILI ANG
IPINAGLALABAN MO

Sunday, 5 April 2009

ALONE



Sabi ng iba... Mas maganda daw yung nag iisa, dahil nagagawa mo daw ang lahat ng naisin mong gagawin. Walang kumokontra, walang pumipigil, walang nang iistorbo. Lahat pwede mong gawin malayang malaya ka sa lahat ng bagay, walang maninisi sa iyo kung sakaling nakagawa ka man ng pagkakamali.

Para sa akin... Matagal na rin akong namamasukan dito sa malayong lugar, umabot pa ako sa ibayong dagat sa SAUDI ARABIA, KUWAIT, TAIWAN, at ngayon dito sa SOUTH KOREA. Halos buong buhay ko nasubukan ko na ang laging nag iisa. Totoo... minsan makakaramdam ka talaga ng kasiyahan kung nag iisa ka. Lahat ng maari mong gawin walang hadlang. Ngunit... sa buong panahon ng aking pag-iisa, madalas nakakaramdam din ako ng kalungkutan. At dahil sa haba ng panahon na inilagi ko na lagi akong nag iisa... sa aking naranasan, mas nakikita ko na mas marami ang kalungkutan na iyong madarama kung ikukumpara nang ako ay may kasama. Napag isip-isip ko na... hindi rin pala pwede yung lagi ka na lang nag iisa. May pera ka man o wala... Mas makakadama ka ng lubos na kasiyahan kung lagi kang may kasama. Sa panahon na nakakaranas ako ng mga sari-saring suliranin... mas nangangailangan ako ng suporta ng ibang tao o ng kasama, nangangailangan ako ng payo ng iba. Halos hindi ko malaman kung paano ko haharapin ang aking mga suliranin ng ako lang mag-isa. Minsan... mas kailangan nating humingi ng payo sa iyong mga kaibigan, sa kasama o kailangan mo ng payo ng iyong kasintahan, kailangan mo ng payo ng iyong asawa at higit sa lahat.. kailangan mo ng payo ng iyong mga magulang.

Hindi lahat ng araw ay kaya mong tumayo ng mag-isa, hindi lahat ng araw ay kaya mong harapin ang mga sularaning dumarating sa iyong buhay.

Sa ating buhay... kailangan nating lahat ang magkaroon ng karamay sa araw-araw, kailangan din natin ang meron tayong minamahal at.. merong nagmamahal sa atin.
Ang lagi nating tatandaan... ang nasa itaas ang lagi nating karamay.

WHICH IS MORE IMPORTANT PRAYER OR HARD WORK


Sa buhay natin.. Lahat tayo ay may kanya - kanyang pamamaraan kung paano ba natin iaangat ang ating pamumuhay. Maraming paraan na maari nating gawin, pero maaring merong pinaka epektibo na maari nating gawin upang makaahon tayo sa hirap ng pamumuhay.

Ano ba ang masasabi nating mas epektibo na paraan... PRAYER OR HARD WORK?

Kung para sa aking pananaw maari nating sabihin na kailangan ang dalawang nabangit, pero... mas naniniwala ako na mas malaki ang maitutulong ng HARD WORKING kaysa prayer. Dahil sa pwede kang mag trabaho ng husto kahit wala ang tinatawag na prayer. Manalangin ka man o hindi, ang nasa itaas ang tunay na nakakakita o laging nakasubaybay sa atin nasa kanya naman talaga ang awa.

Sa lahat ng bagay hindi lang ang pagdadasal ang kailangan nating gawin, kailangan din natin ang kumilos upang makamit natin ano man ang nais nating marating. Maging tapat ka lang mabuti sa iyong ginagawa. Para sa akin... Naniniwala ako na... Ang masipag na mang gagawa ay nagtatrabaho ng nag iisa, may kasama man o wala basta nasa puso ang ginagawa mo. Napatunayan ko na rin kasi ang mga bagay na 'yan. Halos labing limang taon na akong namamasukan ni minsan hindi ko sinasamahan ng panalangin. Gumagawa ako kung ano ang nais kong gawin. Hindi ko sinasabi na... hindi ko ginagamitan ng panalangin. Ang natatandaan ko, ang unang-unang pinapanalangin ko lagi ay ang... Bigyan niya ako ng lakas ng pag iisip, lakas ng katawan at ilayo ako sa ano mang kapahamakan at gabayan lagi ang mga mahal ko sa buhay. Yang apat na iyan ang madalas kong hinihingi sa itaas.

Pero ang kaginhawaan ng pamumuhay ako ang mismong gumagawa at naghahanap.

PARUSA


ANO BA ANG PARUSA
Meron tayong kasabihan na... Kung ang panginoon ay nagpapatawad tao pa kaya?Eto po ay sa sarili kong opinion na nais kong ibahagi sa inyo... Kung sa inyong paniniwala ay mali ako nasa inyo na po iyon. Lahat naman ay may kanya-kanya tayong paniniwala. Totoo ba na ang panginoon ay madaling magpatawad? Para sa akin "OO", Pero depende (naks! may depende pa ano po) Ang panginoon ay madaling magpatawad sa mga taong marunong humingi ng kanyang kapatawaran. Ang panginoon ba ay nagpapatawad or nagpaparusa sa mga taong nagkakasala sa kanya?Ang tanong na ito ang madalas kong marinig na pinagtatalunan ng mga kababayan natin. Para sa aking opinion... Ang panginoon ay marunong ding magparusa sa atin. At ang bawat parusang ibinibigay sa atin ay kung gaano kalaki ang kasalanan mo sa kanya, ay ganon din kalaki ang parusang ibibigay niya sa inyo. Alam ko... aminin man natin sa hindi, kahit ikaw na mismong nagbabasa sa mga oras na ito, hindi mo alam kung ano ba ang mga parusang binibigay sa atin ng ating panginoon.Ano ba ang parusa?Meron tayong kasabihan na... lahat ng tao ay may kasalanan. (totoo po iyan) Kaya nga ang lahat ng tao ay meron ding problema. Walang nilalang na walang kasalanan.. At wala ding nilalang na walang problema. Sa bawat kasalanan mo sa panginoon gaano man ito kaliit o gaano man ito kalaki. Ganon din kalaki o kaliit ang problemang kakaharapin mo. Sa bawat kasalanang nagagawa mo sa panginoon ay may parusang kapalit yan ang tinatawag natin "PROBLEMA". Ibig kong sabihin na ang sinasabi kong parusang binibigay sa atin ng panginoon, yan ay ang mga problemang kinakaharap natin sa ating buhay. Ang panginoon ang nagbibigay sa atin ng problemang kinakaharap. Depende sa laki ng iyong kasalanan, ganon ding kalaking problema ang darating sa iyong buhay.May mga nagsasabi na... Bakit si ganito, ang yaman pero ubod nman ng sama ng ugali. Ang nakikita lang po natin ay ang panlabas na kaanyuan ng taong iyon. Pero hindi mo alam kung gaano ba kalaki ang problema nila sa kanilang isipan, na hindi natin nakikita. At hindi rin natin alam kung gaano kalaki ang problemang naghihintay sa kanya pagdating ng takdang panahon, na tanging ang panginoon lang ang nakakaalam kung kaylan niya ibibigay ang parusa niya sa taong iyon. Tulad ng sabi ko nga... Kung isa siyang makasalanan... merot-merong parusang nakalaan sa kanya. Yan ang darating na problema sa kanilang buhay.Merong nagsasabi... Bakit si ganito, naghihirap samantalang ang bait - bait naman. Minsan hindi natin nababasa ang kanilang isipan. Sa panlabas na kaanyuan nakikita nating mabait... Pero sa kanyang isipan alam mo ba kung gaano kasama or gaano kabuti ang kanyang iniisip. Minsan... sa isip palang may kasalanan na tayo na hindi mo nakikita sa ibang tao. Kung halimbawang tama ka na maaring mabait siya sa kilos at sa kanyang isip maaring wala siyang kinakaharap ng malaking problema sa kanyang buhay.Para po sa mga nagbabasa... hindi ko po sinasabing paniwalaan ninyo ang mga sinabi ko dito. Nasa inyo pong sarili kung ano ang tama sa inyong nakikita. Maaring ang mga sinabi ko dito ay makatulong ng konti sa mga nakakalimot sa ating panginoon. Hindi po ako pari, Hindi rin po ako palasimba, Pero relihoso po akong tao.Obserbahan mo ang sarili mo... Gaano ba kalaki ang kasalanan mo? At gaano ba kalaki ang problema mo?SALAMAT PO!!

