Thursday, 30 April 2009

UTANG NA LOOB

Isa ito sa masasabi ko na magandang pagtitinginan o kaugalian na nating mga pilipino, mula pa noon. Maari ding isa ito na pinagsisimulan ng hindi pagkakaunawaan, bakit kaya?

Ang salitang ito ang kadalasang sinasambit ng mga taong nakatikim ng pagtulong mula sa isang taong nagbigay ng kanyang kusang loob na walang hinihinging kapalit. Teka.... wala nga bang hinihinging kapalit?

Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang.. ''Utang na loob?''

Nababayaran ba ito ng salapi? Paano mo ba ito mababayaran?

Kadalasan din nating naririnig ang salitang ito mula sa taong nagbigay ng kusang loob na pagtulong ang salitang... ''WALA KANG UTANG NA LOOB!''

Kung ako ang tatanungin.. maaring konti lang ang maisagot ko na tama dito, dahil nga sa kakarampot kong utak. Kaya kung hindi po kayo sang ayon sa aking paliwanag dito.. KLIK lang po ninyo yung ''X'' na nasa bandang itaas ng monitor ninyo sa gawing kanan upang maglaho na po ako ng lubusan sa inyong paningin.

Ang utang na loob po ay hindi kayang bayaran ng kahit anong materyal na bagay.. ngunit kaya po nating tumbasan ng kusang loob at pagpapakumbaba sa taong nagbigay sa atin ng magandang kalooban. Inuulit ko po.. hindi kayang bayaran ng materyal na bagay, Pero kayang bayaran ang utang na loob kung siya naman ang dumating sa ganong sitwasyon tulad ng nangyari sa iyo. Maraming bagay ang pwede nating isa alang-alang dito. Tulad ng materyal na bagay... Nakautang ka ng konting halaga sa isang tao dahil dumating ka sa panahon ng kagipitan. Ang halagang nahiram mo ay naisauli mo, ngunit... hindi mo na kayang ibalik ang oras na tinulungan ka sa oras ng iyong kagipitan. Yung araw na nakahulagpos ka sa tindi ng problemang kinaharap mo nung tinulungan ka niya. Siya ang nagpaginhawa sa iyo nung ikaw ay nahaharap sa suliranin. Kaya diyan lumalabas ang salitang utang na loob.

May mga tao naman na.. kung natulungan ka nais kana niyang itali sa habang panahon sa pagkakautang ng loob mo sa kanya na nagiging dahilan ng hindi pagkakaunawaan.
Sa isang banda isa din itong magandang halimbawa upang maabot ng bawat isa ang magandang pagsasama dahil kung ang taong nakautang ng loob at marunong magbayad ng magandang kalooban sa taong nagmagandang loob. (''nahilo ata ako dito sa paliwanag ko ah'')

Kung ikaw ay marunong tumingin o marunong tumangap ng kabutihan mula sa iyong kapwa, nasisiguro kong marunong karing mag bigay ng kabutihan mo sa iyong kapwa. Kung marunong kang tumingin ng utang na loob, marunong karin magbayad ng utang na loob. Maliit man o malaki ang nagawa niyang tulong o kabutihan sa iyo.. ituring mong napakalaking halaga iyon sa iyong sarili dahil ipinadama niya sa iyo kung gaano ka kahalaga sa kanya.

MARAMI PONG SALAMAT SA INYONG PAGBABASA.

Tuesday, 28 April 2009

TUNAY NA PAG-IBIG



Meron akong natatanging kwento na.. maaring kapupulutan ng aral sa atin, maari din itong nangyayari o mangyayari sa hinaharap. Isang kwentong pag-ibig na.. tumutugma sa kasabihang.. ''HAHAMAKIN ANG LAHAT.. MASUNOD KA LAMANG.

Isang babae na papangalanan kong ''AMIE'', ang magbibigay ng buhay sa aking kwento, Kung saan iniwan niya ang kanyang mga anghel masunod lang ang taong sa tingin niya ay lubos na magpapaligaya sa kanya.

Sino ba ang lubos na mag papaligaya sa atin? Eto po basahin natin.

Si amie ay isang biyuda na iniwanan ng tatlong anak, dalawang babae at isang lalaki. babae ang panganay na nasa pirst yir hayskul pa lamang, ang sumunod ay lalaki at ang bunso ay babae na nasa grade two pa lamang. Si amie ay nagkaroon ng kasintahang binata.. mahal siya nung lalaki at masasabi ko ring mahal ni amie ang kanyang kasintahan. Unang-una.. sa kabila ng kanyang kalagayan na may tatlong anak nagawa pa rin siyang mahalin nung lalaki. Maganda ang samahan at pagtitinginan nilang magkasintahan. Nagkakilala silang dalawa sa bansang saudi arabia kung saan namamasukan bilang domestic helper si amie at ang kanyang kasintahan naman ay namamasukan bilang machine operator sa isang malaking kompanya.

