Monday, 14 December 2015

NOVEMBER ONE "UNDAS"



UNDAS  O  PIYESTA  NG  MGA  PATAY

Kapag dumarating ang araw na ito, alam na nating lahat na nakakaramdam tayo ng kasiyahan. Unang - una  kasiyahan sa mga taong mahilig sa happenings, kasiyahan dahil nakakapasyal lalo na't magkakasama kayong magkakaibigan at syempre nagkakaroon ng pagtitipon at nagkakaroon ng bonding sa isa't - isa.  Kadalasan sa sementeryo nagkikita-kita ang mga magkakakilala at marami pang iba na idinudulot sa ating buhay. Hindi ko na iisa-isahin pa kung ano ang mga nagaganap sa loob at labas ng sementeryo dahil alam ko pare-parehas lang tayo ng mga nararamdam at nakikita kapag sumasapit ang piyesta ng mga patay.. Sa bagay na yan wala akong masasabing mali.

Ang punto ng isusulat ko ngayon ay ang tungkol sa ating paniniwala at alam ko lahat tayo ay may kanya-kanyang paniniwala at wala ako sa lugar para sabihin ko na mali ang inyong paniniwala. Bilang author ng blog na ito nasa akin ang lahat ng kalayaan upang ipahayag ko o isulat ko dito ano man ang naisin kong isulat. 

Bilang isang katoliko at hanggang ngayon naman ay isa parin akong katoliko. Noon, isa din ako sa naniniwala na kapag piyesta ng mga patay kailangan na bumisita sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay, kailangan linisan ko din ang paligid ng puntod ng mga namayapa, magpintura ng puntod, mag alay ng bulaklak at kandila upang maipaalala sa kanila na kahit wala na sila ay maipadama parin sa kanila na naalala ko parin sila. Sa madaling salita kung ano paniniwala ninyo ganon din ako na kapag hindi mo pinapasyalan ang puntod nila ay parang nangangahulugan na kinakalimutan na natin sila at kaya tayo bumibisita sa kanilang mga puntod ay para ipakita o ipadama sa kanila na inaalala parin natin sila ganyan din ako, pero.. noon yon. 

Tulad ng namayapa kong ama at ina, mahal ko silang dalawa at alam nila iyan noong sila ay nabubuhay pa lalo na ang aking ama siya ang kaututan ko ng dila noong nabubuhay pa. Alam ko at taas noo akong maipagmamalaki sa lahat at sa aking mga kapatid na ni minsan hindi ko pinasakit ang kanilang kalooban noong silay nabubuhay pa. Para sa akin sapat na iyan at naipadama ko na sa kanila na mahal ko sila.

Tulad ng mga naunang sinusulat ko dito, hindi masama para sa akin ang magbago ng paniniwala dahil likas sa akin ang maghanap ng katotohanan at likas sa akin ang mag analisa ng mga bagay - bagay dito sa mundo. Ang katwiran ko may sarili akong pag iisip at kalayaang mag isip para alamin ang katotohanan dahil naniniwala ako na walang masama kung hindi ako sumunod sa paniniwala ng iba.

Halimbawa... Kung hindi ko ba napasyalan ang puntod ng mga mahal ko sa buhay kapag piyesta ng mga patay nangangahulugan ba na kinakalimutan ko na sila? 

Ikaw, subukan mo kaya sa sarili mo.. kapag hindi mo ba napasyalan ang puntod ng mga mahal mo sa buhay kapag piyesta ng mga patay aminado ka ba na kinalimutan mo na sila? Di ba hindi? Kung ganon, ano ang dahilan kung bakit kailangan mo pang pumunta ng sementeryo? Ano ang dahilan kung bakit kailangan mo pang linisin ang paligid ng puntod at pagkatapos ay pinturahan at alayan mo ng bulaklak?

Minsan sinabihan ako ng isang tao "Dalawin mo naman ang mga puntod nila sa sementeryo, kinakalimutan mo na yata sila". Napapa-iling ako, bakit niya ako hinuhusgahan ng ganong salita? Hindi lang ako dumalaw nangangahulugang nakakalimot na. Parang gusto kong sabihin sa kanya na baka siya ang nakakalimot, nakakalimutan niya na meron siyang utak at nakakalimutan niyang gamitin ang kalayaang niyang mag - isip kung tama o mali ang kanyang paniniwala.

