Tuesday, 6 December 2016
MARUNONG KA BA MAHIYA
Ang isusulat ko ngayon ay tumutugma din sa nauna ko ng naisulat dito sa aking blog na may titulo na "Kilalanin mo muna ang iyong sarili".
Napakalaking bagay din para sa akin ang pagsusulat, dahil dito ko naisisiwalat ang mga laman ng aking isipan mga bagay na nakikita kong ginagawa ng isang tao. May mga tao din kasing hindi natin pwedeng pagsabihan ng harapan sa mga mali nilang ginagawa para makaiwas sa samaan ng loob iwas nalang at dito ko nalang sasabihin.
Hindi naman ako perpektong tao at alam ko din naman na may nagagawa din minsan akong hindi maganda sa kapwa kung meron man sinisiguro kong hindi ako nanlalamang ng kapwa.
Matagal na akong nakakakita ng mga taong mahilig talaga manglamang ng kapwa. Hindi ko lang talaga alam kung hindi ba talaga nila alam ang kanilang mga ginagawa o baka naman sinasadya na talaga nilang manlamang ng kapwa. Pero kung ako ang tatanungin may mga tao naman talagang mapanlamang ng kapwa.
Maaring sabihin natin na maliit lang naman na halaga pero para sa akin hindi iyon ganon, may mga bagay din naman na maliit sa una pero kung madalas nagiging abusado na.
Ganito po.. kayo na ang bahalang mag-isip.
Ang totoo marami talagang ganitong tao, mga abusadong tao, mga mapagsamantala sa kahinaan at kabaitan ng kapwa. Yun bang habang pinagbibigyan mo sila lalong umaabuso. Hindi ko na nga alam kung anong klaseng mga ugali meron ang mga taong ito kung mga abusado lang ba o mga mapagsamantala lang talaga o talagang magugulang na talaga. Bwisit!
Tungkol ito sa bisyo nating paninigarilyo.
May mga nakasama na ba kayong mga taong palahingi ng sigarilyo? Maaring may kilala na kayong ganyang tao ang tawag ng iba diyan "BURAOT".
May mga taong nagsasabi na titigilan na raw nila ang kanilang paninigarilyo pero ang nangyayari yung pagbili pala nila ng sigarilyo ang natigil at hindi yung paninigarilyo hingi nalang sila ng hingi.
May alam din akong mga taong itinatago ang sarili nilang sigarilyo at kung makakahingi nanghihingi muna.
May mga tao din na international ang brand ng sigarilyo yung kahit anong meron yung mahihingan menthol man o filter iyon din ang sinisigarilyo ang mahalaga makahingi.
Meron din yung taong galing na nga sa labas hindi pa bibili ng sigarilyo tapos pagdating sa loob ng kumpanya hahanap ng mahihingian.
Dito naman sa amin mga regular na nga sa trabaho hindi pa makabili ng sariling sigarilyo kung sino pa yung contractual na mas maliit ang sahod siya pa ang madalas na hinihingian ng sigarilyo. Yung ibang regular din sa trabaho naman nakatago lang sa drawer yung sigarilyo hingi rin ng hingi ng sigarilyo.
Alam na nga nilang may bisyo silang paninigarilyo ayaw nilang bumili ng sarili nilang sigarilyo at umaasa nalang lagi sa hingi. Ang masakit ang bisyo nilang paninigarilyo iba pa ang sumasagot. Bakit hindi nalang nila tigilan ang kanilang bisyo kung hindi rin lang naman nila kayang sustentuhan ang kanilang bisyo at iaasa nalang nila lagi sa iba.
Maaaring ang alam nila hindi na sila napapansin sa ginagawa nila ang hindi nila alam ako at ang kaibigan ko ang nag dadaingan ng mga sama ng loob tungkol sa inyong mga abusadong tao. Kung inaakala ninyong hindi namin kayo napupuna sa ginagawa ninyo "YON ANG AKALA NINYO" sana mabasa ninyo itong blog ko para malaman ninyo na hindi na natutuwa ang mga taong inaabuso ninyo pagtalikod na pagtalikod palang ninyo minumura na kayo! May mga tao lang talaga na hindi makatangi sa inyo iyon naman ang sinasamantala ninyo. Hindi lang ako makapagsalita sa inyo dahil hindi kayo sa akin nanghihingi ng sigarilyo dahil alam na ninyo na wala kayong mahihingi sa akin.
Eto ang masakit at talagang napakasakit at nakakabwisit...