Habang lumilipas ang mga araw.. lalong lumalalim ang kanilang pagmamahalan kahit alam ng lalaki na meron nang anak si amie. Sa paglipas ng panahon.. ipinasya ng lalaki na pakakasalan si amie, ngunit... sa isang kondisyon. Anong kondisyon? (''tanong ni amie sa kanyang kasintahan'') Pakakasalan kita pero... iiwan mo ang iyong mga anak! sa akin ka sasama. Shock si amie.. hindi makapagsalita.. hindi malaman ang gagawin.. at hindi alam kung anong sasabihin. Ilang araw na pinag-isipan ni amie ang kondisyong iyon. Halos manghina siya sa gagawin niyang desisyon. Mahal niya ang kanyang mga anak.. ngunit, mahal din niya ang kanyang kasintahan lalo pat binata ito na minahal siya sa kabila ng lahat na mayron na siyang tatlong anak. Ipinasya ni amie na sundin ang kagustuhan ng kanyang kasintahan, tutal.. andon naman ang kanyang mga anak sa piling ng kanilang lola na ina ng kanyang yumaong asawa.

Nagpakasal si amie sa kanyang kasintahan.. namuhay silang dalawa na maayos at nagmamahalan.. kahit minsan dumarating din sa kanilang dalawa ang di pagkakaunawaan. Pag aaway na kakambal na ng isang magasawa. Lumipas ang panahon, Minsan.. dumarating din sa buhay ni amie ang kasabikang makausap ang kanyang mga anak, makumusta sila.. lalo na ang bunso niyang anak. Iniisip ni amie minsan.. tao rin siya na nanganga ilangan din ng pagmamahal, nanganga ilangan din ng kaligayahan at nangangailangan ng makakasama sa buhay.

Isang araw.. nagkaroon ng pagtatalo kay amie at ng kanyang asawa. Umiiyak si amie habang nakahiga sa kanilang silid, hindi makatulog, paikot-ikot sa kanyang higaan. sumagi sa kanyang isipan ang bunso niyang anak.. "kumusta na kaya ang mga anak ko?" Pinagmasdan ni amie ang kanyang silid.. malinis, maaliwalas, '' kumusta na kaya ang bunso kong anak?" nakakulambo kaya siya ngayon? Isang walong taong gulang na bata iniwan niya, naisip ni amie na... siya na nangangailangan ng kasiyahan sa buhay, ang kanyang mga anak hindi kaya nangangailangan? Siya na nangangailangan ng kalinga ng isang lalaki... ang kanyang mga anak kaya.. hindi ba nangangailangan ng kalinga ng isang ina? Lumabas si amie ng kanyang silid upang kumain.. inilabas niya ang niluto niyang manok kangina... unang subo naalala niya ang kanyang bunso... ''Ano kaya ang inuulam ng mga anak ko?'' Tumayo si amie hindi itinuloy ang pagkain.. dinampot ang selpon at tinawagan niya ang kanyang mga anak.. ang nakasagot ang panganay niyang anak.. ''anak ko.. kumusta na kayo? ang mga kapatid mo asan sila..?

Inay si nene po may sakit.. (Bunsong anak) may lagnat po!
Ha! ibigay mo sa kanya yang selpon at kakausapin ko siya! ibinigay ni ate sa kanyang bunsong kapatid ang selpon.

Anak! may lagnat ka ngayon anak? (tanong ni amie)
Nay! opo..
Bakit? Anong ginawa mo at nilagnat ka anak?
Kasi po.. Hinabol ako ng aso kangina inutusan ako.. bibigyan daw po ako ng pera pag ibinili ko sila ng pulutan nila. Kaya bumili po ako kasi wala po akong pera inay, natakot po ako sa aso.
Inay... nagugutom po kasi ako... (umiiyak ang bunso niyang anak habang nagsasalita)
Inay... kaylan po kayo uuwi sa amin inay?

Si amie.. hindi na mapigilan ang mga luha sa kanyang mga mata.

Kumain ka na ba anak?

Hindi pa po.. kasi naalala ko po kayo inay.
Inay... giniginaw po ako.
Anak uminom ka na ba ng gamot anak?
Ayaw ko po.
Bakit anak?
Gusto ko.. uwi na lang po kayo dito. Kahit wala na po akong pasalubong.. basta umuwi na lang po kayo dito inay. Kasi po.. lagi nila akong pinapagalitan.. palagi po akong pinapalo.
Inay.. pagdating po ninyo.. ibili po ninyo ako ng tsinelas ha. Kasi po.. pumapasok ako ng walang tsinelas.
Sige anak... hintayin mo ako at uuwi na ako anak.. magpagaling ka ha?
Opo inay..

Isang lingo ang lumipas dumating na si amie sa piling ng kanyang mga anak.. nagdesisyon na siyang babalik na lang sa piling ng kanyang mga anak. Mas higit siyang kailangan ng kanyang mga anak. Kung mahal siya ng lalaki.. susunod siya sa kanya.