Parang ibig niya palabasin na sumunod ako sa kanyang paniniwala.

Kapag dumalaw ba tapos naglinis ng paligid ng puntod at nagpintura at nag alay ng bulaklak at pagkatapos ay bumulong - bulong sa harap ng puntod sigurado kaya tayo na malalaman pa nila ang mga ginawa mo? Kung sigurado ka na nalalaman at nakikita ka nila sa ginawa mo sa kanilang puntod.. sa paanong paraan mo kaya patutunayan? Masakit man sabihin karamihan sa tao kahit hindi napapatunayan naniniwala ng totoo.. Sabagay hindi ko rin masisi ang iba dahil kahit nga ang mga naging presidente na naturingang matatalino at nakapag aral pa sa amerika patuloy na naniniwalang totoo kahit hindi napapatunayan.

Paano ba malalaman o sa paanong paraan ba mararamdaman ng isang matagal ng patay ang nangyayari dito sa mundo? 
Malalaman pa ba ng isang matagal ng patay ang mga nangyayari dito sa mundo? Kung ang sagot mo ay "OO" sige ipaliwanag mo at patunayan mo.

May maisasagot ka ba? Palagay ko wala, kung meron man tayong maisasagot palagay ko alam ko ang isasagot ninyo.. "kahit patay na sila nakamatyag pa sila sa atin"  yan kasi ang pinanghahawakan lang naman natin ay ang "paniniwala" na kahit wala tayong pinanghahawakang sapat na katibayan pero patuloy parin tayong naniniwala at nakasunod sa paniniwala ng iba. 

Bakit kaya hindi nating subukang buksan at tingnan ang loob ng puntod o loob ng nitso para malaman natin kung sino at ano pa ang laman ng nitso, andon pa nga ba sila sa loob? Alam ko nanaman ang isasagot natin.. nasa paligid lamang sila hehehe ganon uli kahit hindi napapatunayan.

Kadalasan ang dahilan ng karamihan.. "wala namang mawawala kung maniwala sa paniniwala ng undas". Wala nga ba? Pera (bulaklak, kandila, pintura, pagkain), pagod, oras ang dami kaya. Kapag minalas - malas pa dahil nasa sementeryo kayong lahat walang naiwan sa bahay mas marami pang mawawala.

Sabi ko nga sa misis ko noon at sa aking mga anak dahil magkasalungat kami ng paniniwala.. sige subukan nyong mag gapas ng damo, mag linis ng nitso, magsabon at pagkatapos bumili kayo ng kandila at mga bulaklak at magbantay kayo ng maghapon o ng ilang oras sa nitso at pag uwi nyo sabihin nyo sa akin kung ano ang maririnig nyong salita mula sa loob ng nitso o mula sa mga namayapa ninyong mga mahal sa buhay at sabihin nyo sa akin kung sa paanong paraan nyo malalaman na natutuwa ang mga kaluluwa sa mga ginawa nyo sa sementeryo.

Kung ikaw ang nakakabasa nito kaibigan at bago mo ako kutyain at sabihan na mali ako sa aking paniniwala, maari bang subukan mo munang sagutin ang mga katanungan naitanong ko sa aking asawa at anak kung ano ang mga bagay na maaring matangap natin mula sa mga namayapa. Maaring alam ko ang isasagot natin.. "kahit hindi natin sila nakikita, sigurado masaya sila sa ginawa natin. He he he may "sigurado" pa eh noh. Paano naman kaya nasiguro?

Kasalanan ba kung may sarili akong paniniwala? 
May mali ba sa hindi ko pagsunod sa lumang paniniwala? Ako ba ang mali  o  ikaw?
Parang ang nangyayari takot ang tao na baguhin ang mga maling paniniwala  o  kaya takot ang tao na tangapin ang katotohanang mali ang kanilang paniniwala.

Matagal - tagal narin na hindi ako pumupunta ng sementeryo ni minsan kahit sa panaginip wala akong naririnig na sumbat mula sa aking mga magulang at kahit sino walang makakapagsabi at magpapatunay kung nasaan sila ngayon.

Ano man ang naisulat ko dito na maaring salungat sa inyong paniniwala hindi ko na po sinasadya. Tulad ng sabi ko isusulat ko dito ay yung naayon lang sa aking paniniwala at hindi ko hinikayat sino man sa inyo na maniwala o sumunod sa aking paniniwala.