Isang regular ang katatangap pa lang ng mahigit sa 16,000 na 13 month pay kahapon tapos kangina nanghihingi nanaman ng sigarilyo. Diyos ko po! Isang kahang sigarilyo hindi makabili bwisit! Alam nyo bang muntik ko ng hindi makontrol ang aking sarili? Ang tagal naming nagkatinginan ng aking kasama at alam kong alam na alam ng kasama ko kung ano ang tumatakbo sa isipan ko. Pagtalikod at habang papalayo nung tao hindi humihiwalay ang aking paningin sa kanya at sabay na bumubuka ang aking bibig ng pabulong sabay balik ng mata ko sa kasama ko. Alam ko nabasa ng kasama ko ang palihim na naging reaction ko sa taong nanghingi ng sigarilyo.
Kaya napilitan na akong isulat dito ang tungkol sa inyong mga abusado at sana mabasa ninyo ito kung hindi man kayo matama-tamaan ng kidlat sigurado dito baka sakali tamaan kayo!
Sinasamantala ninyo ang kababaan ng isang tao, sinasamantala at inaabuso na talaga ninyo ang kabaitan ng isang tao. Alam ko hindi masakit ang isang stick lang na sigarilyo ang nahingi ninyo.. Ang masakit ay kung bakit may mga taong tulad ninyo na said na talaga ang ugaling pagiging abusado at mapagsamantalang tao ninyo.
Iniisip ninyo siguro na hindi napapansin ang ginagawa ninyong palaging humihingi ng sigarilyo ng mga taong nasa paligid ninyo o kaya iniisip ninyo na walang nakakahalata sa mga ginagawa ninyo kaya patuloy at patuloy kayong nanamantala sa inyong kapwa. Palagay ko nga na ang alam ninyo ay hindi kayo nahahalata sa pagiging abusado ninyo dahil walang mga taong sumisita sa ginagawa ninyo.
Nagtataka lang ako...
Talaga bang hindi ninyo alam ang inyong mga ginagawa? o talagang sinasadya ninyong manglamang ng kapwa?
Hindi nyo rin ba alam na nagiging abusado na kayo?
Hindi ba ninyo alam na mali ang inyong mga ginagawa? Yung palagi nalang kayong hingi ng hingi ng sigarilyo.
Hindi nyo ba kayang bumili ng isang kahang sigarilyo?
Hindi ba kayo naaawa sa taong lagi ninyong ginagatasan ng sigarilyo ninyo?
Hindi nyo ba kayang tumigil sa kahihingi ng sigarilyo?
Hindi ba kayo marunong mag isip?
Palagay ko nga dahil hindi ninyo naiisip na masyado na kayong abusado. Hindi nyo rin naiisip na may nakakahalata na sa inyo sa palagiang paghingi ninyo ng sigarilyo o maari rin naman na alam nyo ng may nakakahalata na sa ginagawa ninyo pero.. patapangan nalang talaga ng apog noh?
Kaibigan...
Maaaring sabihin mo sa akin na maliit lang na bagay ang sigarilyo para umabot pa tayo sa hindi magandang pagkakaunawaan. Alam ko maliit lang na bagay lang yan pero.. alam mo ba simpleng bagay lang pero hindi pa natin mabili. Ang nais ko lang naman na ipaalam sa inyo na masyado na tayong nagiging mapagsamantala sa kahihingi at hindi narin maganda ang nagiging imahe natin sa iba. Lagi sana nating iisipin na pare-parehas lang naman na may trabaho, pare-parehas din tayong nangangailangan ng sigarilyo. Bumibili kami ng sigarilyo dahil kailangan ng sarili namin dapat bumili din naman kayo ng sarili ninyo. Para sa akin napakapangit namang tingnan na iasa pa natin sa ibang tao ang bisyo natin. Minsan hinihintay lang naman namin ang panahon na magkukusa din kayong titigil sa kahihingi pero parang hindi na darating ang panahon na maiisipan ninyong mali ang ginagawa ninyo. Palagay ko ito na ang panahon para marinig narin ninyo ang aming mga reaction sa inyong mga ginagawa.
Simple lang kaibigan.. Kung hindi natin kayang sustentuhan ang ating bisyo mas makabubuting itigil nalang natin ang ating bisyo.
Alam mo ba na kahit na anong gandang lalaki natin nawawala pati ang respeto at paghanga ay kasabay ding nawawala kapag napalitan ng imaheng hindi maganda.
Tulad ko.. Sa mga kasamahan ko sa trabaho alam kong napapansin ninyo na nagiging mailap ako sa inyo gustuhin ko mang maging malapit ako sa inyo pero hindi ko magawa, gustuhin ko mang maging kaibigan ko kayo pero hindi ko magawa, gustuhin ko mang makipagkwentuhan sa inyo pero hindi ko rin magawa. Umiiwas lang talaga ako hindi dahil ayokong magbigay ng sigarilyo, umiiwas ako dahil ayokong pati ako mabibiktima ng mga abusadong tao.
Di bale nang tamad basta marunong ka lang mahiya.