Friday, 8 May 2009
ANG KAPITBAHAY NAMIN
Eto po nanaman ang inyong lingkod upang ibahagi ko ngayon ang mga pangyayari dito sa aming paligid. Nung nakaraang sabado meron kaming bagong kapitbahay na pamilya ng mga korean nationals, meron silang anak na parang artista ang dating ng mukha parang rica paralejo. Sus mukhang kinikilig nanaman itong kasama ko at kaututan ko ng dila sa araw-araw, eto po yung kasama ko na parang butete ang katawan. Etong mga araw na lumipas nagiging masigla at masayahin itong kaibigan ko dahil nakausap na pala niya itong kapitbahay namin na parang ice cream ang lasa sa sobrang kagandahan. Hay! nakaka-inlove talaga, pero... medyo nauungusan ako nitong kasama ko ahh! mabilis din ang loko.. komo andito nga tayo sa malayong lugar.. siguro sawa na rin sa kamay niya na laging ginagamit. (lol)
Isang araw nakita pala niyang nagsampay ng mga labahin itong dalagang kapitbahay namin.. Komo gustong maka first base uli itong kasama ko nagsampay din pala siya ng mga damit sa tabi ng pinagsampayan ng dalaga. Nang dumating ako ng aming tirahan medyo makulimlim nagbabantang uulan nang mga oras nayon.. Tinawagan ako ng kasama ko na kung uulan ako na kukuha ng mga damit niya sa sampayan at tingnan ko daw yung mga damit dahil pati yung mga sinampay nung dalaga makuha ko din. Sinabi nga ng kasama ko na kaya siya nagsampay ay para sabayan lang yung dalaga at makausap, ang totoo niyan ay tuyo naman talaga yung mga damit, pantalon na sinampay ng kasama ko. Tingnan ninyo may kalokohan talaga. Ang ginawa ko kinuha ko na yung mga sinampay nung kasama ko ang iniwan ko lang ay yung isang brief nung kasama ko sa sampayan.. naisip ko.. meron nga pala akong brief na katulad nang sa kasama ko pati design parehas na parehas. Kinuha ko yung brief ko nilagyan ko ng butas sa mismong saluhan ng buntot ng kasama ko, tapos hinatak ko ng husto yung garter ng brief ko at nilagyan ko pa ng malaking perdible sa mismong garter dahil nga binatak ko ng husto yung garter kaya lumalabas na lawlaw yung brief at kailangang may perdible. Yun ang inilagay ko sa sampayan yung brief ko na may perdible. Eksakto umaambon na, siya namang dating ng kasama ko... nakita kong kinukuha na nung dalaga yung sinampay niya.. habang tinitingnan ko yung dalaga, nakita kong tinitingnan nung dalaga yung brief na inilagay ko tinitingnan niya na baka sa kanila din yung brief.. Biglang humagalpak yung dalaga nahulog yung pustiso nung dalaga sa sahig.. sabay dampot lilingon-lingon kung may nakakita sa kanya.. maya-maya sumigaw sa bahay namin.. ''HOY SA INYO BA ITONG BRIEF.. KASI UULAN NA! sigaw nung dalaga.. sabi ko sa kasama ko... pare.. kung sa iyo daw yung brief sa labas? lumabas yung kasama ko.. ''SA IYO BA ITO?'' tanong nung dalaga sa kasama ko.. (dahil nga parehas) ''oo sa akin yan''! Inabot ng kasama ko yung brief sabay ngiti sa dalaga. Maliwanag inamin niya na kanya yung brief..(KOMPIRMADO) sabay takbo nung babae sa loob na hindi mapigilan ang tawa. Pag pasok ng kasama ko.. tiningnan yung brief bakit naging ganito yung brief ko? tanong niya sa akin. Sabi ko akin yan ayun yung sa iyo nasa dulo ng sampayan. Sa iyo pala iyan eh bakit hindi ikaw ang kumuha sa kanya? Galit na singhal ng kasama ko sa akin. Inamin ko tuloy na sa akin ito! Sigaw pa rin ng kasama ko. Eh bakit mo kasi inamin na sa iyo yan! tanong ko sa kanya. Eh parehas eh! kaya lang ito.. may butas na.. may perdible pa! hayup ka! HA HA HA
TAGUMPAY
Ano nga ba ang tamang pagkakaintindi natin sa salitang "TAGUMPAY"? Maraming bagay ang pwede nating ipaloob dito, tagumpay sa pag-ibig, tagumpay sa pakikipagtalo, tagumpay sa pakikipag-paligsahan ng lakas, tagumpay sa hamon ng buhay, tagumpay dahil nakapagtapos ka na ng pag-aaral at nakamit na natin ang inaasam-asam na diploma sa kolehiyo at marami pang iba na masasabi nating tagumpay tayo. Lahat tayo ay may kanya-kanyang paliwanag dito at lahat tayo ay may kanya-kanyang paniniwala.
