Sunday, 7 June 2009

KAHIRAPAN





Kapag nakakarinig ako ng mga ganitong music hindi ko maiwasan ang maalala ko ang aking nakaraan, yung time na naghihikahos kami sa buhay. Naaalala ko ang nanay ko na sinisigawan ng kapitbahay naming pinagkakautangan namin sa tindahan. Dinig na dinig ko kung paano nila pagsabihan ng masasakit ang nanay ko. Nang dahil lang sa konting halaga.. kumain ang nanay ko ng sandamakmak na mura. Kitang kita ko umiiyak ang nanay ko sa aming tahanan. Hirap na hirap ang kanyang kalooban, ano nga ba ang lakas ng isang naghihikahos kundi ang kainin ang lahat ng kahihiyan. Ako bilang isang anak napakahirap at sobrang sakit sa aking damdamin ang makita ko umiiyak ang nanay ko. Tiniis lahat ng nanay ko ang mga masasakit na salita hindi naman niya pinagsisihan ang kanyang ginawa umutang siya ng dahil sa amin, umutang siya para ipakain sa amin. Hngang ngayon lumuluha ako pag naalala ko ang mga sinabi sa akin ng nanay ko noon, ang sinabi sa akin ng nanay ko.. ''Anak... hindi masakit sa akin ang alipustahin nila ako.. ang masakit sa akin yung makita ko kayong walang makain anak'' umiiyak nanay ko noon. ''kaya ikaw anak pag lumaki ka huwag mo akong pababayaan ha? tatangapin ko ang lahat ng mga masasakit na salita nila... ang pabayaan mo ako.. iyon ang hindi ko matatangap''. ''Opo inay" umiiyak akong niyakap ko nanay ko sa awa ko sa kanya. Iba ang pagmamahal ng isang ina, walang katumbas na pagmamahal. Minsan tinatanong ko sarili ko ''bakit meron pang naghihirap? ''bakit hindi nalang lahat mayaman?.

Maraming araw na sumasablay din kami ng pagkain, maraming araw na halos kamatis lang ang ulam namin, mahirap ang maging isang mahirap, lahat ng pagtitiis lahat ng paghihirap, lahat ng sakit ng kalooban dadanasin mong lahat. Lahat ng kahihiyan lahat ng kalungkutan, lahat ng gutom, lahat ng luha iluluha mong talaga. Pero ng dahil sa aming kahirapan dito nabuo ang tunay kong pagkatao, natuto ako kumilos ng maayos, dito ako natutong maging maunawain, dito lumawak ang aking isipan, dito ako natutong mag plano kung ano ba ang aking magiging bukas at dito ako natuto kung paano ang umunawa sa kapwa.