Sa pag-ibig... walang mas hihigit pa sa pag-ibig mo sa iyong sariling mga anak. Kailangan mo ang iyong asawa pero... mas kailangan ka ng iyong mga anak.

Sa mga nagbabasa... hindi ko na rin po mapigilan ang lumuha sa kwento kong ito.
Marami pong salamat sa inyong pagbabasa.
Sana makapulutan po natin ito ng aral.

PULOT BOY


Nakakabagot din talaga ang laging nag-iisa, ikot ka ng ikot sa kwarto mo na puno na ng usok ng sigarilyo.. isip ako ng isip parang.. meron akong isipin na pilit kong kinukuha sa kaibuturan ng aking isipan ang isang bagay na hindi ko nman alam kung ano ba yung gusto kong gawin. Ahhhhh! Buti pa lumabas na lang kaya ako.. isa pa wala naman yung taong hinihintay ko na gusto ko sanang kausap, kaso ni ho or ni ha wala ka man lang matangap buhat sa kanya. Minsan, kung ano ano tuloy naiisip ko sa kanya. Ang daming katanungan ang sumasagi sa isipan ko na gusto kong sabihin sa kanya. Hmp di bale na lang tatahimik na lang ako... ipinasya ko na lang ang lumabas at uminom ng konti at ng makalimutan ko siya kahit saglit. Siya nga.. Ewan ko ba!

Sabado ng hapon mga alas kuwatro siguro yon.. ipinasya kong uminom na lang sa isang tindahan, eto siguro ang hinahanap ng aking isipan he he he. Habang akoy umiinom ng mag isa.. unti-unti may nagdadatingan na mga kababayan nating mga pinoy.. dumadami kami dumadami din ang aming iniinom. Paglipas ng mga ilang oras.. ipinasya ko ng umuwi na at medyo duling na rin ang aking paningin. Maglalakad na lang ako pauwi.. tutal malapit lang naman ako sa bayan. Habang akoy naglalakad tiyempo.. Jackpot! nakakita ako ng isang TV at... medyo malaki-laki pa! Pag sinusuwerte ka naman di bah! komo lasing ako nung oras na yon.. tumawag ako ng taxi dial 911.
Isinakay ko sa taxi dumaan pa ako sa tindahan bumili ako ng isa pang grande pang washing ika nga. Pagdating ko sa kuwarto ko.. inom muna ng CASS BEER habang binubuksan ko yung TV.

Pag bukas ko action movie kaagad ang natiyempuhan ko.. tuwang tuwa akong pumuwesto ngayon.. habang nanonood ako siyempre tumatagay ng pakonti-konti. Namputsa naman! yung TV ko ang daming gamo-gamo! wala pa namang remote. Lumapit ako sa TV para madali kong mapindot.. kahit medyo duling ang paningin ko pilit kong inaaninag yung pinapanood ko. Halos isang oras na akong nanonood hindi ko pa makilala yung bida kasi nga ang dami ng gamo gamo, ang dami pang guhit-guhit na itim.. lecheng buhay 'to oo. pinag tsagaan ko pa ng konti.. nakita kong tumatakbo yung bida kasi nga barilan eh. Biglang nag hagis ng granada.. hindi ko na alam ngayon kung saan na nagtago yung bida.. kasi yung bida na lang ang hinahanap ko.. gusto ko kasing makilala. Tumakbo uli yung bida.. hindi ko naman nakita kung saan nag suot, inilapit ko ng husto yung mukha ko sa monitor.. may babae akong nakita.. hindi ko naman mamukhaan (lol). Sa loob ng halos isang oras at kalahati na pinagtiis kong habulin yung bida.. hindi ko makita kung saan saan nagtatago! bwisit! Kinuha ko yung termos ko.. ipinalo ko sa TV. basag yung salamin nung TV.. bwisit ka! isang oras mo akong pinahirapan! hayyyy! nakaginhawa pa ako.. natahimik ang buhay ko. Kaya pala itinapon.. walang makitang piktyur. lasing na nga ako.. ang dami pang gamo-gamo, paano ka naman masisiyahan niyan. Kung minsan... hirap din yung umaasa ka na lang sa pulot noh?
Alam mo naman dito sa abroad.. konting diprensiya, tapon agad. Alam nyo naman tayong mga pinoy.. hangat hindi pa durog.. pwede pa! magagawan pa ng paraan.

Salamat po sa pagbabasa.


Friday, 24 April 2009

BUHAY PINOY






Ang mga stambay na halos araw araw mong nakikita. Ang mga taong galit sa trabaho hindi kompleto ang araw pag hindi nakakagala o nakaka istambay.