Alam nating lahat na may kakayahan at kalayaan tayong mag - isip ang kailangan lang natin ay gamitin, gamitin ang kalayaang mag isip.

Tuesday, 21 April 2015

ATTITUDE




Alam mo ba ang ibig sabihin ng salitang attitude?
Palagay ko alam na natin ang tunay na kahulugan ng attitude.

Meron tayong tinatawag na klase nang attitude ng tao ang good at bad attitude.

Kadalasan tulad ng madalas na isinusulat ko sa mga naunan kong post dito sa aking blog na maraming mga salita na alam natin ang mga kahulugan, mga salitang alam natin ang ibig sabihin pero kadalasan nagagawa pa natin ang mga hindi tama, kadalasan kung ano pa yung bad ang sya pang madalas nating nagagawa sa ating kapwa.

Hindi ko alam kung naniniwala kayo na minsan lumalabas ang bad attitude ng isang tao dahil dala ng kanilang kayabangan.. Mahilig magpakitang gilas sa iba.. sa konting kibot naka-alsa agad ang boses para lang mapansin ng ibang tao na parang ipinakikita natin sa iba na kaya nating pagtaasan ng boses ang isang tao. Sa aking paniniwala kung talagang likas sa atin ang panatilihin ang magandang attitude kaylan man hindi dapat natin napagtataasan ng boses ang isang tao na para bang handa kang makipag away sa kanila.

Meron akong sinulat na dito sa aking blog na "Ang attitude ko ay nakadepende kung paano mo ako tratuhin".

Ayon sa mga nakikita ko, minsan lumalabas ang bad attitude ng isang tao kadalasan kung may kinaiinisan siyang tao o kaya ay may kinikimkim siyang galit sa isang tao, pilit niyang hahanapan ng mali at doon niya mailalabas ang tinatago niyang bad attitude para saktan niya ang damdamin ng isang tao lalo na karamihan  dito sa internet.. Kadalasan may mga taong nakatago sa ibang larawan o sa ibang pangalan at kadalasan naman nakatago siya sa pangalang anonymous para maisakatuparan niya na magamit ang bad attitude yan siguro ang pagkakaalam nila na walang nakamasid sa lahat ng ginagawa natin. Malaya siyang nakakagawa o nakakapagsalita ng hindi maganda sa tao, lalo na kung hindi sila sang ayon sa sinasabi o sinusulat ng isang tao lumalabas din ang kanilang pangit na attitude ng dahil lang hindi sila sang ayon sa sinasabi ng iba at nakakapagsalita na sila ng hindi maganda sa tao. nagagawa niya ang mga pangit na attitude niya sa iba sa pag aakalang hindi siya nakikita o hindi siya kilala ng tao, wala siyang pakialam kahit masaktan niya ang damdamin ng iba ang mahalaga lang naman ay masiyahan siya sa kanyang ginagawa kahit may nasasaktan siya, kahit pa walang ginagawa sa kanyang masama.

Minsan naman lumalabas din ang bad attitude ng isang tao lalo na kung ayaw niyang tumangap ng pagkatalo sa kausap, yun bang minsan ayaw nating magpatalo o ayaw nating napapahiya tayo dahil sa mga maling pananaw natin natatalo tayo ng katotohanang sinasabi ng ibang tao dahilan para lumabas ang galit natin sa ibang tao at nakakapagsalita na tayo ng hindi maganda sa kanila.

May mga tao din lalo na kung mayaman at may pera ganon nalang niya tratuhin ang taong mas mababa sa kanya dala narin siguro yan ng kayabangan ng tao lalo na kung may pera at kung alam niyang kayang-kaya niya ang isang tao hindi na niya kayang kontrolin ang kanilang emosyon o galit sa tao hanggang makapagsalita na rin sila ng hindi maganda sa iba.

Marami pang ibang mga dahilan, mga bagay na hindi kayang kontrolin ng kanilang isip para hindi mailabas ang kanilang mga pangit na attitude.

Paano nga ba natin maalis ang bad attitude?