REGALO




Kung ang bawat kasalanan ay may katumbas na kaparusahan... Ang bawat kabaitan mo naman ay may nakalaang kaligayahan.Ano ba ang regalo ng panginoon sa iyo? May mga nagsasabi na... Ang mga hinihiling mo daw sa panginoon ay hindi naman daw binibigay. Para po sa aking opinyon... Ang bawat kabutihang ginagawa mo ay may katumbas na kaligayahan. Yan yung tinatawag nating ''REGALO'' sa iyo ng panginoon sa kabutihang ginagawa mo. Kung gumagawa ka ng kabutihan... At dumarating yung araw na humihingi ka ng isang kahilingan sa panginoon... Ibinibigay po iyan sa atin ng hindi po natin namamalayan. Dumarating po iyan sa takdang panahon dahil gumagawa ka ng kabutihan sa kapwa, hindi komo humihiling ka sa kanya ng isang kahilingan na alam mong ikaliligaya mo. Pero hindi mo alam sa kahilingan mong iyan baka darating ang araw na ibigay sa iyo ang hinihiling mo baka iyan pa ang magiging dahilan ng iyong pagluha pagdating ng panahon, hindi niya ibibigay sa iyo ang mga bagay na ikapapahamak mo balang araw.. kahit iyan ang alam mong ikaliligaya mo sa ngayon. Dahil kung gumagawa ka ng kabutihan sa kapwa meron siyang nakalaan na regalo sa iyong kabutihan yung hindi mo ikapapahamak pagdating ng panahon.Ano ba ang regalo sa atin ng panginoon? Sa bawat kabutihan mo merong nakalaan sa ating regalo... Ang regalo po sa bawat kabutihan natin.. Yan po ang nakakaramdam ka ng kaligayahan sa araw-araw. Bakit ka ba nagiging masaya? Bakit ka ba nagiging maligaya sa araw-araw? Yan po ang regalong natatangap natin buhat sa panginoon. Ang bigyan ka ng kasiyahan sa buhay. Sa bawat kabutihan mo... may nakalaang kaligayahan. Halimbawa... May trabaho ka ba ngayon? Masaya ka na dahil meron kang maayos na hanapbuhay, meron kang pera, wala kang gaanong problema, Di ba maligaya ka ngayon? yan ang regalo sa iyo ng panginoon buhat sa mga nagagawa mong kabutihan.Alam ng panginoon kung gaano ka kabuting tao.. kaya nga yung mga biyayang natatangap mo pangmatagalang kaligayahan. May mga taong mabubuti na humihiling ng alam niyang ikaliligaya niya ''SA NGAYON''. Pero hindi ibibigay ng panginoon ang hinihiling mo dahil sa mabuti kang tao hindi niya ibibigay ang hinihiling mo kung iyon naman ang magpapaluha sa iyo pagdating ng araw. Kaya tangapin mo ng maluwag sa iyong puso kung anong meron ka ngayon.. Dahil regalo sa iyo iyan buhat sa iyong kabutihan. Dahil sa kabutihan mo hindi ka niya ipapahamak. Ang regalo ng panginoon sa kabutihan mo sa kapwa wala sa material na bagay, kundi nasa kaligayahang pinaparamdam sa iyo sa araw-araw. Ang isang kaligayahan natin ay yung wala tayong kinakaharap na malaking problema.Wala ng hihigit pa at walang katumbas na halaga sa.. ''KALIGAYAHANG TINATAMASA MO NGAYON''.

Sunday, 29 March 2009

KAPALARAN NG TAO

Ano ba ang kapalaran ng isang tao? Sino ba ang gumagawa ng ating kapalaran? Tayo ba ang gumagawa o tayo ba ang nag aayos ng ating kapalaran? May mga nagsasabi na tao daw ang gumagawa ng ating kapalaran... Sabi nga ng iba... NASA TAO ANG GAWA, NASA DIYOS ANG AWA. Magsikap ka para makamit mo ang magandang kapalaran. Hindi ko masasabi na mali or tama ang kahit sino.. meron naman tayong mga kanya-kanyang paniniwala at meron tayong mga sariling opinyon.

Kung para sa akin... Hindi ako naniniwala na tayo ang gumagawa ng ating kapalaran. Kahit anong gawin nating lahat, magsikap man tayo or magsipag man tayo or kahit gaano man tayo katamad or gaano man tayo kaingat... kung ano ang ibibigay sa iyo ng diyos.. iyon ang kapalaran mo. Kung ano ang kapalaran mo hangang doon ka na lang. Kung kasabihang "" nasa tao ang gawa, nasa diyos ang awa "" Naniniwala ako diyan... Pero sa pagkakaintindi ko sa pangungusap na iyan... dalawa lang ang pwede nating gagawin.. "GUMAWA KA NG MABUTI AT GUMAWA KA NG KASALANAN." Tanging ang panginoon lang ang pwedeng magpabago ng kapalaran natin hindi tayo. Tao lang tayo walang kakayahan o wala tayong kapangyarihan, kung tayo ang gumagawa ng kapalaran natin.. wala na sanang naghihirap. May mga taong kahit anong pagsisikap ang gawin.. hirap parin ang pamumuhay.

Tulad ng kasintahan natin..

Tulad ng asawa natin..

Tulad ng kalusugan natin..

Tulad ng buhay natin..

Mayaman ka man o mahirap..

Yan ang ibinigay sa atin, yan ang kapalaran natin. Magkahiwalay man kami ng kasintahan ko.. hindi siya ang kapalaran ko.. hintayin mo kung sino ang magiging kapalaran mo.. iyon ang ibibigay sa iyo ng diyos. Walang sino mang nilalang ang pwedeng magpabago ng kapalaran.. tao lang tayo. Ang panginoon lang ang maykapangyarihan at siya lang ang tanging nakakaalam kung anong kapalaran ang ibibigay sa atin. Ang panginoon lang ang pwedeng magpagulong ng palad natin. Ang panginoon lang ang tanging dahilan ng lahat-lahat.