Hindi din kompleto ang araw kung hindi nadadaanan ng alkohol ang lalamunan, sa konting pulutan katalo na.. ubos nanaman ang maghapon sa dami ng napag usapan. Pag uwi ng bahay magtatanong sa asawa '' anong ulam natin''? ang isasagot ng asawa... '' andon sa lamesa mamili ka ng uulamin mo! pag dating sa kusina ni mister... ''EPANG!! eh toyo , kamatis , bagoong at talbos lang naman ang nandito!!'' "sabi mo mamili ako.. asan dito epanggg!! - Ayan nga mamili ka diyan kung anong uulamin mo kung toyo o bagoong o kamatis!! tanga!! ha ha ha

Eto pa.. eto ang hindi rin nawawala sa ating mga pinoy lalo na ang mga walang trabaho. Wala na ngang hanapbuhay nakakapagsugal pa. Lalo na ang mga kabataan ngayon halos puro baraha narin ang madalas hawakan ayaw magsipag hanap ng trabaho. Mga matatanda pa ang pasimuno minsan sa sugal. Minsan kahit wala ng makain basta may pang sugal ok na ang buhay.

Ibat-ibang libangan ng pinoy na halos nakikita natin sa araw-araw. Mga kaugaliang nakasanayan na nating mga pinoy na minana na natin sa ating mga kaninuno-nunuan. Mga libangang kung minsan ay nagpapasaya din sa ating mga kababayan na kahit hirap na sa buhay nandiyan parin ang mga nakasanayan na natin na halos hindi mo makikita sa ibang bansa. Kung minsan yan din ang bentahe nating mga pinoy ang maging laman na ng lansangan sa araw-araw. Kung minsan yan din ang namimiss ng mga pinoy sa ibang bansa kung saan hindi nila nagagawa ang mga nakita natin sa mga larawan, hindi nila nagagawa sa mga bansang napuntahan nila. Aminin man natin o hindi.. iyan din ang nakakamiss ang mamuhay ng simple hindi tulad nila na nasa ibang bansa na puro trabaho ang inaatupag. Isang bagay ang narinig ko mula sa bibig ng isang koreano na tumigil din ng matagal sa pinas.. Ang nakita nilang kasiyahan na mamuhay sa pinas ay ang dami ng taong nakikita sa labas. Mga taong nakakasalamuha nila sa labas ng kanilang tirahan sa araw-araw na wala sa kanilang bansa.. ''MASAYA DAW SA PILIPINAS''.

Image credit to KIBAKA GROUP

Thursday, 23 April 2009

MERON AKONG KWENTO



Habang lumilipas ang mga araw.. marami akong mga kwento na nais kong ibahagi sa inyo. dahil kapos sa oras hindi ko nagagawa. Isang kwento ang nabuo sa aking isipan na masasabi nating kakaiba ito or masasabi nating hindi pa ito nangyayari o maaring nangyari na sa buhay nating mga pilipino. Mga pagsubok na dumarating sa ating buhay na hindi naiiwasan. Habang sinusulat ko ito isang sigaw ang narining ko... ''ANG DAMI NAMANG PASAKALYE YANNNN!!! UMPISAHAN MO NA!! Sabi ng kasama ko na parang butete ang katawan. SANDALI LANG!!Tugon ko sa kanya.. kita nyo na... nagbabasa lang siya marunong pa sa gumagawa! samantalang ang hirap mag isip ng isusulat. Alam po ninyo itong kasama kong ito... may konting kayabangan po ito sa katawan, mahal ko lang kasi itong kaibigan kong ito kaya nakakatiis ako dito eh.

Nuong isang araw bumili ng cellphone bagong-bago tuwang-tuwa ang loko. Syempre inggit naman ako. Kahapon dahil nga sa taglay niyang kayabangan.. halos mayat-maya hawak niya yung bagong cellphone niya.. bago kasi noh? sabi ko sa kanya ibulsa mo naman yang cellphone mo... Sumagot siya... '' Ayaw ko nga.. baka magasgas yung salamin maraming barya sa bulsa ko'' (Tugon niya). Eh kahapon naghugas ng kamay itong buteteng ito.. Komo ayaw nga niyang ibulsa yung selpon niya... inipit nalang niya ng bibig yung selpon kasi nga magsasabon siya ng kamay.. sa madaling sabi nasa bibig niya yung selpon niya habang sinasabon niya yung kamay niya sa kubeta. Biglang may tumawag sa kanya.. naka vibrate yung selpon niya.. nakiliti yung bunganga niya sa vibration ng selpon niya... binuga niya.. Ayun syut sa dram yung selpon niya. Ha ha ha ngayon... walang piktyur sa screen yung selpon niya.. nawalan pa ng outgoing, recieving lang... eh wala namang tumatawag sa kanya. Ayun komatos yung selpon niya Ha ha ha!

Eto pa... lulubusin ko na ngayon lang ako babawi sa kanya.. dahil nga parang butete ang katawan nitong kaibigan ko.. kung maglakad una tiyan. alam ninyo lagi siyang pinapagalitan ng misis niya kasi nga kung nag iiyutan sila nang misis niya nakatutok na yung tiyan yung buntot niya hindi pa dumidikit ha ha ha! Hayyyy hindi ko pa nauumpisahan yung kwento ko. ituloy na lang ninyo pagbabasa sa ibaba nito. SALAMAT PO!

