Thursday, 20 October 2016
LOVE YOURSELF
Madalas kong naririnig sa mga tao ang pangunahing ina-advise nila sa mga kaibigan na nakakaranas ng mga problema ang salitang "love yourself". Kahit dito sa net madalas din akong nakakabasa ng mga ganyang payo.
Sinubukan ko silang tanungin kung sa realidad paano mo mamahalin ang iyong sarili? Wala naman silang maisagot.
Paano maipapaliwanag ang salitang.. "mahalin mo muna ang iyong sarili".
Ganito po..
Merong magkasintahan, madalas silang nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan, kadalasan sinasaktan ang damdamin ng babae, madalas pinapaiyak ng lalaki ang kanyang kasintahan. Dahil sa laki ng pagmamahal ng babae sa lalaki handa niyang tiisin ang lahat ng pasakit na dulot sa kanya ng lalaki. Ano mang hirap at sakit ang nararanasan ng babae sa piling ng lalaki ay kanyang pinagtitiisan, kahit pa saktan ng lalaki ang buong pagkatao ng babae ay kanyang titiisin alang - alang sa pagmamahal niya sa lalaki.
Lumalabas na mas mahal ng babae ang ibang tao kaysa sa kanyang sarili, kahit na napapabayaan na niya ang kanyang sarili alang - alang sa pagmamahal niya sa ibang tao. Mas inuuna niyang mahalin ang ibang tao kaysa sa kanyang sarili.
Sabi nga sa tanong ko sa itaas.. "Sa paanong paraan mo mamahalin ang iyong sarili"?
Huwag mong hayaan na lagi kang pinapaiyak, huwag mo hayaang ikaw lagi ang sinasaktan, huwag mong hayaan na ikaw lagi ang nagtitiis at huwag mong hayaang ikaw nalang lagi ang lumuluha. Kung uunahin mong mahalin ang iyong sarili kaylan man hindi mo dadanasin ang laging sinasaktan at pinaluluha.
LONG DISTANCE RELATIONSHIP
Walang kamatayang usapin ito kahit saang umpukan lalo na dito sa internet o sa facebook.
Marami ang mga nagtatanong tungkol sa long distance relationship kung ano ang magandang gawin upang maging matibay ang pagmamahalan ng dalawang magkasintahan o mag-asawa na milya-milya ang pagitan.
Dati narin akong ofw at nakaranas din ng long distance relationship. Sa aking asawa o sabihin na nating nagkaroon din ako ng kasintahan sa ibang bansa.
Wala naman talagang matibay na sandata o matibay na relasyon kapag ang isa ay gusto talagang magloko depende lang talaga sa ugali ng tao. Mga taong walang iniisip kungdi ang sarili lamang kahit pa magkaloko-loko ang buhay ng pamilya.
Ayon sa naging karanasan ko, totoong mahirap labanan ang maging malayo sa isa't-isa, marami ang hindi nagkakatuluyan, yung iba naman hindi tumatagal bilang magkasintahan.
Bakit nga kaya?
Pagmamahal? Oo kailangan talaga ang pagmamahal sa isa't - isa. Pero hindi ako naniniwala na kailangan ng "pagtitiwala" sa isa't - isa. Sabihin na nating may tiwala ka nga sa kanya kung talagang gusto na niyang layuan ka wala kang magagawa dahil hindi kayang hadlangan ng tiwala mo ang lahat ng gusto niyang gawin.
Ano mang maging problema ng mag asawa andiyan lagi ang pag unawa ng isa't-isa ano man ang sabihing dahilan ng isa kahit puro kasinungalingan na ang dinadahilan ng isa ay andon parin ang magandang pagsasama nilang dalawa.
Dito tayo sa kalagayan ng magkasintahan pa lamang..
Sa magkasintahan ang long distance relationship ang pinakamahirap sa lahat, maraming mga magkasintahan ang nagkakahiwalay at nasisira dito. Depende na lamang kung ang magkasintahan ay malalim na ang pinagsamahan at may tunay na pagmamahalan sa isa't-isa. Mahirap ng paghiwalayin ng landas kahit pa sila makaranas ng long distance relationship dahil kilala na nila ang ugali ng bawat isa, di katulad ng bago-bago pa lang sila naging magkasintahan tapos magkakalayo sa isa't-isa, lalo na yung sa net lang nagkakilala at sa net din nabuo ang pagmamahalan yan ang madaling wasakin ng long distance relationship.
Sa dalawang magkasintahan na magkalayo ng lugar importante ang pakikipag-usap.
Ang ganda ng pakikipag-usap ang pinakamabisang sandata para hindi ka hiwalayan ng iyong kasintahan na nasa malayong lugar. Kailangan "hindi ka boring na kausap" sa telepono man o sa camera kapag kayo ay nag-uusap importante na magkaroon lagi ng buhay ang inyong pag uusap laging may tawanan, may biruan upang hindi ka niya pagsawaang kausap. Kailangan laging may bago kayong pinag usapan, kailangan hindi ka nauubusan ng mga bagay na interesado siyang pag usapan, kailangan may napupulot din siyang magagandang bagay mula sa mga kinukuwento mo dahil sa pamamagitan ng mga binibigkas mo ay unti-unti ka niya nakikilala, unti-unti nakikilala niya ang tunay na pagkatao mo lalo na kung sa net lang kayo nagkakilala at sa net din nabuo ang inyong pagmamahalan.
Mahalagang aspeto ng isang tao ang maganda at masayang kausap sa tulad ninyong nasa malalayong lugar na nakakaranas ng kalungkutan. Makatagpo man siya ng mga bagong kakilala siguradong panandalian lamang ang kanilang pagkakakilala dahil hahanap-hanapin parin niya ang kakaiba mong istilo sa pakikipag-usap kung saan siya nagiging masaya at mas komportable.
Kung hindi nasisiyahan sa pakikipag-usap sa iyo ang iyong kasintahan na nasa malayong lugar mawawalan siya ng oras at obligasyon na kausapin ka sigurado hahanap at hahanap siya ng taong masayang kausap.
Sa long distance relationship tanging pakikipag usap lamang nakasalalay at siyang magbibigkis at magpapatatag ng inyong pagmamahalan.
Kung sa pakikipag usap napapasaya mo ang iyong kasintahan na nasa malayong lugar diyan uusbong ang kanyang pagmamahal daan para lagi siyang maglaan ng oras at obligasyong kausapin ka.