Sa aking paraan kung paano ko naalis ang aking bad attitude.. Itinuturing ko muna silang kaibigan, iniisip ko na kaibigan ang lahat ng taong  aking nakaka-usap kahit sino pa siya o kahit ano pa ang kanilang itsura o kahit ano pa ang estado ng kanyang pamumuhay. Kung ituturing mo na kaibigan ang taong nagsasalita hindi mo magagawang saktan ang kanyang damdamin, matututunan mo kung paano mag kontrol ng iyong damdamin o emosyon o galit sa tao at kapag nagawa mo ng kontrolin ang iyong sariling emosyon kasabay na ring matutunan mo kung paano manahimik sa lahat ng bagay, matutunan mong manahimik kahit may mga mali silang sinasabi na hindi angkop sa iyong panlasa o paniniwala, sa pananahimik nagkakaroon ka ng panahon para makapag-isip kung sino sa inyo ang tama at mali o kung ano ang tama at mali sa kanilang ginagawa o sinasabi at sa pananahimik nagkakaroon tayo ng pagkakataong makapag isip muna bago gumawa o magsalita at malaman kung makakasakit tayo ng damdamin ng kapwa mula sa ating mga sinasabi.

Pinagaaralan at pinag iisipan ko muna ang aking mga sinasabi at pagsasalita kung makakasakit ba ang aking mg sinasabi.

Pinag aaralan ko rin kung paano mag salita ng mahinahon.

Pinag aaralan ko din paano tumangap ng pagkakamali dahil sa aking paniniwala kung marunong kang tumangap ng pagkakamali sigurado matutunan mo rin kung paano tumangap ng pagkatalo, kung paano tumangap ng katotohanan o tama mula sa iba.

Ang alam siguro natin walang epekto sa iba ang anumang attitude na pinapakita natin sa iba..

Siguro karamihan sa atin hindi nakakakalam na ang lahat ng ating ginagawa sa iba tayo ang unang-unang tumatangap ng resulta. At.. lagi kong inilalagay sa isipan ko ""ang attitude ko nakadepende kung paano mo ako tratuhin"".

Saturday, 31 January 2015

DAHILAN NG PAG IYAK



Minsan may pagkakataon na nangyayari sa sobrang tawa natin merong lumalabas na luha sa ating mga mata, meron din yung oras na kung inaantok tayo at naghihikab tayo may lumalabas ding luha sa ating mga mata. Hindi po iyan ang point ng aking isusulat.

Bakit nga ba umiiyak ang tao at ano ang nagiging dahilan ng ating pag iyak at pag luha? 

Lahat tayo ay nakaranas na ng pag luha o pag iyak, babae man o lalaki nakakaranas din ng pag iyak. Ang pagpatak ng luha ay nangangahulugan na ng pag iyak, kaya lang ang iba ay nakakaya nilang kontrolin ang bugso ng kanilang damdamin kaya napipigilan nila ang masyadong pag iyak pero ang hindi napipigilan minsan ng tao ay ang pagtulo ng ating mga luha, dahil ang pagtulo ng ating mga luha ay nagbubuhat sa kaibuturan ng ating puso o damdamin.

Marami ang nagsasabi na minsan ang dahilang ng pagtulo ng kanilang mga luha o pag iyak ay dulot ng sobrang kaligayahan o tears of joy.

Nasubukan mo na bang umiyak?
Makakaya mo bang umiyak habang nagsasaya o umiyak habang nakakaramdam ng kaligayahan sa parehas na pagkakataon?

Para sa aking paniniwala ang nararamdaman ng damdamin ng kaligayahan ay iba sa nararamdamang damdamin ng pag iyak,  hindi natin kayang pagsabayin ng sabay ang nararamdaman, hindi po kayang tamaan ang dalawang ibon sa iisang putok lang ng sabay.

Sa maniwala kayo o sa hindi ang dahilan ng pag iyak o pagtulo ng luha ng isang tao ay dahil sa awa niya sa kanyang sarili. Biglang sumasagi sa isipan ang kalagayan ng sarili, merong konting kirot na sumagi sa ating isipan sa hinaharap o sa mga nakalipas kaya nagkakaroon ng pagkakataon na mapaiyak o mapaluha ang isang tao. Ang pagluha ay dulot ng isang emosyon na may kaugnayan sa iyong sarili, dahil sa hirap at pait na naranasan at mararanasan na para bang nabunutan ka ng tinik dahil sa kinakaharap.