Wednesday, 22 April 2009

SUGAL

Ang kwento kong ito ay base lang po sa kalikutan ng aking imahinasyon sabi nga sa kasabihan.. ''Without imagination you could never create anything new. di bah.

Nais ko sanang ako ang maging bida dito sa aking kwento.. tinangihan ko lang po ang alok dahil pang goons lang po ang kaya ng inyong lingkod.

Ulila naring lubos si reynaldo, nagiisang anak na nakamana ng masasabi narin nating malaking halaga buhat sa kanyang mga magulang. Ang kanyang amat-ina na dating may mga matataas ng posisyon sa mga ahensya ng gobyerno at dahil nagiisang anak siya ang nakakuha ng lahat ng ari-arian at kayamanan ng kanyang mga magulang. Lumaki rin si ronaldo na mababa ang loob na minana niya sa kanyang ina, palakaibigan at kung minsan matulungin pa kaya kahit saan siya magpunta igagalang siya. Ang tanging libangan lang niya minsan ay ang maglaro ng baraha or magsugal. Isang kaibigan niya ang nag-aya sa kanya na dumayo sila sa isang lugar na kung saan ay merong last night. Yung bang merong lamayan at huling gabi ng lamayan. Dito dumadayo ang mga tao sa last night dahil andito ang malakasang sugal.

Umupo si reynaldo kung saan ang laro nila ng gabing iyon ay ang tinatawag na pusoy (BANGKAAN) ibig sabihin siya ang bangka dahil siya ang may malaking puhunan. Isa sa mga puntos nung gabing iyon si LARRY. Isa ding adik sa sugal.. hindi mayaman minsan hirap din ito sa pamumuhay, walang trabaho tanging pagsasaka lang ang kinabubuhay may limang anak at ang kanyang asawa na si crystel ay tanging paglalabada lang ang maitutulong pantawid ng gutom sa mga anak. Mabait na maybahay si crystel na siyang inaabuso naman ni larry. Nung araw ng lastnight nga... binenta ni larry ang inaalagaan nilang isang baboy na pinaghirapan nilang palakihin ng kanyang pamilya. Nabenta ng 5,000 pesos ang kanilang baboy. Hawak ni larry ang pinagbentahan ng baboy ng mapadaan sa isang lamayan kung saan last night ng yumao. Naupo si larry upang pumuntos sa sugal or tumaya. Medyo nakainom narin dahil meron siyang pang-inom ng gabing iyon. inabot na sila ng madaling araw.. malakas ang tayaan pati mga nakatayo pumupuntos din. Napapasubo na yung dalang pera ni larry halos isang libo nalang ang natitira sa 5,000 libong pinagbentahan ng baboy. dahil malakasan nga... pag minalas ka talaga halos mutain ang mata mo sa malas.
Maya-maya dumating yung panganay na anak ni larry... "Itay umuwi na daw kayo sabi ni nanay.. asan daw yung pinagbentahan ng baboy..? hindi pa po kami kumakain". Gulat na gulat si reynaldo na nooy nananalo naman ng mga oras na iyon. "mamaya na ako uuwi.. babawi pa ako!'' sigaw ni larry sa anak. Itinigil naman sandali ni reynaldo yung laro.. pinagsabihan si larry na... ''Pare, umuwi ka na para matikman din ng pamilya mo yang pinagbentahan ng baboy'' ''Ani ni reynaldo''. Dhil ayaw tumayo ni larry... ipinasya na lang ni reynaldo ang umayaw na dahil alam niyang mauubos lalo ang pera ni larry. '' Mga kasama ako na lang ang tatayo.. para matigil muna ito... babalik nalang ako mamaya. ( Sambit ni reynaldo ). Makalipas ang 10 minuto ng umalis ang grupo ni reynaldo. Habang sakay sila ng serbis ni reynaldo nadaanan nila yung anak na panganay ni larry.. tinigilan ni reynaldo. ''Ineng bakit ka naglalakad saan ba ang bahay ninyo? (tanong ni reynaldo) Doon pa po! (sabay turo) Halika na ineng ihahatid ka na lang namin. (alok ni reynaldo).
Hinatid mismo ni reynaldo ang dalagita sa kanilang tahanan.. napagmasdan ni reynaldo ang pamilya ni larry na nuoy kumakain pa ng lugaw ang mga bata dahil nagugutom na. At si crystel na kanilang ina ay pagod na sa kalalaba sa nakuhang labahin. Namangha si reynaldo sa nakita.. at naawa si reynaldo sa mga bata at sa asawa ni larry. Hindi naiwasan ni reynaldo ang magalit sa ama ng mga bata. Isinugal ang dapat sanay pang ulam at pambili ng damit ng kanyang pamilya ang natapon sa wala. Dahil sa awa ni reynaldo... Misis... eto po yung perang pinatalo ng inyong mister sa sugal... isasauli ko na lang po sa inyo at... huwag na huwag po ninyong sasabihin sa inyong asawa na isinoli ko ito ha. Kunin parin po ninyo sa kanya yung napagbilhan ng baboy. Inabot ni reynaldo yung 5,000 pesos.

