Friday, 31 October 2014
KAPAG BINATO KA NG BATO.. BATUHIN MO NAMAN NG TINAPAY
Noon iniisip ko ano ba talaga ang kahulugan ng "kapag binato ka ng bato.. batuhin mo naman ng tinapay". Paano natin kaya magagawa sa realidad?
Marami sa atin kadalasan nating ginagamit ang mga salitang iyan sa pag payo natin sa ibang tao.. Karamihan din sa atin na alam ang kahulugan ng salitang yan pero hindi alam gawin sa realidad o hindi alam gawin sa sarili. Madalas kong tinatanong ang aking sarili kung ano ba ang kahulugan ng tinapay?
Hanggang isang araw sa hindi inaasahang pangyayari sa buhay ko bigla ko nalang nagawa sa kapwa ang tunay na kahulugan ng "kapag binato ka ng bato.. batuhin mo naman ng tinapay".
Sa totoo lang.. mahirap pala gawin sa realidad ang tunay na kahulugan ng salitang iyan dahil likas minsan sa ating mga pilipino ang pagiging matapang, mataas ang pride ayaw bumaba sa kinalalagyan at likas sa atin ang mapagtanim ng sama ng loob kaya hindi tayo nagkakaroon ng pagkakataong ibalik sa kanya ang tinapay.
Dati akong security guard sa isang paaralan.. kasalukuyan ako ang naka-duty sa main gate ng paaralan sa hindi inaasahang pagkakamali hindi ko agad napagbuksan ang parating na presedente pala ng PTA or Parents Teacher Asossation dahil likas din sa mga pilipino na nakarating lang ng konti sa mataas na posisyon ganon - ganon nalang kung makasigaw lalo na't isang hamak na security guard lang kami na hindi kayang sumagot sa mga katulad nilang may katungkulan at dahil likas narin ang kayabangan sa katawan sa konting problema nakasigaw kaagad. Sinigawan ako ng lalaking naka-kotse at sinabing pag dumarating daw sila ay agad - agad naming bubuksan ang gate, napatulala ako at nakaramdam ng pagkapahiya dahil sa dami ng nakarinig, pero hindi ako nagpatalo sa nararamdaman kong emosyon umisip ako ng isang bagay kung paano ko naman siya mapapaamo.
Inabangan ko ang pagdating muli ng presedente ng PTA at agad kong pinagbuksan sabay saludo sa harapan niya at nagsabing good morning po sir! Napangiti ko ang lalaki lalo na't araw - araw kong ginagawa sa kanya ang pag saludo hanggang isang araw nagbibigay na sa akin ng ulam sa tanghalian, nagbibigay na madalas ng meryenda kapag meron silang meeting sa paaralan at isang araw pinatawag ako para ibigay ang spaghetti sa akin na labi-labis ko namang ikinatuwa dahil alam ko naapreciate niya yung ginagawa ko sa kanya sa kabila ng pagbulyaw niya sa akin at ihampas ako sa kahihiyan sa karamihan ng tao.
Habang lumilipas ang araw dito ko naisip na ito pala ang kahulugan siguro ng "kapag binato ka ng bato.. batuhin mo naman ng tinapay". Hanggang ngayon madalas kong nagagamit sa kapwa ko ang salitang iyan dahil alam ko kung ano ang magiging resulta.
Ano man ang sinasabi ng isang tao.. huwag nating ibalik sa kanya ang mga batong ipinupukol nila sa atin bagkus subukan nating tinapay na mas malambot sa bato ang ibalik natin sa mga taong pumupukol sa atin ng bato asahan mo mapapalambot natin ang kanilang puso sa ginawa natin sa kanila.
Kaya sa abot ng aking paniniwala iyan ang alam kong tunay na kahulugan ng mga salitang "kapag binato ka ng bato.. batuhin mo naman ng tinapay"
Naniniwala ako na.. kahit anong ginagawa mo sa kapwa o sa buhay mo ikaw ang unang - unang makakatangap ng resulta sa ginagawa mo.. sigurado yan.