Para sa aking paniniwala.. ihahalintulad ko ang mga sinabi ko sa itaas sa isang paligsahan, tulad ng larong basketball.. nagtagumpay ka sa unang laro, tagumpay ka sa pangalawa, pangatlo ngunit itoy bahagi pa lamang ng unang yugto ng tagumpay. Tagumpay pa lamang ng isang elimination round, hindi mo pa lubos na nakakamit ang tunay na tagumpay kung saan kayo ang mananalo sa final. ( championship round ). Diyan mo palang masasabi ang tunay na tagumpay. Kung ikaw ay nakapagtapos na sa iyong pag-aaral masasabi mo na bang tagumpay ka ng lubusan kung hindi ka pa makahanap ng mapapasukan? Masasabi mo rin bang tagumpay ka na kung halimbawang meron ka ng hanapbuhay? at kung may hanapbuhay ka na hindi ka na ba maaring matangal pa sa iyong pinapasukan? Hangang saan nga ba maabot ang tunay na tagumpay? Tagumpay na maari mong mapakinabangan at lubos na magpapaligaya sa atin dahil sa nakamit nating tagumpay. Lagi kong nilalagay sa aking isipan na... Ang bawat isa sa atin ay nakaharap lang tayo lagi sa napakaraming pagsubok, pagsubok sa buhay, pagsubok sa mga kinakaharap na problema. Hindi ko alam kung tama o mali ang aking paniniwala, pero mas umiibabaw sa aking isipan na ang tunay na tagumpay na makakamit ko ay malalaman ko pa lang sa aking pagtanda. Yun bang... nasa huling yugto na ako ng aking buhay, ang pagdating ko sa edad ng aking pagtanda. Doon ko pa lamang malalaman kung naging tagumpay nga ba ako sa lahat ng aking nagawa. Para sa aking paniniwala tagumpay akong masasabi kung makamit ko at ng aking pamilya ang may maayos ng pamumuhay sa bandang huli kahit kami'y matanda na, kahit hindi na ako makapagtrabaho meron na kaming makakain ng aking mga anak, hindi na kami magugutom kahit hindi na ako magtrabaho, tagumpay akong masasabi kung napalaki ko na ang aking mga anak na hindi nakakaranas ng gutom kahit hindi na ako makapagtrabaho. Yun bang naka upo nalang ako sa upuang tumba-tumba na may ngiti sa aking mga labi na nakikita kong masaya ang aking pamilya dahil sa pundasyong itinayo ko nung akoy lumalaban pa lang sa hamon ng buhay. Nalampasan ko at ng aking asawa ang mga hirap na pinagdaanan ko noong akong nagtatrabaho pa lamang.
Ito ang masasabi kong tagumpay ko! ang nakarating ako sa pagtanda na nailagay ko sa ayos ang aking pamilya. Ito ang tagumpay na lubos na magpapaligaya sa akin. Tiniis ko ang lahat ng pasakit, tiniis ko ang lahat ng pangungulila, tiniis ko ang lahat ng paghihirap, tiniis ko ang lahat ng pagtitipid dahil naniniwala ako na... sa huli ko makakamit ang aking tagumpay, ang lahat ng aking isinakripisyo ako at ang aking pamilya ang tunay ding makikinabang. ''ITO ANG TUNAY NA TAGUMPAY PARA SA AKIN''.