Nasa kwarto na si reynaldo hindi mawala sa isipan niya ang kalagayan ng mga bata na nakita niya.. ang maamong mukha ni crystel.. Parang nasabik siya sa pagtingin ng isang merong kapatid na hindi niya naranasan sa buong buhay niya ang magmahal sa kapatid.
Nais niyang tulungan ngunit... natatalo ang isipan niya na ayaw nyang tulungan yung ama ng mga bata si larry. Parang tinulungan na rin niya ang ganon klaseng lalake. Ayaw niya yon. lalong aabuso iyon. ngaunit... paano niya matutulungan na hindi makikinabang yung ama ng mga bata. Isang lingo ang lumipas... ng biglang... krsssssssttttttt!! bagggggg!! Isang sasakyan ng nagpreno ng malakas.. isang lalaki ang nabundol ng sasakyan.. isang lalaki ang nakahandusay sa simento wala ng malay ang lalaki.. binuhat ng mga kalalakihan dinala sa malapit na hospital ngunit... dead on arrival na yung lalaki hindi na umabot sa hospital. Ang lakas ng iyak ng mga anak at ni crystel.. si larry ang nabundol ng sasakyan. Matapos ang libing ni larry.. naihatid na sa huling hantungan ang asawa ni crystel.. isang araw matapos ang libing... dumating si reynaldo sa bahay nina crystel ang maybahay ng yumaong si larry. Nag abot ng isang sobre si reynaldo kay crystel na naglalaman ng tseke na may nakasulat na 100,000 pesos na nakapangalan kay crystel at may inabot na pipirmahan si crystel na magpapatunay na merong naghihintay sa pamilya ni crystel na isang bangko sa bayan upang maglabas pa ng halagang 500,000 pesos na handang ilabas anumang oras ni crystel at ng kanyang mga anak. Hindi makapaniwala si crystel... kung kaylan nawala ang kanyang asawa.. doon naman sila makakatikim ng kaginhawaan sa buhay.

Sa pagkakataong ito.. wala na ang pumipigil sa isipan ni reynaldo upang tulungan ang itinuring na niyang nakababatang kapatid na si crystel.

Ngayon... nakahiga na si reynaldo sa malawak at malaki niyang kwarto nakapikit ngunit gising ang isipan at kinakausap ang panginoon ng taos pusong humihingi ng kapatawaran sa poong maykapal sa nagawa niyang mag buwis ng isang buhay upang makatulong sa nanganga ilangan.

Si reynaldo po ang dahilan ng lahat..!

Sinadya ko pong igsian ang aking kwento dahil ako po mismo ay ayokong magbasa ng mga mahahabang kwento. (Lol)

MARAMI PONG SALAMAT SA INYONG PAGBABASA.


Sunday, 5 April 2009

ALONE



Sabi ng iba... Mas maganda daw yung nag iisa, dahil nagagawa mo daw ang lahat ng naisin mong gagawin. Walang kumokontra, walang pumipigil, walang nang iistorbo. Lahat pwede mong gawin malayang malaya ka sa lahat ng bagay, walang maninisi sa iyo kung sakaling nakagawa ka man ng pagkakamali.

Para sa akin... Matagal na rin akong namamasukan dito sa malayong lugar, umabot pa ako sa ibayong dagat sa SAUDI ARABIA, KUWAIT, TAIWAN, at ngayon dito sa SOUTH KOREA. Halos buong buhay ko nasubukan ko na ang laging nag iisa. Totoo... minsan makakaramdam ka talaga ng kasiyahan kung nag iisa ka. Lahat ng maari mong gawin walang hadlang. Ngunit... sa buong panahon ng aking pag-iisa, madalas nakakaramdam din ako ng kalungkutan. At dahil sa haba ng panahon na inilagi ko na lagi akong nag iisa... sa aking naranasan, mas nakikita ko na mas marami ang kalungkutan na iyong madarama kung ikukumpara nang ako ay may kasama. Napag isip-isip ko na... hindi rin pala pwede yung lagi ka na lang nag iisa. May pera ka man o wala... Mas makakadama ka ng lubos na kasiyahan kung lagi kang may kasama. Sa panahon na nakakaranas ako ng mga sari-saring suliranin... mas nangangailangan ako ng suporta ng ibang tao o ng kasama, nangangailangan ako ng payo ng iba. Halos hindi ko malaman kung paano ko haharapin ang aking mga suliranin ng ako lang mag-isa. Minsan... mas kailangan nating humingi ng payo sa iyong mga kaibigan, sa kasama o kailangan mo ng payo ng iyong kasintahan, kailangan mo ng payo ng iyong asawa at higit sa lahat.. kailangan mo ng payo ng iyong mga magulang.

Hindi lahat ng araw ay kaya mong tumayo ng mag-isa, hindi lahat ng araw ay kaya mong harapin ang mga sularaning dumarating sa iyong buhay.