Wala ng iba.


KUNG DATI KANG MASAMA.. MAGPAKABUTI KA BABAGUHIN NIYA ANG KAPALARAN MO.

Ang mga sinabi ko po dito ay ayon sa aking opinyon at paniniwala, alam ko naman na lahat tayo ay may kanya-kanyang opinyon at paniniwala. Salamat po.

Kung nais po ninyong magbahagi ng inyong opinyon... welcome po kayo dito at igagalang ko ang opinyon ng bawat isa.

Sunday, 1 March 2009

IMAGINATION


Imagination ito ang isang pinakamahalagang bagay sa ating sarili ang may kakayahang bumuo at humubog ng ating pagkatao. At ito din ang magiging daan para makita mo kung ano ang iyong mga plano at kung ano mga pagsubok na maari mong gawin. Ang proseso ng imahinasyon ay magbuo ng isang larawan sa ating isipan at magnasa ng isang bagay kung ano ang pwedeng mangyari sa ating buhay. use your imagination and think of one of the most glorious and beautifully brilliant moments in your life, palagay ko dito ka ngingiti. Sa iyong imahinasyon ikaw ang bida sa mga larawang binuo ng iyong isipan, sa imahinasyon walang imposible lahat kayang gawin lahat kayang kausapin.. walang mahirap abutin.. walang talo... walang malayo lahat kayang abutin gaano man ito kataas o gaano man ito kalayo, kahit ang bituin kayang abutin sa lakas ng ating imahinasyon. Ito din ang isang mahalagang gamit upang mabuo ang ating kinabukasan mula sa posibilidad tungo sa kasaganaan. Ang ating imahinasyon din ang isang mahalagang gamit para maisaayos ang ating mga pagkakamali. Ito ay isa ring mahalagang gamit para makabuo ng isang pangarap. Ang ating imahinasyon din ang may kakayahang maghubog ng ating pagkatao. Sa imahinasyon makikita mo kung anong ugali o pagkatao meron ang isang tao at kung ano ugali o pagkatao meron ka at ito din ang ating gamit kung paano mo naaalala ang iyong mga nakaraan at ito din ang dahilan upang magpasalamat dahil nakikinita mo kung ano ang darating na bagong umaga.

Tulad ngayon... Nag-uumpisa kang muli upang bumuo ng panibagong plano kung ano ang magagawa sa bagong hinaharap, which is the driving influence of your creative imagination.

Your imagination is indeed a powerful tool in creating greatness in your life.

Tuesday, 10 February 2009

SA PAG-IBIG PUSO O ISIP



Ang larawan po na inyong nakikita sa itaas.. wala pong kinalaman dito sa aking kuwento.. inilarawan ko lang po ng sa ganon mabigyan ko ng konting buhay ang aking kuwento.

Kadalasan sa pag-ibig nagiging sarado ang ating isip.. hindi na natin minsan naiisip kung ano nga ba ang tama at kung ano ang mali. Nagiging sarado ang ating isipan dahil nakatuon na lang ang pusot isip natin sa taong tinatangi. Nagiging bulag na tayo sa kaligayahang dulot ng pagmamahal. Kadalasan bago tayo umibig unang-una nating nakikita ang panlabas na kaanyuan ng isang tao. Kung sino ang maganda at kung sino ang guwapo dito mahina ang tao.
Madali kang mapaibig kung may nakita kang kaguwapuhan or kagandahan ng isang tao. Dito natin nararamdaman ang tinatawag nating LOVE AT FIRST SIGHT.

Dito din natin nakikita ang inatawag na '' CRUSH ''. Meron o madalang na ngayon ang mga taong tumitingin sa ugali ng isang tao bago siya mapa ibig. Pero... umiibabaw parin dito ang pagtingin natin sa panlabas na kaanyuan.

Ang ikukuwento ko sa inyo ngayon tungkol ito sa babaing tumingin sa panlabas na kaanyuan.. or matatawag na rin nating puso ang pinairal. Ano nga ba ang dapat sa pag-ibig? Ano nga ba ang dapat paiiralin natin pagdating sa pag-ibig?

Si melissa ay solong anak, nag aaral sa isang eksklusibong paaralan, sunod ang layaw, nakukuha ang lahat ng maibigan dahil nga sa nag iisang anak. Walang alam sa gawaing bahay, dahil na rin sa ganong nakagisnan ni melissa.. maaga siyang nakapag asawa. Ano mang tutol ng kanyang mga magulang walang nagawa. Bata pa si mellisa at kasalukuyan pang nag aaral sa kolehiyo. Dala narin ng ugali ng kabataan ngayon.. naging mapusok si mellisa at ng kanyang kasintahan na si arnel, isa ding sunod sa layaw ng kanyang mga magulang. Wala ding alam na trabaho.. spoiled, Dahil sa angking kagwapuhan napaibig niya si melissa. Hangang sa humantong sila sa isang bagay na magbubuklod sa kanilang dalawa. Kinasal sina melissa at arnel ng hindi nakapagtapos ng pag aaral. Hindi mahalaga sa kanila kung ano ang magiging bukas.. Basta ang mahalaga nagsasama na sila at hindi na magkakalayo kaylan man, hangang magkaroon sila ng isang anak.

Habang tumatagal ang pagsasama nina arnel at melissa, unti-unti nakikilala ng lubusan ni melissa ang ugali ni arnel. Sa hindi inaasahan ni melissa.. nalaman niya na ang kanyang napangasawang si arnel ay isang mamas boy, tamad maghanap buhay, walang alam na trabaho, at higit sa lahat ang napangasawa ni melissa ay hindi pa kayang tumayo sa sarili niyang paa. Kaya ganon na lang ang pakikisama ni melissa sa kanyang mga biyenan. Dahil nakikisukob lang sila sa mga magulang ni arnel hindi magawa ni melissa ang maging masaya. Hangang nagdesisiyon si melissa na siya na lang ang hahanap ng mapapasukan. Mahina man ang kanyang katawan.. pipilitin niyang maghanap buhay alang-alang sa kanyang anak. Wala man siyang alam na trabahong bahay.. gagawin niyang lahat.

Si melissa ay namasukang katulong sa saudi arabia, sa kasamaang palad.. nakatagpo si melissa ng among arabo na masahol pa sa hayup kung ituring si melissa. Sa mahinang katawan ni melissa.. nakatikim siya ng sipa, sampal, tadyak, sabunot sa piling ng kanyang mga amo. tanging iyak lamang ang kanyang nagagawa. Tanging luha sa araw-araw ang kanyang kapiling. Dito niya naiisip ang kanyang anak na naiwan. Paano kung dumating ang araw na hindi na siya makita ng kanyang anak. Dito din niya naiisip ang kanyang ina.. gusto niyang sumigaw, gusto niyang tawagin ang kanyang amat ina, gusto niyang humingi ng tulong sa kanyang ina, gusto niyang sumigaw.. "inay tulungan mo po ako".