Wala ni kahit sino na iiyak dahil sa kaligayahan, bakit iiyak ang isang tao gayong nakakaramdam siya ng kaligayahan?

Nasasabi ko ang mga paniniwalang iyan dahil ako mismo ay nakakaramdam ng kaligayahan at nakakaramdam ng pait na naging dahilan ng aking pagluha minsan. Nakaramdam narin ako ng kaligayahan at kasunod ng aking kaligayahan ay napaluha ako dahil sumagi sa isang sulok ng aking isipan na nakahulagpos ako kaya hindi ko napigilan ang aking pagluha sa dahilang nagkaroon ako ng awa sa aking sarili na nasundan ng pagluha at makalipas ng ilang sigundo napangiti naman ako dahil sa naramdaman kong kaligayahan at habang patuloy ang nararamdaman kong kaligayahan nakasabay ang bakas ng aking pagluha at pamumula ng aking mga mata sa mga ngiti ng kaligayahang nararamdaman kaya nasasabi natin ang salitang pag iyak sa oras ng kaligayahan ay tears of joy, dahil iyan lang ang pwede nating ipaliwanag sa mga taong nakamasid sa ating mukha dahil ang bakas ng iyong pagluha at pamumula ng mata ay nakasabay sa naramdamang kaligayahan kaya natatawag na tears of joy pero ang totoo niyan nauna ang iyong pag iyak dahil naunang may kumurot sa isang sulok ng iyong puso na naging dahilan ng iyong pag iyak bago ang mararamdamang kaligayahan. Ang pagluha at pamumula ng mata ay bakas na lang ng ating pag iyak na nakasabay habang tayo ay nakangiti at tinatamasa ang kaligayahan.

Ang point ko dito ay para ipaliwanag kung saan nga ba nagmumula ang pag iyak o pagtulo ng ating mga luha? walang ibang dahilan ng pag iyak ng isang tao kungdi ang damdaming nagkaroon ka ng awa sa iyong sarili na para kang nabunutan ng tinik sa dibdib.

Subukan mo ang manalo ng million sa lotto kung paano mo pagsasabayin ang pag iyak at kaligayahan, habang nakakaramdam ka ng kaligayahan subukan mong patuluin ang iyong luha kung makakaya natin. Tutulo lang ang luha ng isang tao kung meron siyang maiisip na magpapatulo ng kanyang mga luha.

Para sa aking paniniwala... walang pinagkaiba yan sa ating poong maykapal kung paano natin mararamdam ang kanyang presensya, makakamit mo ang mga bagay na nagpapaligaya sa iyo para maramdaman natin siya, ibibigay din sa iyo ang kalungkutan para matutunan nating lumapit sa kanya... ang pag luha at pag iyak ay pagpapakita ng nararamdamang kalungkuta at ang mga ngiti ay pagpapakita ng kaligayahan.

Wednesday, 14 January 2015

SILENCE


Sa buhay natin marami ang pwede nating pag gamitan ng salitang silence or pagiging tahimik. May mga taong likas ang pagiging tahimik at tahimik lang sa isang tabi, tahimik lang na nakikinig sa usapan ng kanyang mga kasamahan, pangiti-ngiti, patawa-tawa lang halos hindi mo nakikitang nakikipag agawan ng kwento sa kanyang mga kasamahan, hindi nakikipag unahan sa kayabangan. Likas akong humahanga sa mga ganitong tao kaya kung minsan nagagawa ko sa aking sarili.

Napakalaking bagay sa isang tao ang pagiging tahimik sa lahat ng bagay, maari kong sabihin na sa pagiging tahimik nagagawa niyang kontrolin ang kanyang sarili sa mga bagay na nakikita niya sa kanyang mga nakakaharap o nakakasama, nagagawa niyang kontrolin ang kanyang reaction sa mga bagay na nakikita niya o naririnig niya na mahirap gawin ng isang tao, lalo na ang reaction ng isang tao na kung makakarinig ng mga bagay na hindi pasado sa kanyang panlasa ay nakakapagsalita kaagad sa iba, andyan yung madalas nagagawa natin na hindi mo man deretsang masabi ang reaction mo sa kaharap makalipas ang ilang oras o araw nagagawa na niyang ilabas ang itinatagong reaction niya sa ibang tao.