Sa ating buhay... kailangan nating lahat ang magkaroon ng karamay sa araw-araw, kailangan din natin ang meron tayong minamahal at.. merong nagmamahal sa atin.
Ang lagi nating tatandaan... ang nasa itaas ang lagi nating karamay.

WHICH IS MORE IMPORTANT PRAYER OR HARD WORK


Sa buhay natin.. Lahat tayo ay may kanya - kanyang pamamaraan kung paano ba natin iaangat ang ating pamumuhay. Maraming paraan na maari nating gawin, pero maaring merong pinaka epektibo na maari nating gawin upang makaahon tayo sa hirap ng pamumuhay.

Ano ba ang masasabi nating mas epektibo na paraan... PRAYER OR HARD WORK?

Kung para sa aking pananaw maari nating sabihin na kailangan ang dalawang nabangit, pero... mas naniniwala ako na mas malaki ang maitutulong ng HARD WORKING kaysa prayer. Dahil sa pwede kang mag trabaho ng husto kahit wala ang tinatawag na prayer. Manalangin ka man o hindi, ang nasa itaas ang tunay na nakakakita o laging nakasubaybay sa atin nasa kanya naman talaga ang awa.

Sa lahat ng bagay hindi lang ang pagdadasal ang kailangan nating gawin, kailangan din natin ang kumilos upang makamit natin ano man ang nais nating marating. Maging tapat ka lang mabuti sa iyong ginagawa. Para sa akin... Naniniwala ako na... Ang masipag na mang gagawa ay nagtatrabaho ng nag iisa, may kasama man o wala basta nasa puso ang ginagawa mo. Napatunayan ko na rin kasi ang mga bagay na 'yan. Halos labing limang taon na akong namamasukan ni minsan hindi ko sinasamahan ng panalangin. Gumagawa ako kung ano ang nais kong gawin. Hindi ko sinasabi na... hindi ko ginagamitan ng panalangin. Ang natatandaan ko, ang unang-unang pinapanalangin ko lagi ay ang... Bigyan niya ako ng lakas ng pag iisip, lakas ng katawan at ilayo ako sa ano mang kapahamakan at gabayan lagi ang mga mahal ko sa buhay. Yang apat na iyan ang madalas kong hinihingi sa itaas.

Pero ang kaginhawaan ng pamumuhay ako ang mismong gumagawa at naghahanap.

PARUSA


ANO BA ANG PARUSA
Meron tayong kasabihan na... Kung ang panginoon ay nagpapatawad tao pa kaya?Eto po ay sa sarili kong opinion na nais kong ibahagi sa inyo... Kung sa inyong paniniwala ay mali ako nasa inyo na po iyon. Lahat naman ay may kanya-kanya tayong paniniwala. Totoo ba na ang panginoon ay madaling magpatawad? Para sa akin "OO", Pero depende (naks! may depende pa ano po) Ang panginoon ay madaling magpatawad sa mga taong marunong humingi ng kanyang kapatawaran. Ang panginoon ba ay nagpapatawad or nagpaparusa sa mga taong nagkakasala sa kanya?Ang tanong na ito ang madalas kong marinig na pinagtatalunan ng mga kababayan natin. Para sa aking opinion... Ang panginoon ay marunong ding magparusa sa atin. At ang bawat parusang ibinibigay sa atin ay kung gaano kalaki ang kasalanan mo sa kanya, ay ganon din kalaki ang parusang ibibigay niya sa inyo. Alam ko... aminin man natin sa hindi, kahit ikaw na mismong nagbabasa sa mga oras na ito, hindi mo alam kung ano ba ang mga parusang binibigay sa atin ng ating panginoon.Ano ba ang parusa?Meron tayong kasabihan na... lahat ng tao ay may kasalanan. (totoo po iyan) Kaya nga ang lahat ng tao ay meron ding problema. Walang nilalang na walang kasalanan.. At wala ding nilalang na walang problema. Sa bawat kasalanan mo sa panginoon gaano man ito kaliit o gaano man ito kalaki. Ganon din kalaki o kaliit ang problemang kakaharapin mo. Sa bawat kasalanang nagagawa mo sa panginoon ay may parusang kapalit yan ang tinatawag natin "PROBLEMA". Ibig kong sabihin na ang sinasabi kong parusang binibigay sa atin ng panginoon, yan ay ang mga problemang kinakaharap natin sa ating buhay. Ang panginoon ang nagbibigay sa atin ng problemang kinakaharap. Depende sa laki ng iyong kasalanan, ganon ding kalaking problema ang darating sa iyong buhay.May mga nagsasabi na... Bakit si ganito, ang yaman pero ubod nman ng sama ng ugali. Ang nakikita lang po natin ay ang panlabas na kaanyuan ng taong iyon. Pero hindi mo alam kung gaano ba kalaki ang problema nila sa kanilang isipan, na hindi natin nakikita. At hindi rin natin alam kung gaano kalaki ang problemang naghihintay sa kanya pagdating ng takdang panahon, na tanging ang panginoon lang ang nakakaalam kung kaylan niya ibibigay ang parusa niya sa taong iyon. Tulad ng sabi ko nga... Kung isa siyang makasalanan... merot-merong parusang nakalaan sa kanya. Yan ang darating na problema sa kanilang buhay.Merong nagsasabi... Bakit si ganito, naghihirap samantalang ang bait - bait naman. Minsan hindi natin nababasa ang kanilang isipan. Sa panlabas na kaanyuan nakikita nating mabait... Pero sa kanyang isipan alam mo ba kung gaano kasama or gaano kabuti ang kanyang iniisip. Minsan... sa isip palang may kasalanan na tayo na hindi mo nakikita sa ibang tao. Kung halimbawang tama ka na maaring mabait siya sa kilos at sa kanyang isip maaring wala siyang kinakaharap ng malaking problema sa kanyang buhay.Para po sa mga nagbabasa... hindi ko po sinasabing paniwalaan ninyo ang mga sinabi ko dito. Nasa inyo pong sarili kung ano ang tama sa inyong nakikita. Maaring ang mga sinabi ko dito ay makatulong ng konti sa mga nakakalimot sa ating panginoon. Hindi po ako pari, Hindi rin po ako palasimba, Pero relihoso po akong tao.Obserbahan mo ang sarili mo... Gaano ba kalaki ang kasalanan mo? At gaano ba kalaki ang problema mo?SALAMAT PO!!