Si melissa ay nakauwi na tulala.. si melissa ay hindi na halos nakakausap dahil sa hirap ng kanyang sinapit sa kamay ng kanyang mga amo. Si melissa ang nagtiis sa piling ng iresponsable niyang asawa. Si melissa ang nagtiis na hindi makita ang kanyang anak. Sa isang inang tulad ni melissa.. gaano ba kasakit ang sinapit niyang hirap sa kamay ng kanyang among arabo? gaano ba kasakit ang malayo sa kanyang amat ina? ang lahat ng dinanas ni melissa ay makakaya niyang harapin. Ngunit bilang isang inang tulad ni melissa... ang hindi niya kayang tiisin ay ang iwan niya ang kanyang unang anak.Ang hindi kayang tiisin ni melissa ay ang hindi mayakap ang sangol na nanggaling sa kanyang sinapupunan. Si melissa ay nasa piling na ng kanyang amat ina kasama ang sangol na tanging pinakaiibig niya, ang tangi niyang kayamanan at kaligayahan. Mawala man sa piling niya si arnel.. huwag lang kanyang manika.

Sa aking kuwento... isang bahagi ng pag ibig na ang pinairal ay puso at hindi ang isip. Sa pag ibig maaring kailangan din nating paiiralin ang puso... ngunit mas kailangan dapat na laging naka akibat ang ating isip. Sa pag ibig hindi lang puso ang pagaganahin.. pati narin ang utak sa pag pili ng makakasama sa habang buhay.

Sana po.. nakapulutan natin ng aral ang aking kuwento.. kung hindi man.. sana napangiti ko man lang kayo kahit na sa konting segundo lamang.

Ano man po ang mali o kulang sa aking sinulat... konting unawa lang po bahagi din po ito ng kakarampot kung utak.

SALAMAT PO SA BINAHAGI NINYONG ORAS SA PAGBABASA!

Saturday, 7 February 2009

KARANASANG HINDI MALILIMUTAN

Minsan dumarating sa buhay natin yun bang tinatawag na.. mga pangyayaring hinding hindi natin nalilimutan. Nakakatawa man ito o nakakaiyak, dumarating talaga ito ng hindi natin inaasahan.

Naalala ko nung minsang nagpunta kami sa isang bayan na may piyesta, Alam nyo naman minsan ang mga pinoy.. basta piyesta largaaa.. Maaga pa nakasapatos at nakabihis na kami kasama ko ang dalawa kong kaibigan na basta karne walang pinapalampas. Kasama ko din yung isa rin naming kaibigan na napabayaan ng kanyang mga magulang sa kusina. (lol) Kung ganito kasama mo.. kawawa ang mapupuntahan nito. Hindi na kami kumain sa aming tahanan.. alam mo na he he he kainan din ang pupuntahan. Unang pinuntahan namin yung bahay ng kaibigan nung kasama ko.

Larga na kami sa piyestahan!

Hinanap namin ng hinanap yung bahay na pupuntahan namin, Pinapawisan na kami sa kahahanap.. Nakupo! lumipat na pala ng tirahan, buwisit! Isip kami kung saan na kami pupunta. '' Pare don tayo sa kakilala ko (sabi nung kasama kung mukhang butete ang katawan) Pinatuloy naman kami.. Sabi naman sa amin nung bahay na pinuntahan namin... Naku mga anak.. Wala kaming handa kasi hindi umabot sa sahod ng mister ko. (minamalas talaga ahh) " ok lang po.. pwede pong makikiinom na lang? Maya-maya nagpaalam na kami.. hindi kami pwedeng tumagal don at gutom narin kami. Lakad kami ng lakad hangang nasalubong namin yung klasmeyt ko nung high school,

Klasmeyt! Klasmeyt! (sigaw ko) Kumusta na? wow ang guwapo mo naman ngayon ahh ang laki ng pinagbago mo pare! (sabi ko sa kanya)

Kumain na ba kayo? (tanong sa akin) Hindi pa nga pare eh ( sagot ko sa kanya)

Tara don sa bahay para makakain kayo (aya sa amin ng klasmeyt ko)

Hayyy salamat akala ko talagang mamalasin kami (lol). Hindi naman kalakihan ang bahay nila yari sa kahoy, yung iba naman yari sa kawayan. Sa isip-isip ko... kawawa itong napuntahan namin.. buwelong-buwelo kami nito. Lulubusin ko narin ang pagkain ko.. Babawi ako sa pagod namin kalalakad. Etong dalawa kong kasama hindi na makahinga ha ha ha. Nilantakan ko narin.

Sa madaling sabi.. nakatapos na kami...

Pare..! pwede makagamit ng kubeta ninyo? Medyo naparami ang kain ko eh! don sa likod yung kubeta namin pare.. Kaya lang pagpasensiyahan mo na yero lang ang nakatakip wala pang bubong. Nag punta na ako hangang baywang ko yung dingding na yero, nagmamadali akong nagtangal ng saplot sus! pag upo ko tuloy tuloy ang bulusok (lol). Biglang naghabulan yung dalawang aso.. nahagip yung dingding biglang natumba yung dingding sa harapan ko.. jusko po!

hindi ko malaman kung anong tatakpan ko yung mukha ko o yung buntot ko. May nagbi billyar pa sa harapan ko. Nakita nila may nakasabit pa sa puwet ko. Dali-dali kong itinayo yung yero.. Pag tayo ko nasipa ko naman yung dala kong tabo.. Sus! daming problema walang natirang tubig sa tabo. Hindi ko alam kung paano na ito.. kahit dahon man lang wala pa! sus!
Itutuloy ko pa ba yung kwento?

Eto pa... nakasakay ako ng bus, pag akyat ko hanap ako kaagad ng may makakatabing chicks.. Ayun meron nga! tinabihan ko agad sa upuan. May isang anak na isang taon yung chicks na natabihan ko wow! ang swerte ko naman.. naka miniskirt pa, ang puti, pag sinuswerte nga naman noh. Makalipas ang 10 minuto... biglang tumae yung bata na anak nung chicks na nakatabi ko. Sus! jusko! nakakahiya naman na magtakip ako ng ilong, hindi ako nagpahalata don sa chicks.. pero abot abot ang pagkaka ngiwi ko. hayyy ako yata naka ubos lahat ng amoy!

Eto pa... Nasa mall ako pababa na ako ng eskaletor yun bang hagdanan na umaandar pababa, Galing ako ng second floor.. pag sakay ko ng eskaletor pababa habang nagte-tex ako sa kaibigan ko.... Biglang nag brownout! biglang tigil yung hagdanan.. ooppppssss! mabuti na lang magaling akong magbalanse. Hindi ko alam yung lalaki palang nasa likod ko gumugulong na pababa.. hindi nakabalanse.. nadaanan ako! gulong din ako! kumapit pa sa buhok ko..nakatigil na nga kami sa ibaba naka higa pa kami.. hindi pa binibitiwan ang buhok ko. pag tayo ko.. hinanap ko kaagad yung cellphone ko! ikot ako ng ikot.. nasa kamay ko pala.. sus! Hinarap ko yung lalaki... walangya ka.. ginulungan mo na nga ako.. ginawa mo pang kapitan itong buhok ko bwisit ka! hayyy (lol)

Eto pa... first time kung pumasok bilang security guard. Unang araw ng duty.. iyon din ang araw na natangal ako.. Ang lupit naman ng tadhana hayyy! Unang araw ko sa mall roving guard, paikot-ikot lang ako sa loob. Merong ding namamasyal na lalaki galing ng malayong probinsiya, unang salta din ng maynila... paikot-ikot din sa loob may dalang bag... Eh nag kasalubong kami.. nagkatitigan kami.. tumakbo yung lalaki ang bilis.. hinabol ko kaagad dalawa na kami ikot ng ikot sa loob ng mall.. nagkatumba-tumba narin ang mga stante, ang daming nasira.. sus! ang bilis nung loko.. sa madaling sabi.. nahuli ko din.. Dinala ko ngayon sa headquarters naming mga guwardiya..

