Friday, 14 October 2011

OFW -- PAANO KA NAGING BAYANI?

PAANO KA BA NAGING BAYANI?

Mula pa noon hanggang ngayon madalas nating naririnig sa mga kababayan natin na tayong mga nagtatrabaho dito sa ibayong dagat ay mga bayani ng bansang pilipinas. Eto ang paniniwalang tumatak sa ating mga pilipino. Halos lahat na mga pilipino ito ang kanilang paniniwala, kahit siguro ikaw na nagbabasa ngayon kung OFW ka maaring iyan ang iyong paniniwala na bayani ka ng bansang pilipinas dahil sa perang ibinabahagi mo sa kaban ng bayan.

Bilang OFW.. Paano ka nga ba naging bayani ng pilipinas?
Dahil ba sa perang ibinahagi mo sa kaban ng bayan bilang manggagawa dito sa ibang bansa?
Paano? Dahil ba kundi dahil sa perang nakukuha sa atin kaya tumitibay ang ekonomiya ng bansang pilipinas? Maaring isasagot mo "OO".

Malaking "OO". Taas noo ka pa ngang ipagsisigawan na dahil isa kang OFW na malaking naiaambag sa ekonomiya ng pilipinas.

Tatanungin kita..
Ang pera bang napupunta sa gobyerno mula sa iyo bilang OFW ay kusa at buong puso mo bang ibinibigay sa gobyerno? (sagutin mo ito) "IMPOSIBLE!"

Kung halimbawang dumaan sa palad mo ang salaping napupunta sa gobyerno at pagkatapos mong mahawakan ang perang napupunta sa gobyerno.. Ibibigay mo kaya ng kusa ang perang pinaghirapan mo sa gobyerno?

Palagay ko.. "HINDI" Imposibleng ibibigay mo ang perang pinaghirapan mo sa gobyerno.
Tapos... Aakuin mo na ikaw na isang OFW ay bayani ng bansang pilipinas.

Isang halimbawa ko.. Ang mga pilipinong manggawa dito sa bansang south korea ay nag rally noon dahil tinangkang kunin ng gobyernong arroyo ang pera ng mga pilipino dito sa korea at ang makukuhang pera ng gobyernong arroyo sa bawat pilipinong manggagawa dito sa korea ay mahigit sa 200,000 pesos ang bawat isang ulo. Napakalaking halaga na pinaghirapan ng mga pilipino kukunin lang ng gobyerno. Isang halimbawa ito na ayaw nating ang gobyerno ang makinabang sa perang pinaghirapan natin. Dapat lang! Dapat lang na ang pamilya natin ang makinabang sa perang pinaghirapan natin hindi gobyerno.

Tapos aakuin natin na bayani ka ng bansang pilipinas.

Minsan kasi may mga pilipino na narinig lang nila sa ibang tao na bayani tayo.. iyon narin ang kanyang paniniwala. Hindi na nag iisip.. hindi muna inaalam kung bakit nga ba tayo naging bayani ng bansang pilipinas. Minsan.. ipinagsisigawan pa "OFW ako.. bayani ako ng bansang pilipinas!".

Aminin mo man o hindi ikaw na ofw nagpunta ka dito sa abroad para mabigyan mo ng kinabukasan ang pamilya mo.. hindi kinabukasan ng gobyerno, nagpunta ka dito para bigyan mo ng kaligayahan ang pamilya mo.. hindi para bigyan mo ng kaligayahan ang gobyerno, nagpunta ka dito sa abroad para magtrabaho alang - alang sa pamilya mo.. hindi alang - alang sa gobyerno at sa panahon ng pamamalagi mo rito sa abroad wala kang iniisip kundi pamilya mo ang dahilan ng pagtitiis mo dito sa abroad. Pero.. ni minsan hindi sumagi sa isip mo na kaya ka nagpunta dito sa abroad ay dahil sa gobyerno.

Tapos.. Ipagsisigawan mo.. ofw ka bayani ka ng bansang pilipinas.

Gumising ka kaibigan sa katotohanan.