Sunday, 4 November 2012

UNDAS

    Laganap na sa ating mga pilipino ang paniniwala na may pyesta ng patay o tinatawag nating undas, hindi lang siguro dito sa ating bansa pati narin sa mga bansang naniniwala sa paniwala ng mga katoliko. Napanood ko sa balita na marami ang nasaktan dahil sa pagsisiksikan, marami ang hinimatay ng dahil sa init, nag-collapse, inatake sa puso, tumaas ang presyon ng dugo at marami pang iba. Kung ating iisiping mabuti.. ano nga ba ang maidudulot sa buhay natin ang pagpunta ng sementeryo? Anong dahilan ng ating pagpunta ng sementeryo? Ang pagsunod ba sa matagal ng paniniwala? Ang paniniwalang "kailangan ba bisitahin mo rin ang puntod ng mga nawalang mahal sa buhay?" Bakit? "Para sabihin na inaalala mo rin ang mga namayapa mong mga mahal sa buhay?" Iyan lang ba ang paraan ng pagpapakita na inaalala mo sila? Ang larawan ba ng mga mahal mo sa buhay ay nawawala na sa iyong isipan? Hindi mo ba sila maalala kahit nasa bahay ka lang imposible di ba? Bakit kailangan pa nating pumunta sa sementeryo? Ang totoo kahit kaylan man ay hinding-hindi na mawawala ang larawan ng iyong mga mahal sa buhay sa iyong isipan dahil sila ay naging bahagi ng iyong buhay at nakaraan.

Noong kabataan ko isa rin akong naniniwala at sumusunod sa paniniwala na may pyesta ang mga patay, tuwing undas isa rin akong pumupunta noong araw, pero ngayong nasa wastong pag iisip na ako at dahil narin likas sa akin ang magmatyag, magsaliksik at maghanap ng mga katotohanan sa buhay ko napag isip-isip ko na bakit ako naniniwala sa pyesta ng mga patay? Ano ba ang mapapala ko sa pagpunta ko ng sementeryo? Anong katotohanan ang talagang bumabalot dito at bakit hindi mawala sa isip natin at baliin ang paniniwalang walang patutunguhan ang pagpunta-punta ng sementeryo kungdi ang magsayang lang ng napakaraming oras at pagod, magtiis sa init ng araw, maglinis, magtabas ng damo, maglinis ng nitso at magpintura, gastusan ng bulaklak at kandila pero sa likod naman ng katotohanan hindi na alam at hindi na makakarating sa kaalaman ng namayapa ang lahat ng nangyayari dito sa mundo. Isa rin akong katoliko at isa rin akong nawalan ng mga taong mahal ko sa buhay, ulila na akong lubos at isa ang aking ama at ina na nilamon na ng lupa ang kani-kanilang katawan, pangatlong taon na akong hindi pumupunta ng sementeryo at tatlong undas ko ng hindi pinapasyalan ang nitso ng aking ama at ina dahil para sa akin sapat na ang mamalagi sila at ang kanilang larawan sa aking isipan, sapat na ang mga larawan nilang naiwan sa aking tahanan upang hindi ko sila makalimutan, hanggat akoy nabubuhay kaylan man hindi na sila mawawala sa aking isipan dahil sila ay isa sa napakalaking halaga na naging bahagi ng aking buhay at nakaraan, ang mamalagi sila sa aking isipan ay sapat ng pag gunita ko sa kanila habang buhay hindi ko na kailangan pumunta ng sementeryo para magpagod, magbilad sa gitna ng araw at para ipakita sa tao na nandoon ka ring nakikisimpatya sa paniniwala nila. Sa tatlong taon kong hindi pagbisita sa sementeryo wala akong narinig na panunumbat mula sa mga namayapa, walang sermon na natangap ko mula sa mga mahal ko sa buhay na namayapa isang pagpapatunay na tama lang ako sa aking paniniwala na walang masama at walang mawawala kahit hindi ka pumunta sa puntod ng mga namayapa.

May nagsabi na.. "wala kang magagawa paniniwala ko ito", isang katwirang sarado ang utak sa maling paniniwala. Isang utak na hindi gumagana at isang katwirang takot tumangap ng katotohanan. Ano ang katotohanan sa undas? Ano ang katotohanan sa pagpunta ng sementeryo? Kung sa paniniwala natin na merong nakatagong katotohanan sa mga puntod na naagnas na at nilamon na ng lupa at panahon paano mo ipapaliwanag ang katotohanan sa iyong paniniwala? Paano mo patutunayan ang katotohanang alam mo tungkol sa undas? Kung ang mga maling paniniwala ay hindi kayang baguhin paano pa kaya ang baluktot na pagkatao. Kung ang mga maling paniniwala ay hindi nakikita.. paano pa kaya ang mga maling ginagawa.

Para sa akin isa nanaman itong paniniwala ng tao na walang katuturan at isa nanaman itong pagsunod sa paniniwala ng mga relihiyon at pagkabilango at pagsunod sa paniniwala ng ibang tao. Hindi ko hinahadlangan ang ano mang paniniwala ng bawat indibidual. Sana mamulat tayo sa katotohanan at magkaroon sana tayo ng kakayahang pag isipan kung ano ang mga tunay na katotohanan bago tayo maniwala sa isang bagay dahil kadalasan tayo ang nabibiktima sa mga maling paniniwala at pagsunod sa paniniwala ng ibang tao.

Ano man ang mga ibinahagi ko dito kayo parin ang masusunod anoman ang inyong maging desisyon sa buhay kayo ang makakatangap ng resulta, pero.. lagi sana nating tandaan na malaya nating nagagamit ang ating isipan upang hindi tayo malayo sa tunay na katotohanan at may laya tayong mag isip upang malaman ang mga tunay na katotohanan. Bilang tao at may kanya-kanyang pag-iisip at may kanya-kanyang laya at kakayahang gamitin ang isip para alamin ang mga katotohanan upang hindi maging biktima ng mga maling paniniwala dahil minsan ikaw din ang kadalasang tumatangap ng resulta dulot ng mga maling paniniwala.

Sana mamulat ang tao na kung wala karin lang mahanapan ng paliwanag sa mga katotohanan at wala kang maipaliwanag na katunayang totoo sa inaakala mong totoo bakit patuloy at patuloy kang nagpapakabilango sa mga paniniwalang hindi mo mahanapan ng paliwanag at katunayan. Bakit hindi mo makuhang talikuran at kalimutan ang mga paniniwala mo na ikaw mismo hindi mo mahanapan ng katunayan para mapatunayan mo rin mismo sa sarili mo na mali ang iyong mga paniniwala.

Hindi lahat ng sinasabi ng relihiyon ay katotohanan, ang tunay na katotohanan ay bulag ka at sarado ang isipan mo sa katotohanang sinasabi ng iba, katotohanang ayaw mo lang tumangap ng katotohanan buhat sa paliwanag ng ibang tao. Iyan ang tunay na katotohanan.

No comments:

Post a Comment