Anong kasalanan niyan sarge? (tanong ng kumander namin)

Sir! Tumakbo eh!

Hinabol mo ako eh! (sagot nung lalaking inosente)

Eh.. Tumakbo ka nga... kaya hinabol kita! (sigaw ko sa kanya)

Kung hindi mo ako hinabol.. Hindi ako tatakbo!

Eh.. kung hindi ka tumakbo.. Hindi naman kita hahabulin buwisit ka!

Ikinalulungkot ko pong sabihin.. natangal na po ako doon sa guwardiya.. yung araw ding iyon. Buwisit na inosenteng yon.. Huwag lang mag ku-krus ang landas namin ngayon.. kukutusan ko ng pagkalakas-lakas yung buwisit na yon. siya ang sumira ng buhay ko! ke daming guwardiya.. sa akin pa nagpakita. buwisit! kapapasok ko pa lang! sisante agad (lol)

Sunday, 1 February 2009

REBULTO HINAHALIKAN

Eto nanaman ako sa aking hangout.. para mag bigay muli ng konting paliwanag at maibahagi kong muli sa inyo ang kakarampot kong utak.

Madalas kung nagsisimba tayo.. madalas nating nakikita na may mga taong humahalik sa paniniwala nilang rebolto ng mga santo o rebulto ni kristo. Bakit kaya nila hinahalikan yung bato? At paano kaya nila nasabing iyon nga ang mukha ni kristo or ni mama mary?
Kung tatanungin mo sila... ang isasagot sa iyo.. ganyan talaga ang mukha ni kristo at ni mama mary. Paano kaya nila nasigurado na ganon nga? Nakita na ba nila ng personanl si kristo or ni mama mary? Ikaw... kung tatanungin ka ganyan ba ang mukha ni kristo or ni mama mary? maaring isasagot mo oo. nakita mo na rin ba ng personal at nasabi mong ganon nga? Asan yung pag papatunay? Sa nabubuhay ngayon... wala na ang taong tunay na nakakita sa mukha ni kristo or ni mama mary. Sino pa ang mag papatunay? Ikaw... kung tatanungin ka... basta-basta ka na lang ba maniniwala sa sabi sabi? naniniwala ka ba kaagad kahit hindi mo tuwirang nakita ng dalawa mong mata di bah? Huwag mong sabihin na naniniwala ka kaagad kahit hindi mo pa napatunayan. Kahit hindi mo nakita maniniwala ka ba?

Sino ba gumawa ng mga rebulto? di ba tao din? Bakit natin sinasamba yung gawa ng tao? Madalas ko din nakikita na pinaparada nila sa kalsada ang mga rebulto at nag aagawan silang makahawak man lang sa rebulto. Bakit? Para mabawasan na ba ang kasalanan? Meron ding nagsasabi na yung rebulto ay nagpapahiwatig na meron ngang panginoon. Bakit hangang ngayon ba hindi pa natin alam na meron ngang panginoon?

hayyyyy ang daming katanungan ito. (lol) Alam ko isa sa mga makakabasa nito maaaring mag react. Bakit ka mag re react? Mali ba ang mga katanungan ko? Mali ba ako?

Para sa aking opinion... marami sa atin ang sumusunod sa maling paniniwala.
Marami sa atin ang sumusunod kung ano ang nakagisnan. Tama man o mali... Nakapako na tayo kung ano man ang ating nakagisnan.
Marami sa atin ang naniniwala na.... Iyon ang tama at hindi na maaring maiba dahil iyon ang nakagisnan. Iyon ang iminulat sa atin ng ating mga ninuno.

Wala kaya tayong kakayahang baguhin ang alam nating mali?

Tulad ng sinasabi ko... Ikaw parin ang tama sa sarili mong paniniwala
At ikaw din ang hari ng sarili mong desisyon.

IBA-IBANG RELIHIYON

Eto nanaman ako upang magbigay nanaman ng konting paliwanag tungkol sa usaping.. IBAT-IBANG RELIHIYON. Tulad ng madalas kong sinasabi opinion lang po ito. Hindi ko masasabing tama ako at hindi ko din masasabing mali ako. Basta ang alam ko ibinabahagi ko lang ang kakarampot kong utak sa inyo. (lol)

Hindi kaila sa ating lahat na ang pilipinas ang isa sa pinakamaraming relihiyon. Bakit nga ba tayo may kanya-kanyang relihiyon? Ano ba ang pagkakaiba ng bawat relihiyon? Kung magsimba ka ba sa isang grupo ng relihiyon hindi ka ba nila tatangapin? Bakit ka kaya hindi nila tatangapin? Bakit kaya hindi ka pwedeng magsimba sa kanila? Dahil iba ba ang kanilang diyos? Ang diyos ba kaya ay namimili kung anong relihiyon ka kasanib? Di ba ang dahilan naman talaga nating lahat ay ang magsimba at magsisi at humingi ng kapatawaran kung nakagawa ka man ng kasalanan at magbalik loob sa ating panginoon.

Bakit ang bawat relihiyon ay nag sasabing mali ang turo ng ibang relihiyon? Kailangan ba ng relihiyon upang maging mabait ka? Kung hindi na kailangan.. bakit pa natin mamili ng relihiyon? Dahil iyan ba ang nakamulatan natin? Madalas ko nakikita sa isang istasyon ng tv ang walang humpay na siraan ng bawat isang relihiyon. Bakit kailangan pa nilang magsiraan? ano... agawan ba ng kostomer? Para mas marami ang pumunta sa kanila? Para mas marami ang kikitain dahil sa kontribusyon? Ikaw... kung nakapagsimba ka ba sa kanilang relihiyon.. luluwag na ba ang pakiramdam mo? bakit? Ano ba ang sinabi mo doon? Nagdasal ka ba? humingi ka ba ng tawad? Naglakad ka ba ng paluhod? Umiyak ka ba habang humihingi ng tawad? Di ba ang alam nating lahat na... kahit saan ka mang lugar na naroroon pwede kang manalangin, pwede kang humingi ng tawad, dahil ang panginoon ay nandiyan lang sa ating tabi. Tama po ba?

Hindi po ba natin napapansin ang sinasabi ng mga pastor o pari ay.. magsimba po kayo sa ating simbahan. Bakit? Bakit kailangang pumunta pa tayo doon sa simbahan? diyan lang ba pwedeng manalangin? Bakit diyan tayo laging pinapupunta? dahil.. andiyan po yung tinatawag na ''SALOK'' ng mga barya.

