Wednesday, 5 September 2012

NAUUPOS NA KANDILA

May pamilya ako may apat na anak na nag aaral sa elementarya, sa high school at sa colledge. High school lang natapos ko, isa rin akong katulad ninyong may pangarap.. pangarap sa sarili, pangarap sa pamilya, pangarap sa mga anak, pangarap sa asawa, pangarap sa mga magulang at mga kapatid. Isa rin akong pilipino na naninirahan at nagmamahal sa ating bayan.

Naka upo ako sa harap ng aming barong - barong nag iisip nangangarap. Bilang ama nangangarap din ako ng maayos na pamumuhay, nangangarap din ako ng maayos na hanapbuhay. Sa paghahanap ko ng mapapasukan kailangan ko ng sedula, barangay clearance, police clearance, NBI clearance, sss number at hinanapan ako ng birth certificate doon pa sa NSO kukunin. Nagkatinginan lang kami ng asawa ko, pamasahe palang wala ng maiaabot sa akin ang aking asawa paano pa kaya yung mga babayaran sa requirements. Sinubukan ko rin maging kargador, sinubukan ko ring mamulot ng basura, lata.. oo maraming mapapasukan kung kaya din lang ng katawan ko papasukan ko ngunit hindi ganon kadali na pilitin mong kayanin ang hindi kaya ng katawan mo lalo kung ako nalang inaasahan ng pamilya ko. Habang lumilipas ang araw lalong sumisikip ang mundo ko at mundo ng aking pamilya dahil sa edad kong ito sino pa ang lalong tatangap sa akin. Paano na ang aking pamilya, ang aking asawa, ang aking mga anak, ang aking mga magulang, paano na ang aking mga pangarap, paano na ang mga pangarap ng aking mga anak, paano na ang kanilang pag aaral.

Ang buhay dito sa ating bayan ay punong-puno ng problema, punong-puno ng pasakit, punong - puno ng hirap, punong - puno ng luha. Tumayo ako sa aking pagkakaupo, humakbang ng isa, dalawa, tatlo at muli akong napa upo hindi ko na kaya.. wala na akong lakas upang lumakad, wala na akong lakas para buhayin ang aking pamilya, ang aking mga anak, wala na akong lakas para ipagpatuloy ang aming pamumuhay at wala na rin akong lakas para lumaban sa gutom na nararanasan wala na rin akong lakas na lumaban sa mga taong nais na muling sumakop sa ating inang bayan. Tulad ninyo pilipino rin ako na nagmamalasakit at lubos na nagmamahal sa ating inang bayan.

Pilipino rin ako na nagmamalaki at taas noo na nagsasabing "im proud to be a pilipino". Pero sa pagiging pilipino ko.. para akong nauupos na kandila unti-unting hinahatak ng lupa.


Sa aming mahal na pangulo sana.. mawala na ang lahat ng gastusin na isang bumabalakid at nagpapahirap sa mga abang mangagawa.