Wednesday, 14 January 2015
POR PABOR OR FAVOR
Alam po ba natin ang kahulugan ng "por pabor"?
Sa salitang english ay "favor".
Matagal ko ng gustong isulat ito pero minsan ay nangangamba akong baka merong tamaan at magalit sa akin. Iniisip ko na baka ito pa ang magiging dahilan ng samaan ng loob. Pero.. Sumasagi naman sa isip ko na minsan kailangan ding magsalita para kung makaabot man sa kanila itong matagal ko ng kinikimkim sa isipan ko para mabago ang ihip ng hangin at mapag isip - isip nila na meron namang katotohanan ang mga sinasabi ko at maisip nila na mali nga naman ang kanilang ginagawa.
Alam ko na minsan may mga katotohanang masakit marinig at masakit tangapin pero.. minsan kailangan din nating tangapin na parte lang ito ng aking kalayaan sa pagsasalita at paghahayag ng aking saloobin.
Wala po akong pinatataman dito sa sinusulat ko, siguro kung magagalit tayo maaring natatamaan tayo dahil ginagawa natin siguro ito. Kung hindi man ikaw ang nakakagawa maaring may mga taong malalapit sa iyo ang nakakagawa nito. Sana.. bago ka magalit isipin mo muna ng sampung beses kung tama nga ba o mali ang sinasabi ko. Kung may katotohanan man ang mga sinasabi ko at nasasaktan tayo dapat panahon na para mabago natin ang ating ginagawa.
Alam nyo ba na kung sino pa mayayaman ang siya pang laging humihingi ng pabor?
Pero ang mahihirap madalas ba nakakahingi ng pabor sa mayayaman? (Imposible di ba)
Kadalasan ito ang kalakaran
Ayon ito sa madalas kong nakikita, bata pa ako hanggang sa ngayon ito ang madalas kong nakikita na kadalasan sinasamantala ng mga mayayaman ang pakikitungo sa kanila ng mga tao o sabihin na nating mga mahihirap.
Maaring may mga magsasabi na.. iyan naman talaga ang kultura nating mga pinoy ang tinatawag na bayanihan, meron ding magsasabi na.. dala lang ng pakikisama natin sa mga kaibigan, pero iba ang situation ng kapwa mahirap na magdadamayan o magtutulungan nasa pang uunawa nalang natin dahil alam nating tulad din nating wala silang kakayahan para umupa ng taong gagawa sa mga gawaing nais nating ipagawa.
Ihahalimbawa ko ang aking sarili..
Hindi naman ako mayaman pero dahil nakaka-angat ako ng kaunti sa mga taong gustong tumulong sa akin para masakatuparan ko ng maayos at maganda ang aking kaarawan, ang lahat ng taong tumulong na nag asikaso sa mga pagkaing nailatag ko sa lamesa ay binigyan ko ng dalawang daang pesos ang bawat isa. Binigyan ko ng halaga kapalit ng por pabor na hiningi ko sa kanila, binigyan ko ng kapalit ang pagod nilang nag asikaso sa aking kaarawan at nakaraos ng maganda at hindi lang ako ang nakaramdam ng kaligayahan pati na rin ang mga taong nagpagod para lang maidaos na maganda ang aking kaarawan.
Ginawa ko ang bagay na yan dahil isa ako sa madalas na nabibiktima ng por pabor ng mga mayayaman, nagbigay ako ng kapalit na halaga sa naramdaman nilang pagod at nagbigay ako ng halaga bilang pasasalamat, nagbigay ako ng halaga dahil nauunawaan ko ang kanilang nararamdaman.
Hindi ko sinasabi ito para sa pansarili lamang, sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga taong madalas na nabibiktima ng por pabor ng mga mayayaman na tanging kapalit ng kanilang pagod ay ang simpleng pasasalamat lamang, kahit abot - abot ang pagod na naramdaman sa maghapon o magdamag na pagtatrabaho.
Madalas na nangyayari ito saan mang sulok ng pilipinas dahil ang kaugalian nating mga pilipino aminin man natin o hindi mas malalapit tayo sa mga taong mayayaman dahil andiyan yung umaasa tayo na baka sakali maambunan tayo ng konting halaga.
May mga taong nakakaangat naman ang buhay sinasamantala nilang mag utos ng mag utos sa tao, pero ang tao susunod kaagad dahil umaasa ng maabutan man lang ng kahit konti, andiyan yung utusan kang mag buhat ng mga upuan para sa kanilang kasiyahan, andiyan yung mag igib ka ng tubig na maiinom ng mga bisita, andiyan yung mag hugas ka ng sandamakmak ng hugasin habang sila ay abala sa pag entertain ng bisita at kontodo smile pa, andiyan na lahat ng maari mong maibigay na makakaya mong gawin ibibigay mo na pero sa bandang huli salamat lang pala ang maibibigay sa iyo kapalit ng pagod na naibigay mo sa kanila.. kadalasan pa sasabihin pa sa iyo.. humingi lang naman kami ng por pabor sa inyo.
Nakakaunawa naman ang mga mahihirap, nasa puso naman talaga ang pag tulong nila sa atin at masasabi nating wala naman silang idinadaing na kapalit sa tulong na ibibigay nila pero... dapat kayong mga mayayaman ang dapat na mag isip o mag kusa na mag abot kahit sa konting halaga man lang dahil isipin naman sana natin na hindi biro din minsan ang pagod na naibigay nila at sana isipin natin lagi na sa panahon ngayon iba na ang kalakaran ngayon nababayaran na ang pagod.
Naturingan naman kayong mayaman hindi ba pwedeng umupa?
Napapagod din sila.. Lagi nalang bang salamat?
Sa mga taong nakakaangat ang pamumuhay huwag naman sana na lagi tayong abusado, huwag naman nating samantalahin ang kahinaan ng mga mahihirap, kahit man lang sa konting halaga palitan naman natin ang pagod na naipagkaloob nila sa atin.
Tutal mayaman naman kayo.
No comments:
Post a Comment