Hindi po kaya natin naiisip na tayo ay ginagawang kasangkapan lamang ng mga grupo ng relihiyon? Dahil kumikita sila sa atin? at ang instrumento o ang paraan nila para kumita ay ang gamitin nila ang panginoon. Sino at anong grupo ba ang sikat? Anong relihiyon ba ang maraming sinasabi nilang kapanalig? yan yung relihiyon na naglalakihang mga tahanan at naglalakihang mga paaralan. Meron na ba kayong nabalitaan na... simbahan nag donate ng pera sa mga mahihirap? Para kasi sa akin wala pa akong nabalitaan na simbahan nagdonate ng pera sa mga nasalanta ng kalamidad.

Kung tama ako o mali... Binahagi ko lang kung ano ang nalalaman ko.

Opinion lang po ito.. kayo parin ang masusunod saan man ninyo naisin. Kayo ang hari ng sarili ninyong desisyon.

Salamat sa pagbabasa.

Saturday, 31 January 2009

USAPANG RELIHIYON

Kadalasan tayong mga pilipino ang hilig nating makipag argumento o kaya maki pagdebate.. Human nature narin kc ng tao ang magpagalingan. Ano man ang maging topic palaging andiyan ang pagtatalo-talo. Lalo na sa inuman.. pangit naman yung nag iinuman kayo ng walang napag uusapan. ha ha ha
Kapag inopen mo sa isang umpukan ang salitang '' religion '' yan.. dito natin masasabi na magagaling tayong mga pinoy. Sabagay ano nga naman ang masama sa opinion di bah! Meron tayong kanya kanyang pananaw o paniniwala tungkol sa usaping relihiyon o biblia. Minsan.. nag iisip din ako, Sino ba ang magsasabi o masasabi nating tama ka o tama siya kapag biblia na ang pag uusapan? Lahat tayo maari nating sabihin na tama ka sa sarili mong paniniwala dahil iyan ang paniniwala mo. Masasabi ko din na tama ako sa aking opinion dahil iyan din ang aking paniniwala. Kahit magkaiba tayo ng paliwanag sa usapin. Sino naman kaya ang mali?
Sabagay pagdating sa relihiyong usapin hindi talaga ako nakikipagtalo dahil ako mismo sa sarili ko paano ko nga naman masasabing tama ako kung ang pagbabasihan ko lang ay yung mga nakasulat sa biblia. Tinatanong ko rin ang sarili ko kung... Meron nga bang katotohanan ang mga nakasulat sa bibliya. Lalo na kung naririnig ko sa isang pastor o pari na '' totoo '' ang mga nakasulat sa bibliya.Tinatanong ko sila kung bakit at paano nila nasabing totoo nga ang mga nakasulat sa bibliya na iyon daw ang mga salita ng diyos. Ano ang batayan nila na iyon nga ang mga salita ng diyos? Derekta ba nilang nakita ''mismo'' ng kanilang mga mata habang sinusulat ni kristo sa bibliya? Kung talagang nakita ng kanilang dalawang mata na sinusulat mismo ni kristo o nag susulat si kristo sa bibliya... Diyan ako maniniwala sa sinasabi ninyong totoo nga ang mga nakasulat sa bibliya na ang mga nakasulat ay ang mga salita ng diyos. Sabi nga sa ating kasabihan..TO SEE IS TO BELIEVE di bah! Kailangan yung pagpapatunay na totoo nga.
Sa usapin tungkol sa relihiyon o bibliya marami ang nag aaway o nagkakagalit dahil hindi magkasundo, dahil parehas na ayaw magpatalo sa isat-isa, dahil mag kaiba ng paniniwala. Sa dami na ng henerasyong dumaan.. pang ilang henerasyon na ba tayo mula ng meron si kristo?Ang dami ng pagbabago di bah?

Iisa lang ang sinisigurado kong totoo.. MERONG DIYOS!

Hindi ko man tuwirang nakikita.. Pero nararamdaman ko na narito lang siya sa ating paligid.

MASARAP ANG BUHAY

Lingo nanaman.. dumating nanaman ang oras ng aking pag iisa,ang oras ng aking pag iisip. Para akong dagang hilong talilong dito sa munti kong silid. Masasabi kong maganda narin itong aking silid ngayon, kompleto sa gamit.. merong cable tv, meron akong ref, meron ding aircon , meron ding electric fan, at meron din akong computer na malaking naiitulong sa tulad kong nangungulila dito sa malayong lugar. Kung ating titingnan o iisipin wala narin akong hahanapin pa sa buhay dahil kompleto eka nga.
Pero.. bakit ako nakakaramdam parin ng kalungkutan?

Ahhhhh! ang hirap din mag isip, isip ng isip.. wala naman akong tiyak na iniisip. Gustuhin ko mang lumabas ngunit.. nagtatalo ang isipan ko.. dahil kung lalabas ako.. tiyak, gagastos nanaman ako,andiyan kung makikita ko mga kaibigan ko. Kaya minamabuti ko nalang ubusin ang mga oras ko dito sa aking silid. Ang hirap din ng buhay natin dito sa malayo noh? Dito sa malayo makakain mong lahat ng gusto mo, magagawa mong lahat ng nais mong gawin, pero.. parang may kulang parin. Para bang hindi mo maabot ang kasiyahang hinahanap ng isipan mo.

Ano nga ba ang kulang?
Minsan nakakasama ko ang isa sa matalik kong kaibigan dito.. Hindi sa pinipintasan ang aking kaibigan.. nais ko lang bigyan ng halimbawa ang pinupunto ko dito sa sinusulat ko. Isang halimbawa na namumuhay na masaya dito sa malayong lugar. Isang tao na masasabi mong hindi iniisip kung ano ang bukas. Ang mahalaga sa kanya.. masaya siya, araw araw na nakakainom,nakakapasyal. Ang mahalaga sa kanya.. kahit konti makapagpadala siya ng konti sa kanyang pamilya. Nakikita ko sa kanya na wala
siyang nabubuong plano sa kanyang buhay at sa buhay ng kanyang pamilya.Parang siya ang masasabi kong isang halimbawa upang maikumpara ko ang aking sarili.

