Sunday, 25 May 2014

IDEA SA PAGSUSULAT



Kung minsan tinatanong natin ang sarili kung paano at ano ba ang aking isusulat dito sa aking blog? Lalo na kung marami ka naring naisusulat pero gusto mo paring magsulat para ma-update mo kahit papaano ang iyong blog.

Nararamdaman ko rin kung ano ang inyong nararamdaman lalo na kung may sarili kang paraan sa pagsusulat at may sarili kang tema sa pagsusulat. Tulad ko inaamin ko dahil may sarili akong tema at batas na sinusunod kung paanong paraan ako magsulat kadalasan ako yung tipo ng nagsusulat na mas gusto kong magsulat ng hindi ako namumulot ng talino ng ibang tao at hindi rin ako mahilig manggaya ng mga sinusulat ng iba dahil ayokong dayain ang sarili kong kaligayahan. Ang lahat ng ito ay ayon lang sa aking paraan at paniniwala, ang isipin natin lahat tayo ay may kanya - kanyang paraan, tema at istilo sa pagsusulat.

Hindi importante kung saan ka pwedeng mag concentrate lang, halimbawa pagluluto lang.
Kahit ano pwede mong isulat, kung ano ang pwede mong ibahagi sa nagbabasa sumasarap ang halo - halo hindi lang sa lamig na taglay nito kungdi sa ibat - ibang halo ng sangkap nito.

Sa post kong ito nais kong ibahagi sa inyo kung saan ba ako kumukuha ng idea, iba naman yung "paraan ng pag susulat" tulad ng naunang sinulat ko na pinamagatan kong PAANO BA ANG MAGSULAT.

Humuhugot ako ng idea sa aking pagsusulat kadalasan ay naa-ayon lang sa kung ano ang mga nagiging obserbasyon ko sa aking mga nakikita o nababasa, mga bagay na minsan nagkakaroon ako ng interesadong isulat kung ano ang aking nakita sa iba na maari kung ibahagi sa inyo o sa mga nagbabasa kung ano ang aking paniniwala kung tama o mali bahala na ang taong humusga at least minsan napapatunayan ko sa sarili ko na.. malikot din pala minsan ang imahinasyon ko at tama rin pala minsan ang mga sinusulat ko.

Kadalasan humuhugot ako ng mga isinusulat ko dito sa pamamagitan ng aking sariling opinion tungkol sa mga usaping napapanahon o sa mga bagay na madalas na pinagtatalunan ng mga tao.

Halimbawa..
1.) Sa mga usaping pang relihiyon. Isinusulat ko kung ano ang nakikita ko sa mga taong nagtatalo-talo dito.

2.) Mga usaping naayon sa kung ano ang tama at mali sa mga paniniwala. Halimbawa isulat mo sa blog mo.. "bakit ang tao madaling maniwala sa mga bagay na totoo kahit hindi napapatunayan".

3.) Mga usaping nauukol sa pulitika.

4.) Mga usaping tungkol sa pag uugali ng tao.

5.) Mga usaping nauukol sa kung ano ang nalalaman mo sa mga bagay na nais mong ibahagi sa iba upang madagdagan ang kanilang kaalaman.

At marami pang iba na nauukol lahat iyan sa iyong pansariling opinion kung ano ang iyong mga masasabi sa mga katauhan nila. Ito ang temang kadalasang isinusulat ko sa aking blog. Dito kasi ako minsan mahilig sa pagbibigayan ng opinion sa iba.

Minsan naman humuhugot ako ng idea sa mga panonood ko sa TV tulad ng "the bothered wife", or "the legal wife". Kadalasan dito nakaka-relate ang mga tao dahil nagiging bahagi na nang ating buhay ang mga ganitong situation sa isang pamilya. Isulat mo kung ano ang nararamdaman mo sa mga nakikita mo at kung ikaw ang nasa ganyang situation. Gawin mo ring bida ang sarili mo sa isusulat mo. Ikaw lahat, kontrabida at bida ikaw lahat para may pagkakataong tanungin mo ang sarili mo para ikaw rin ang makakapagbigay ng siguradong 100% na tamang sagot.


Kung mahilig kang magbasa ng mga magazine, libro o kahit na anong babasahin sigurado makakapulot ka ng mga temang naayon sa iyong panlasa na alam mong makaka-relate din ang ibang tao. Isulat mo kung saan tatakbo ang sarili mong istorya na kasalukuyang kumakalikot sa mapaglaro mong imahinasyon. Isulat mo kung sa paanong paraan ka nagalit o natuwa dahil isang paraan din na gagamitin mo ang sarili mong pakiramdam para magkaroon ng buhay ang iyong mga sinusulat. Ibig sabihin kung paano ka makakarelate iyon din ang isulat mo dahil mas importante minsan sa nagsusulat na gawin mong bida ang sarili sa iyong sinusulat.

Iba - iba din ang hilig ng mga nagsusulat, merong mahilig sa pagluluto, mahilig mag kuwento tungkol sa mga pag travel nila sa ibat - ibang lugar, pag kuwento ng tungkol sa mga magagandang tanawin, pag post ng mga larawan depende lahat yan sa hilig ng manunulat. Pwede mo namang gawin lahat iyan isang idea din yan kung gusto mo lang i-update ang iyong blog.

Isang idea din yung mga bagay na kung ano ang mga nakaraan mo tugkol sa pag-ibig, tungkol sa mga kabiguang naranasan mo, mga kaligayahang naranasan mo noon tungkol sa pag-ibig, mga taong naging first love mo  diyan mo paikutin ang iyong isusulat kung saan ikaw ang naging bida. Kung ano ang naidudulot sa pakiramdam ng isang tao tungkol sa pag ibig masaya man o malungkot.

Mga idea na nauukol sa paaralan noong mula elementary hanggang sa nakatapos ka ng pag aaral, hanggang sa kung ano ang naging resulta ng paghihirap sa iyo ng mga magulang mo, kung paano ka pangaralan sa hinihingi mong laptop na kailangan bilhin mo para meron kang project na ipapakita. Mga tablet na kakailanganin mong bilhin para ipangregalo sa kasintahan mo na magtataka ang iyong mga magulang na ganito na pala kamahal ang mga tablet sa mercury drugs ngayon.

Marami ka pang maiisip na maari mong isulat malawak ang mundo napakaraming bagay na maaring mong sakupin at puntahan kahit gaano man ito kalayo o kalalim, ang lahat ay kayang marating ng iyong mapaglarong imahinasyon na maari mong kapulutan ng idea. Panatilihin mo lang maging malikot ang iyong imahinasyon at panatilihing maging madaldal sa sarili kahit walang kinakausap dahil ang bawat letra ng mga salita na bibitiwan mo sa iyong isipan.. katumbas iyan ng isang patak ng daliri mo sa keyboard ng computer at presto naipasa mo na sa blog ang lahat ng kasaysayang tumatakbo sa iyong isipan.

Sana makatulong ako sa inyo na tulad ko rin noong nag uumpisa palang akong magsulat. Huwag kang makipag-kompitensya sa ibang manunulat dahil mawawalan ka ng ganang magsulat kung may mas magaling sa iyong mag sulat ang isipin mo tulad ka rin nila na nangangailangan ng kasiyahan ng kung ano ang magandang magagawa sa sarili.






No comments:

Post a Comment