REGALO




Kung ang bawat kasalanan ay may katumbas na kaparusahan... Ang bawat kabaitan mo naman ay may nakalaang kaligayahan.Ano ba ang regalo ng panginoon sa iyo? May mga nagsasabi na... Ang mga hinihiling mo daw sa panginoon ay hindi naman daw binibigay. Para po sa aking opinyon... Ang bawat kabutihang ginagawa mo ay may katumbas na kaligayahan. Yan yung tinatawag nating ''REGALO'' sa iyo ng panginoon sa kabutihang ginagawa mo. Kung gumagawa ka ng kabutihan... At dumarating yung araw na humihingi ka ng isang kahilingan sa panginoon... Ibinibigay po iyan sa atin ng hindi po natin namamalayan. Dumarating po iyan sa takdang panahon dahil gumagawa ka ng kabutihan sa kapwa, hindi komo humihiling ka sa kanya ng isang kahilingan na alam mong ikaliligaya mo. Pero hindi mo alam sa kahilingan mong iyan baka darating ang araw na ibigay sa iyo ang hinihiling mo baka iyan pa ang magiging dahilan ng iyong pagluha pagdating ng panahon, hindi niya ibibigay sa iyo ang mga bagay na ikapapahamak mo balang araw.. kahit iyan ang alam mong ikaliligaya mo sa ngayon. Dahil kung gumagawa ka ng kabutihan sa kapwa meron siyang nakalaan na regalo sa iyong kabutihan yung hindi mo ikapapahamak pagdating ng panahon.Ano ba ang regalo sa atin ng panginoon? Sa bawat kabutihan mo merong nakalaan sa ating regalo... Ang regalo po sa bawat kabutihan natin.. Yan po ang nakakaramdam ka ng kaligayahan sa araw-araw. Bakit ka ba nagiging masaya? Bakit ka ba nagiging maligaya sa araw-araw? Yan po ang regalong natatangap natin buhat sa panginoon. Ang bigyan ka ng kasiyahan sa buhay. Sa bawat kabutihan mo... may nakalaang kaligayahan. Halimbawa... May trabaho ka ba ngayon? Masaya ka na dahil meron kang maayos na hanapbuhay, meron kang pera, wala kang gaanong problema, Di ba maligaya ka ngayon? yan ang regalo sa iyo ng panginoon buhat sa mga nagagawa mong kabutihan.Alam ng panginoon kung gaano ka kabuting tao.. kaya nga yung mga biyayang natatangap mo pangmatagalang kaligayahan. May mga taong mabubuti na humihiling ng alam niyang ikaliligaya niya ''SA NGAYON''. Pero hindi ibibigay ng panginoon ang hinihiling mo dahil sa mabuti kang tao hindi niya ibibigay ang hinihiling mo kung iyon naman ang magpapaluha sa iyo pagdating ng araw. Kaya tangapin mo ng maluwag sa iyong puso kung anong meron ka ngayon.. Dahil regalo sa iyo iyan buhat sa iyong kabutihan. Dahil sa kabutihan mo hindi ka niya ipapahamak. Ang regalo ng panginoon sa kabutihan mo sa kapwa wala sa material na bagay, kundi nasa kaligayahang pinaparamdam sa iyo sa araw-araw. Ang isang kaligayahan natin ay yung wala tayong kinakaharap na malaking problema.Wala ng hihigit pa at walang katumbas na halaga sa.. ''KALIGAYAHANG TINATAMASA MO NGAYON''.