Sa tuwing kami ay nag uusap... Madalas kong naririnig sa kanya '' Pre.. apat na taon at kalahati na tayo dito sa korea, hangang ngayon.. wala pa akong naiipon ''. Hindi man ako umimik.. pero don ako nakakaramdam ng konting kasiyahan. Kasiyahang wala akong napagsisihan.. Kasiyahang wala akong nasayang na panahon, at kasiyahang wala akong nasayang na pagkakataon. Ayaw kong sirain ang araw ng aking kaibigan..
Naglalaro sa aking isip... kaylan pa nga naman siya mag uumpisang mag ipon. Makaisip man siyang mag ipon.. Huli na!Ilang panahon na lang at sabay din kaming uuwi ng pilipinas. Ang daming panahong nasayang, ang daming pagkakataong nawala. Kung ikaw.. Ano kaya ang maipagmamalaki mo sa iyong pamilya?
Ano kaya ang sasabihin mo sa iyong maybahay?
Sapat na ba iyong sabihin mo sa kanila na... Nagpapadala naman ako sa inyo.
Sapat na ba yung sabihin natin.. ang baba kasi ng palitan ng dollar.
Sapat na ba ang sabihin nating.. Ang liit kasi ng sahod namin.
Kung nakahiga ka na sa inyong tahanan... Hindi mo ba naiisip yung mga pinag gagawa mo nuong nasa ibang bansa ka pa?
Kung nakahiga ka na sa inyong tahanan... Hindi mo na ba susulyapan ang iyong asawa at ang iyong mga anak.
Kung nakahiga ka na sa inyong tahanan... Hindi mo ba maiisip na sana.. ibalik na muli ang nakaraan.
Kung nakahiga ka na sa inyong tahanan... Ano kaya ang naiisip mo?
Makatulog ka kaya ng mahimbing?Pag gising mo kinabukasan..
May ngiti ka kaya sa iyong mga labi?

Sa mga nakakabasa nito..
Ayaw ko sanang pag isipan ninyo ako ng galit. Hindi ito para sa mga taong walang pinagsisihan. Para ito sa mga taong katulad ng ginawa kong halimbawa sa itaas.
Alam ko papalakpak na may ngiti ang bawat taong makaka unawa dito sa aking sinulat. At alam ko din na.. makakasagasa ako ng damdamin ng mga taong ayaw tumangap ng pagkakamali.

Bahagi lang din po ito ng buhay nating mga pilipino na nandito sa malayong lugar. Sana lagi nating iisipin.. masarap ang mamuhay sa sarili nating bayan.

Pero mas masarap ang mamuhay kung ikaw ay may makakain.

Salamat sa inyong pagbabasa.

Friday, 30 January 2009

SUKATAN NG PAGKATAO AT SALAMIN NG PAGKATAO

Kanginang naglalakad ako napadaan ako sa isang grupo ng mga pinoy na nagiinuman. Dalawa sa kanila ang nakakilala sa akin, kinawayan nila ako at niyaya akong mag join sa kanilang session. Hindi nagtagal nagkaroon ng konting pagtatalo kung ano nga ba
ang kaibahan ng... '' SUKATAN NG PAGKATAO AT SALAMIN NG PAGKATAO ''?

Ummmm.. Medyo interesado ako sa topic nila.. pero nag pasya na lang akong makinig dahil alam ko kung ano at saan patutungo ang pagtatalo nilang iyon. Hindi narin ako nagtagal sa salo-salong iyon minabuti ko na lang na umuwi. Paano mo nga ba nasusukat ang pagkatao ng isang tao at paano mo ba masasalamin ang pagkatao ng isang tao?

Para sa aking opinion.. merong pagkakaiba ang salamin
at sukatan ng pagkatao. Kung minsan hindi pa natin napapatunayan.. hinuhusgahan na kaagad. Narinig lang natin sa tabi-tabi iyon na kaagad ang paniniwala ng iba sa isang tao.

PAANO MO NASUSUKAT ANG PAGKATAO?

Ang SUKATAN NG PAGKATAO.. Kung hangang saan ang ibibigay mong paggalang sa kanya at kung hangang saan ang ibibigay mong paghanga sa kanya. Hindi natin basta basta masusukat ang pagkatao ng isangtao.. Hangat hindi natin nakikilala ng lubusan. Hindi natin masusukat kung ano ang klase ng pagkatao niya hangat hindi natin nakikita kung anong ugali meron ang isang tao.Dahil andon yung ibibigay mong paggalang sa kanya.

Kung para sa akin... mataas ang pagkatao niya kung mabuti siyang tao. Ito yung mga taong hindi sinungaling, hindi nang uuri ng kapwa, hindi namimintas ng kapwa, hindi nanghuhusga at hindi nagsasalita ng masama sa kapwa. Sa madaling sabi.. wala kang maipipintas sa kanyang pagkatao. Hindi ko masasabing perpekto akong tao.. minsan hindi natin maiaalis sabi nga.. human nature na iyan. pero nasa isip ko lang..hindi ko pina process sa iba. Ang mali ay yung nanghusga ka na,ipinaalam mo pa sa iba ang panghuhusga natin, tama na sana na sayo na lamang titigil yung kapintasang nakita mo sa iba.

PAANO MO NASASALAMIN ANG PAGKATAO NG ISANG TAO?

Kung paano mo MASASALAMIN ANG PAGKATAO... Ito yung kung paano natin aalamin ang pagkatao niya, Kung anong ugali meron siya. Kung paano natin kikilalanin ang ugali ng isang tao.Para sa akin masasalamin mo ang pagkatao sa pamamagitan ng kanyang mga binibitiwang salita, kilala mo man siya o hindi. Sa pagsasalita palang malalaman mo na kung anong pagkatao meron ang isang tao. May ilan din tumitingin kung ano ang
nakikitang panlabas na kaanyuan. Halimbawa kung ano ang nakikitang kasuotan.

'' Ahhhhh ganon cguro ang trabaho niya'', '' ummmm ganyan yan ''.Naalala ko.. isang babae ang dumaan sa isang grupo.. sexy ang kasuotan, labas ang pusod, lahat ng madaanan.. matalim ang tingin,mga tinging mapanuri. Napapailing na lang yung babae. Hangang pumasok siya sa isang bulwagan na meron palang padasal.
Akalain mong relihosa pala yung dalaga.

Ang sukatan.. kung hangang saan ang iyong paggalang o paghanga.
Ang salamin.. kung paano mo kikilalanin o kung paano mo aalamin.

Ano man ang pagkakaiba o pagkakahalintulad, Ang mahalaga.. lagi nating tatandaan, huwag tayong maging mapanghusga ng ating kapwa. Kaibigan man siya o hindi, tao din siya na tulad mo na marunong dinmakaramdam at masaktan.
Tulad mo, tulad ko... Huwag nating gawin sa kanya, ang ayaw nating
gawin sa ating sarili.

Salamat sa pagbabasa!

Thursday, 29 January 2009

TANUNGAN PORSYON

Isang tanungan porsyon ang naisip kong ilagay dito.. matagal ko na din pangarap ang may mag interview sa akin.. Hangang ngayon walang magkaroon ng interesado sa buhay ko. Kaya ako na lang ang magtatanong sa sarili ko. Nabasa ko lang ito sa isang blogger.. kaya ginaya ko lang. Kung mababasa niya ito.. Huwag sana siya magagalit.. humihiram lang po ako ng konting utak sa inyo. At kung may makakabasa nitong porsyon na ito huwag na po kayong gumaya umisip naman kayo ng sa inyoooooooo! (lol)

Q : Ano ang tunay mong pangalan?
A : Nais ko sanang sabihin ang tunay kong pangalan dito.. kaya
lang ang daming death threats ang natatangap ko (lol) Pero
andon yata sa profile ko.

Q : Ano ang tawag sa iyo ng mga kaibigan mo?
A : Sa mga site na napupuntahan lahat ng username na ginagamit ko JETTRO ang tawag sa akin
pero sa mga malalapit kong kaibigan RON ang tawag nila sa akin.

