Tuesday, 10 May 2011

PAG-PAPATAWAD NG DIYOS

Ano ang pagpapatawad?
Nasubukan mo na bang humingi ng tawad sa mga taong nagagawan mo ng kasalanan? Paano mo nalalaman kung napatawad ka na ng taong nagawan mo ng kasalanan? Mararamdaman mo lang ang pagpapatawad kung lubusan ng ngumingiti sa iyo yung taong hinihingian mo ng tawad depende kung nagpapakita ka na ng kabutihan dun sa tao, doon mo pa lang lubusang malalaman na talagang napatawad ka na nung tao.

Sa diyos... Ang diyos ba ay nagpapatawad?
Kadalasang bukang bibig ng tao at kadalasang naririnig ko sa tao... ''Ang diyos nga nagpapatawad ang tao pa kaya? Paano mo nalalaman na ang diyos ay nagpapatawad ayon sa paniniwala mo at ng halos lahat ng tao dito sa mundo. Sa paanong paraan mo nararamdaman na napatawad ka na ng diyos sa mga kasalanan mo sa kanya. Malalaman mo ba na napatawad ka na sa kasalanan mo sa diyos sa pamamagitan ba ng pagkokomunyon mo sa simbahan? Malalaman mo ba na napatawad ka na ng diyos sa pamamagitan ng mga pari sa simbahan? Kaya mo bang ipaliwanag kung napatawad ka na nga ba ng diyos sa mga kasalanan mo?

Lahat tayo naniniwala na ang diyos ay nagpapatawad kaya patuloy at patuloy tayong gumagawa ng kasalanan dahil dinadaya tayo ng paniniwalang ang diyos ay nagpapatawad.

May mga tao namang naniniwala na ang diyos ay nagpapatawad pero... takot namang gumawa ng kasalanan dahil nag-aalala silang baka parusahan sila ng diyos sa kasalanang gagawin, ito ang mga taong ''alanganing maniwala sa sariling paniniwala''.

Paano mo malalaman or paano mo nararamdamang napatawad ka na ng diyos sa mga kasalanang nagagawa mo sa kanya or sa kapwa? Palagay ko wala kang maapuhap ng paliwanag dahil ikaw mismo hindi mo nararamdam na pinatatawad ka ng diyos sa mga kasalanan mo gayung naniniwala ka na ang diyos ay nagpapatawad. Naniniwala ka gayung hindi mo pa napapatunayan. Naniniwala ka dahil iyan ang sinasabi ng iba, dahil iyan ang sinasabi ng mga relihiyon, naniwala ka na dahil iyan ang madalas na sinasabi ng mga pari, Ang laki naman ng kapangyarihan ng mga pari at nakaka-usap nila ang panginoon samantalang tao din ang mga iyan na tulad mo.

Ayon sa sarili kong karanasan at pag obserba ko sa buhay ko at sa buhay ng ibang tao.. naniniwala ako na ang ''diyos ay hindi nagpapatawad''. Lahat ng laya ay ibinigay niya sa atin upang may laya tayong gawin ang lahat ng naisin nating gawin, tulad ng madalas kong sinasabi sa mga naunang sinusulat ko binigyan niya tayo ng isip para maisip natin muna bago natin gawin, binigyan tayo ng isip para malaman natin ang tama at mali, binigyan tayo ng layang mag isip para maisip natin kung tama nga bang gawin ang isang bagay sa kapwa o hindi. Pero ang tao ay hindi ginagamit sa tama ang isip kaya patuloy na gumagawa ng kasalanan. Dalawa lang ang maari niyang ibigay sa atin na siguradong mararamdaman natin. Dalawang bagay na siguradong malalaman mo na galing sa kanya kung gagamitin mo ang iyong isipan.

Ano ang dalawang bagay na maaring ibigay ng diyos sa atin na maaring maramdaman natin upang maging gabay mo sa ginagawa mo sa araw-araw. Ang dalawang bagay na tinutukoy ay ang... (1) ''Gantimpalang kaligayahan'' ayon sa mga kabutihan mong ginagawa upang patuloy kang gumawa ng kabutihan sa kapwa mo, gantimpalang kaligayahan mo sa araw-araw kung saan nakakamit mo ang bagay na nagpapasaya sa iyo sa oras-oras, minu-minuto, araw-araw. Mula sa kaliit-liitang bagay hanggang sa kalaki-lakihang bagay na pinapangarap mong nakakamit sa buhay na maituturing mong nagpapasaya sa iyo gantimpala iyan sa kaliit-liitang kabutihang ginagawa mo sa kapwa. Dahil ang lahat ng bagay dito sa mundo galing sa kanya kasama ng kalungkutan.

Ano ang ''Kalungkutan''?
(2) Ang kalungkutan ay ang pangalawang maaring ibigay niya sa atin kasama ng kaligayahan. Paano mo nararamdaman ang kalungkutan? Ang kalungkutan ng tao ay ang problemang kinakaharap mo sa buhay sa araw-araw parusa sa mga ginagawa mong kasalanan na pwede niyang iparamdam sa iyo upang maalala mo ang panginoon upang maging daan para hindi ka na muling gumawa ng kasalanan sa kapwa. Ang lahat ng dumarating sa iyong problema sa oras-oras, minu-minuto, araw-araw ay maituturing mong kalungkutan sa buhay isang bagay na kayang hagupitin ng sakit ang puso't - isipan mo dahil sa sakit ng nararamdaman ng hapdi dulot ng sakit na dala ng kalungkutan mo. Mula sa kaliit liitang kasalanan mo may katumbas na kaliit-liitang problema or kalungkutan ayon sa gaano kaliit ang kasalanan mo sa kapwa. Isang parusang kasing sakit ng parusang hagupit ng palo sa atin ng ating mga magulang daan upang hindi na muling magkasala.

Sa paanong paraan mo naman malulutas ang kalungkutan mo sa araw-araw dulot ng problemang kinakaharap mo?

Dito po natin mararamdaman kung sa paanong paraan tayo mapapatawad ng ating panginoon matapos ang parusang iginawad sa atin dahil sa mga kasalanan mo sa kapwa daan upang maging kasalanan mo sa diyos, ''Gumawa kang muli ng kabutihan sa kapwa, ang kabutihan mo sa kapwa ang siya ring kabutihan mo sa diyos daan upang mawala ng tuluyan ang parusang ibinigay sa iyo. Sa pamamagitan ng muling pag-gawa mo ng kabutihan sa kapwa ang siyang magsisilbing papawi ng iyong kalungkutan. Sa muling pag gawa mo ng kabutihan ang tanging daan tungo sa kaligayahan mo at ang tanging magpapaligaya sa puso mo at isipan ay ang tuluyang mawala sa buhay mo ang isang problemang kinakaharap mo ngayon, ang panginoon ang magsisilbing gamot sa mga problemang kinakaharap mo siya ang papawi ng iyong mga suliranin daan upang muli at muli kang makaramdam ng kasiyahan. Ang panginoon din ang sasagot sa iyong mga problema at siya lang ang may kapangyarihan kung kaylan ka niya muli bibigyan ng kaligayahan na mag sisilbing gantimpala mong muli sa ginagawa mong kabutihan sa kapwa.

Kaya ang payo ko sa iyo kaibigan....
Gumawa ka lagi ng kabutihan, dadagsain ka ng kaligayahan.