Karamihan sa atin hindi nating magawang manahimik sa mga bagay na nakikita natin sa iba, kadalasan kung may nalalaman tayong negative na sinasabi ng ibang tao tungkol sa atin nakakapagsalita na tayo kaagad kung minsan pa sa galit natin minsan lumalampas narin tayo sa katotohanan para lang sirain o gantihan natin ang taong nagsasalita ng negative sa atin. Pero kung ating iisiping mabuti dahil sa wala tayong kakayahang maging tahimik sa lahat ng bagay bumabalik sa atin ang reaction ng ibang tao or bumabalik sa atin ang mga negative nilang nakikita sa ating pagkatao dahil likas na talaga sa atin ang pagiging maingay sa lahat ng bagay. Pero kung magagawa lang talaga natin ang pagiging tahimik walang negative na nakikita sa ating pagkatao at sa pagiging tahimik natin hindi tayo nakakagawa ng mali sa ating mga sinasabi.

Meron akong nakasama sa trabaho, isang taong napakatahimik, pinag-aralan ko ang kanyang pagkatao nung una naisip ko para siyang nag iisa sa mundo, walang kausap, walang kaibigan pero.. nagkamali ako dahil marunong din pala siya tumawa, marunong din pala makipag-kwentuhan sa kapwa at marunong din pala makisama, iba pala ang pagiging tahimik niya.. Hindi siya marunong mag ingay, hindi siya marunong mag-salita ng negative sa kanyang kapwa na kahit meron na siyang nakikitang hindi maganda sa kanyang mga kasama hindi mo makikitang nagsasalita siya laban sa kanyang kapwa, hindi siya mahilig makikisawsaw sa galit ng ibang tao, sa madaling salita hindi siya ang tipo ng tao na nang-uuri ng pagkatao ng kanyang kapwa, hindi niya hilig ang manira ng kanyang kapwa, tahimik siya kung ang pag - uusapan na ang pagkatao ng isang tao.

Ang pagiging tahimik ang kadalasang hinahangan natin sa isang tao hindi ka makakagawa ng hindi maganda sa iyong kapwa at malaya kang nakakagalaw dahil wala kang naapakang tao masama man sila o mabuti hindi sila makakapagtanim ng sama ng loob sa iyo dahil tahimik ka lang na nabubuhay dito sa mundo at malayo sa ingay ng kapaligiran.

Alam kong mahirap gawin ang pagiging tahimik dahil karamihan sa atin ay hindi kayang kontrolin ang ating sarili sa mga nakikita at naririnig.

Kung magagawa lang sana natin ang maging tahimik hindi malayong makuha mo ang resulta ng pagiging tahimik ang pag-hanga at respeto ng ibang tao sa iyo.

POR PABOR OR FAVOR


Alam po ba natin ang kahulugan ng "por pabor"?
Sa salitang english ay "favor".

Matagal ko ng gustong isulat ito pero minsan ay nangangamba akong baka merong tamaan at magalit sa akin. Iniisip ko na baka ito pa ang magiging dahilan ng samaan ng loob. Pero.. Sumasagi naman sa isip ko na minsan kailangan ding magsalita para kung makaabot man sa kanila itong matagal ko ng kinikimkim sa isipan ko para mabago ang ihip ng hangin at mapag isip - isip nila na meron namang katotohanan ang mga sinasabi ko at maisip nila na mali nga naman ang kanilang ginagawa.

Alam ko na minsan may mga katotohanang masakit marinig at masakit tangapin pero.. minsan kailangan din nating tangapin na parte lang ito ng aking kalayaan sa pagsasalita at paghahayag ng aking saloobin.

Wala po akong pinatataman dito sa sinusulat ko, siguro kung magagalit tayo maaring natatamaan tayo dahil ginagawa natin siguro ito. Kung hindi man ikaw ang nakakagawa maaring may mga taong malalapit sa iyo ang nakakagawa nito. Sana.. bago ka magalit isipin mo muna ng sampung beses kung tama nga ba o mali ang sinasabi ko. Kung may katotohanan man ang mga sinasabi ko at nasasaktan tayo dapat panahon na para mabago natin ang ating ginagawa.

Alam nyo ba na kung sino pa mayayaman ang siya pang laging humihingi ng pabor?