Q : Saan ka naninirahan ngayon?
A : Ayaw kong sabihin baka matuntun ako ng mga pinagkakautangan
ko. pero.. tubong urdaneta ako.

Q : Bakit mo naisipan na gumawa ng blog?
A : Matagal ko ng gustong gumawa ng blog.. hindi ko lang alam kung
papaano. Pero mula ng makilala ko ang babaing nagpatibok ng puso ko
nagkaroon na ako ng interesadong gumawa ng blog. Siya ang nag turo
sa akin. Ang galing-galing niya, ang dami niyang alam. Pati letter L
alam niya ang ibig sabihin ng letter L.

Q : Ano naman yung letter L?
A : Ha ha ha ayaw ko ngang sabihin? Nababasa niya ito! (lol)

Q : Mahilig ka ba makinig ng music?
A : Oo, adik din ako sa music..Pero mahilig ako sa mga lovesongs, lahat ng mellow music mahilig ako kahit mga old songs pinapakingan ko tagalog or english mas gusto ko kasi yung mga tahimik lang pakingan ayaw ko ng mga maingay na music.

Q : Ano ba trabaho mo ngayon?
A : Dati akong nasa jeddah saudi arabia 10 yrs ako doon bilang GMAW/SMAW & PIPE WELDER pero ngayon andito ako sa south korea. Machine shop

Q : Madalas ka ba dito sa hangout mo?
A : Oo, Adik ako dito eh! Adik ako sa pag gawa ng mga blog.
Dito ko ibinubuhos ang oras ko. Nakakawala ng pagod.

Q : Sa palagay mo ba.. maraming nagbabasa ng blog mo?
A : Palagay ko dalawa lang kami? Ako at yung babaing hinahangaan ko,
sapilitan pa, ako pa nagmamakaawa na basahin itong blog ko.
May kondisyon pa! Hindi na daw siya mag co comment! hayyyyy

Q : Ano ang paraan mo sa pag gawa ng isang blog?
A : Kailangan unang una yung makatotohan, ilagay mo ang
sarili mo sa ginagawa mo.. yun bang.. kailangan may damdamin
para makuha mo yung damdamin ng nagbabasa.

Q : Bukod dito sa hangout mo.. Meron ka pa bang ibang pinaglilibangan?
A : Oo, meron pa akong isang blogsite multiply.com pero hindi ko masyado naa-update yon pakiramdam ko kc pang babae yung site na yon. May mga telesite din akong pinupuntahan
yung TELEMIRROR.

Q : Ano ang nais mong iparating sa mga nagbabasa?
A : Nais ko silang imbitahan na kung nais nilang mag share ng
mga kwento nila sa buhay.. pwede nilang i share dito, welcome
silang lahat na mag share dito sa blog site ko. Kung nais nilang
ilagay yung name nila at name nung blogsite nila para mapasyalan
din sila ng mga kaibigan ko.

Q : Paano ka nila mako contact?
A : Sa profile ko meron akong ID doon.

Q : Meron ka bang mensahe sa mga nagbabasa?
A : Meron po... Salamat sa pag babasa.

LUMUHA KA NA BA?

Mahirap din pala ang palagi ka nalang wala dito sa sarili mong silid..
Pati itong hangout ko nakakalimutan ko na. Minsan nakaka miss
din itong pagsusulat.. nakakawala ng pagod, lungkot at kung ano
anong nararamdaman mo sa katawan. Hindi ko na pahahabain
itong introduction ko.

LUMUHA KA NA BA?

Nais ko lang ibahagi sa inyo ang mga bagay na nangyayari sa atin.
Hindi man ninyo aminin.. maaring ito ay nangyayari na rin sa inyo.

Naalala ko noong nasa pilipinas pa ako.. nung panahong
kasalukuyan akong lumalaban sa hamon ng buhay. Napakaraming
pagsubok ang aking naranasan, andiyan yung time na hindi mo
man gustong umiyak ngunit.. hindi mo makuhang pigilan ang mga
luhang magpapagaan ng iyong kalooban. Ang pagluha ay walang
pinipiling lugar o kasarian, lalaki ka man o babae. Sabi nga ng iba..
sa pag iyak gumagaan ang ating kalooban.

Kasalukuyan akong nakikitira sa tahanan ng aking nakatatandang
kapatid na lalaki. Masasabi man nating kapatid.. ngunit andon pa
rin yung makaramdam ka ng kahihiyan dahil iniisip ko na habang
buhay na lang ba akong makikikain sa aking kapatid?

Ulila na kaming lubos.. Iniwan kami ng aming mga magulang na
walang naipamana sa amin kundi ang naiwan nilang mga
magaganda nilang pangaral sa amin ng aking kapatid.
Walang araw na hindi ako tumitigil sa paghahanap ng
mapapasukan. Buong araw akong naglalakad walang dalang
pagkain, tanging limang piso lang ang laman ng aking bulsa
pambili ng malamig.

Isang araw.. habang nag ku kwentuhan kami ng aking kaibigan
sa harap ng isang tindahan. Isang kapitbahay namin ang lumapit,
Si mang oscar ang kanyang pangalan, may kaya sa buhay ang
kanyang pamilya. Paglapit niya sa amin ng aking kaibigan..
sinalubong din namin siya ng ngiti bilang pag bati sa bagong
dating.

Kinausap niya ang katabi kong kaibigan..

Rene, sumama ka sa akin bukas irerekomenda kita sa kakilala ko
ng trabaho.. akong bahala sa pamasahe natin bukas. Ani ni mang
oscar. Sige po sasama ako. Sagot ni rene.
Sige hihintayin kita bukas ha.. Tugon ni mang oscar.

Sa narinig kong iyon.. hindi na ako umimik.. naiyuko ko na lang ang
aking ulo. Nakaramdam din ako ng konting pagkahiya sa kaibigan ko.
nakaramdam ako ng awa sa aking sarili. Ni.. hindi man lang ako
kinausap. Pagkaalis ni mang oscar.. sinabihan ako ng aking kaibigan.

Pre.. sama ka sa amin bukas?

Huwag na... kayo na lang.. sige uuwi na muna ako. Nagpaalam na
lang akong umuwi sa aking kaibigan.

Habang akoy papauwi.. hindi ko na napigilan ang aking mga luha
na tumulo. Nasaktan ako.. hindi komo ayaw niya akong isama.

Napaluha ako.. dahil sa ganito lang ang buhay namin,
kung hirap ba ang pamumuhay mo..
wala ka na bang puwang sa kanila?
Kung hirap ba ang buhay mo...
wala silang pakialam kahit masaktan ang damdamin mo?

Dumiretso ako sa likod ng aming tahanan.. doon ko naalala ang aking inay.
Doon ko sila kailangan.. para bang gusto kong magsumbong sa kanila.
Para bang gusto kong humingi ng tulong sa nanay ko.
Para bang gusto kong humingi ng pera.. pamasahe, at ako nalang ang
hahanap mag isa ng trabaho.

Minsan mahirap din ang maging ulila..
IIYAK KA NG NAG IISA.

Salamat po sa inyong pagbabasa!
Photobucket