Pero ang mahihirap madalas ba nakakahingi ng pabor sa mayayaman? (Imposible di ba)

Kadalasan ito ang kalakaran
Ayon ito sa madalas kong nakikita, bata pa ako hanggang sa ngayon ito ang madalas kong nakikita na kadalasan sinasamantala ng mga mayayaman ang pakikitungo sa kanila ng mga tao o sabihin na nating mga mahihirap.

Maaring may mga magsasabi na.. iyan naman talaga ang kultura nating mga pinoy ang tinatawag na bayanihan, meron ding magsasabi na.. dala lang ng pakikisama natin sa mga kaibigan, pero iba ang situation ng kapwa mahirap na magdadamayan o magtutulungan nasa pang uunawa nalang natin dahil alam nating tulad din nating wala silang kakayahan para umupa ng taong gagawa sa mga gawaing nais nating ipagawa.

Ihahalimbawa ko ang aking sarili..
Hindi naman ako mayaman pero dahil nakaka-angat ako ng kaunti sa mga taong gustong tumulong sa akin para masakatuparan ko ng maayos at maganda ang aking kaarawan, ang lahat ng taong tumulong na nag asikaso sa mga pagkaing nailatag ko sa lamesa ay binigyan ko ng dalawang daang pesos ang bawat isa. Binigyan ko ng halaga kapalit ng por pabor na hiningi ko sa kanila, binigyan ko ng kapalit ang pagod nilang nag asikaso sa aking kaarawan at nakaraos ng maganda at hindi lang ako ang nakaramdam ng kaligayahan pati na rin ang mga taong nagpagod para lang maidaos na maganda ang aking kaarawan.

Ginawa ko ang bagay na yan dahil isa ako sa madalas na nabibiktima ng por pabor ng mga mayayaman, nagbigay ako ng kapalit na halaga sa naramdaman nilang pagod at nagbigay ako ng halaga bilang pasasalamat, nagbigay ako ng halaga dahil nauunawaan ko ang kanilang nararamdaman.

Hindi ko sinasabi ito para sa pansarili lamang, sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga taong madalas na nabibiktima ng por pabor ng mga mayayaman na tanging kapalit ng kanilang pagod ay ang simpleng pasasalamat lamang, kahit abot - abot ang pagod na naramdaman sa maghapon o magdamag na pagtatrabaho.

Madalas na nangyayari ito saan mang sulok ng pilipinas dahil ang kaugalian nating mga pilipino aminin man natin o hindi mas malalapit tayo sa mga taong mayayaman dahil andiyan yung umaasa tayo na baka sakali maambunan tayo ng konting halaga.

May mga taong nakakaangat naman ang buhay sinasamantala nilang mag utos ng mag utos sa tao, pero ang tao susunod kaagad dahil umaasa ng maabutan man lang ng kahit konti, andiyan yung utusan kang mag buhat ng mga upuan para sa kanilang kasiyahan, andiyan yung mag igib ka ng tubig na maiinom ng mga bisita, andiyan yung mag hugas ka ng sandamakmak ng hugasin habang sila ay abala sa pag entertain ng bisita at kontodo smile pa, andiyan na lahat ng maari mong maibigay na makakaya mong gawin ibibigay mo na pero sa bandang huli salamat lang pala ang maibibigay sa iyo kapalit ng pagod na naibigay mo sa kanila.. kadalasan pa sasabihin pa sa iyo.. humingi lang naman kami ng por pabor sa inyo.

Nakakaunawa naman ang mga mahihirap, nasa puso naman talaga ang pag tulong nila sa atin at masasabi nating wala naman silang idinadaing na kapalit sa tulong na ibibigay nila pero... dapat kayong mga mayayaman ang dapat na mag isip o mag kusa na mag abot kahit sa konting halaga man lang dahil isipin naman sana natin na hindi biro din minsan ang pagod na naibigay nila at sana isipin natin lagi na sa panahon ngayon iba na ang kalakaran ngayon nababayaran na ang pagod.

Naturingan naman kayong mayaman hindi ba pwedeng umupa?

Napapagod din sila.. Lagi nalang bang salamat?

Sa mga taong nakakaangat ang pamumuhay huwag naman sana na lagi tayong abusado, huwag naman nating samantalahin ang kahinaan ng mga mahihirap, kahit man lang sa konting halaga palitan naman natin ang pagod na naipagkaloob nila sa atin.

Tutal mayaman naman kayo.